top of page
Search

ni Lolet Abania | June 9, 2022



Ipinahayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na target nilang i-release ang P500 buwanang subsidiya para sa mga mahihirap na pamilya sa katapusan ng buwan.


Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, ilang 12.4 milyong low income families, kabilang ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ang mga social pension beneficiaries ang makatatanggap ng cash aid ng gobyerno na para sa tatlong buwan o may kabuuang P1,500.


“Inaasahan na itong P500 per month na subsidy ay maumpisahan bago magtapos ang termino ni Pangulong Duterte,” saad ni Dumlao sa isang televised briefing ngayong Huwebes.


“Isinasaayos na natin ang mga dokumento para makapag-umpisa na doon sa distribution. Ina-account na po natin kung ilan sa ating mga mahihirap na pamilya ang may existing cash cards upang sila ang unang mahatiran ng first tranche ng subsidy na mula sa national government,” sabi ni Dumlao.


Hindi naman binanggit ng opisyal kung hanggang kailan makatatanggap ng subsidiya ang mga benepisyaryo, subalit una nang sinabi ng mga awtoridad na kaya lamang isagawa ng bansa ang nasabing programa ng tatlong buwan.


Matatandaan na noong kalagitnaan ng Marso, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang monthly subsidy para sa mga naturang benepisyaryo upang mabawasan ang tinatawag na economic impact ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at mataas na halaga ng mga bilihin.


Inilarawan naman ng iba’t ibang sektor sa bansa ang subsidy bilang maliit na sustento at hindi man lang aabot sa halaga ng isang araw na gastusin ng bawat pamilya.


Binanggit din ni Dumlao na walang mga pagkaantala sa naging direktiba ng Pangulo, paliwanag niya umabot sila sa mahigit dalawang buwan bago ito ipatupad dahil sa mga kinakailangang approval.


“Hindi natin nakita na may delay, may isinaayos lang tayo ng mga kinakailangang proseso para matiyak natin na magiging maayos ang pamamahagi ng tulong na ito,” giit pa ni Dumlao.


 
 

ni Lolet Abania | May 30, 2022



Si Erwin Tulfo, na isang broadcast journalist, ang napili na maging head ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.


“He has been in the public service doing social work in 3 decades,” ani incoming Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa isang press conference ngayong Lunes.


“He is known for his involvement and covering the Filipinos here and abroad through his social programs and partnerships with other organizations,” saad ni Cruz-Angeles.


Pinasalamatan naman ni Tulfo si Marcos sa kanyang appointment. “Alam ko na maraming trabaho ang naghihintay sa DSWD,” pahayag ni Tulfo sa isang text message sa mga reporters.


“Ang tanging maipapangako ko lamang ay sisikapin ko na matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayang mahihirap at nangangailangan,” sabi ni Tulfo.


Una nang sinabi ni ACT-CIS party-list na sinusubukan nilang kumbinsihin ang broadcaster na kanilang maging third nominee sa House of Representative.


Ayon pa kay Cruz-Angeles, bukod kay Tulfo na tinanggap ang posisyon ang iba pang personalidad na inalok na humawak ng government posts sa ilalim ng Marcos administration ay sina Naida Angping para sa Presidential Management Staff (PMS); Amenah Pangandaman para sa Department of Budget and Management (DBM) at Atty. John Ivan Enrile Uy para Department of Information and Communications Technology (DICT).


 
 

ni Zel Fernandez | May 8, 2022



Mahigit 1,000 public utility vehicle (PUV) drivers ang muling napagkalooban ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI at City Social Welfare and Development Office (CSWDO) sa Davao City.


Tinatayang aabot sa 1,300 PUJ at taxi drivers ang tumanggap ng tig-P3,000 sa ilalim ng programa ng DSWD na Assistance to Individual in Crisis (AICS).


Ayon kay Mae Aquino, focal person ng Community Welfare Program ng CSWDO, ito na umano ang ikalawang payout ng mga PUV drivers sa Davao City na lubos na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.


Paliwanag ni Aquino, idinaraan sa validation ng mga social workers ng mga barangay ang pagpili sa mga benepisyaryo ng naturang programa upang matiyak na karapat-dapat silang mapabilang sa listahan ng DSWD na mapagkalooban ng ayuda.


Dagdag pa ng focal person, patuloy pa rin aniya ang pagsasagawa ng pre-listing sa mga eligible PUV drivers sa lahat ng barangay sa lungsod ng Davao, kung saan nasa mahigit 3,000 pa lamang aniya ang nakapagpasa ng kanilang mga requirements.


Samantala, target ng AICS program sa Davao City na mabigyan ng tulong-pinansiyal ang halos 8,000 mga PUJ at taxi drivers sa lungsod.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page