top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | September 19, 2021



Magkakaroon nb pagpupulong ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga gym owner para pag-usapan ang mga gagawing health protocols oras na payagan ang pagbubukas ng mga ito.


Ito ay sa gitna ng mga apela ng Philippine Fitness Alliance (PFA) na payagan na silang magbukas sa ilalim ng bagong quarantine system.


"Magsu-suggest sila ng extra safety protocol. Titingnan ho natin. Hindi po natin mapapangako sa ngayon dahil pilot test pa lang sa ngayon," ani Trade Secretary Ramon Lopez.


Sa ngayon ay nasa alert level 4 ang buong NCR sa pilot implementation ng alert level classification system.


Hirit naman ni Lopez, kung maaari raw ay gawin nang outdoor ang setup ng mga gym lalo't karamihan ay indoor at madalas maghiraman ng kagamitan ang mga gumagamit nito.


"'Yung sa gym po, indoor siya. Hindi po kasingdami ang empleyado, marami lang ho ang customer at ang isa pang delikado sa gym ay siyempre 'yung paghinga nang malalim, siyempre 'yung pag-exercise at pag-share ng equipment," ani Lopez.

"Ang bagong business model kung puwede ho, outdoor. Gumawa tayo ng location na kung puwede mas may free air flow, iyon po ay mas safe po sa ating lahat sa mga customer at workers," dagdag niya.


Samantala, iginiit naman ng PFA na wala silang naitalang on-site transmission sa mga gym at fitness center sa ngayon at paulit-ulit anila nilang pinaaalalahanan ang mga miyembro nila na sumunod sa health protocols.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 14, 2021



Siniguro ng Department of Health (DOH) na sapat ang suplay ng oxygen sa bansa ngunit ayon kay Secretary Francisco Duque III, posible umanong magkaroon ng kakulangan sa suplay ng tangke.


Aniya sa isang panayam, “Okay naman (ang oxygen supply) kasi palagi kaming nagpupulong ni Secretary Ramon Lopez ng DTI dahil siya ang nakikipag-ugnayan sa mga oxygen manufacturing companies.


“Ang sinasabi nila nu’ng huli kaming nag-usap, kung 203 tons of oxygen per day ang nagagamit, kaya nilang triplehin o kaya nilang gawing 605 tonnage per day ang isu-supply nila.”


Samantala, nanawagan din si Duque sa publiko na huwag mag-hoard ng mga oxygen tanks dahil posible umanong magkaproblema sa suplay ng mga tangke.


Aniya pa, “Inaantay ko pa rin ang pag-aangkat ng karagdagang tangke na walang kargang oxygen. ‘Yung tangke lang. Kasi ‘yung oxygen, meron, eh. Pero baka sa tangke, magkaproblema.”


Samantala, panawagan din ni Duque sa publiko, “Nananawagan ako sa ating mga kababayan na huwag kayong mag-hoard ng mga oxygen, unless meron kayong prescription ng mga doktor. Hayaan n’yo po 'yung mga tangke na umikot, hindi puwedeng nakaistasyon sa bahay ninyo ang mga tangke. Kailangan pong may sirkulasyon ang mga tangke na tuluy-tuloy na kapag naubos, ire-refill.”

 
 

ni Lolet Abania | May 8, 2021




Inaasahang ilalabas ang suggested retail price (SRP) ng mga imported na baboy sa susunod na linggo, ayon sa Department of Agriculture (DA).


Sinabi ni DA Chief William Dar, kabilang ang mga senador, susuriin at susumahin nila ang presyo nito ayon sa napagkasunduang taripa.


Aniya, nakikipag-ugnayan na rin ang ahensiya sa Department of Trade and Industry (DTI) hinggil dito. “Well, ang presyo po base dito sa pinal na ibinaba na taripa, we are now making the calculations and we are doing this in tandem, in partnership with the DTI so, baka next week i-announce namin ang suggested retail price,” ani Dar.


Matatandaang nag-isyu si Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order hinggil sa taripa ng mga imported na baboy. Subalit, ilang kongresista ang pormal na nagpasa ng resolusyon upang ipabawi ito kay Pangulong Duterte.


Gayunman, nagkasundo na ang DA at mga mambabatas sa ipinatupad na taripa sa dahilang maaaring makaapekto ito sa local hog industry.


Sinimulan ng pamahalaan ang pag-angkat ng imported na baboy sa kasagsagan ng pagdami ng kaso ng African swine fever (ASF) na labis na nakaapekto sa suplay nito sa bansa ng mga lokal na magbababoy.


Samantala, ayon kay Dar, posibleng bumuhos naman ang suplay sa bansa ng mga imported na isda, gulay at bigas habang sa ngayon ay sapat pa ang mga ito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page