top of page
Search

ni Madel Moratillo | June 3, 2023




Magkakaroon na ng satellite offices ang Department of Social Welfare and Development na puwedeng puntahan ng mga nais mag-apply sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation ng kagawaran.


Ang AICS ay isang financial assistance program ng DSWD para sa mga Pinoy na nakaranas ng krisis.


Ayon sa DSWD, hindi na lang sa kanilang main office pupunta para magproseso ng AICS.


Ang mga taga-Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela, puwedeng pumunta sa CAMANAVA office sa Victory Trade Plaza.


Para naman sa mga taga-Pasay, Parañaque, Muntinlupa at Las Piñas, pumunta sa DSWD Baclaran satellite office sa Victory Food Market.


Para naman sa mga taga-Norzagaray, Sta. Maria, Angat at San Jose Del Monte, Bulacan, puwedeng pumunta sa DSWD SJDM satellite office sa Bgy. Kaypian.


Para naman sa mga taga-Maynila, San Juan, Mandaluyong at Makati City ay puwedeng pumunta sa DSWD NCR Regional Office.


Para naman sa mga taga-Quezon City, pumunta sa DSWD Central Office sa Batasan Road.


Ayon sa DSWD, magkakaroon rin sila ng satellite offices sa Pasig at Rodriguez, Rizal.


 
 

ni Mylene Alfonso | May 17, 2023




Kinumpirma na ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Rex Gatchalian bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Sa dalawang oras na pagdinig ng panel ng CA, sinalubong si Gatchalian ng suporta at paunang pagbati mula sa mga kongresista at senador.


Kasama sa mga isyung sinagot ni Gatchalian ang tungkol sa patuloy na tulong para sa mga benepisyaryo ng 4Ps at mahihirap na pamilya.


Sumang-ayon din siya sa mga pag-aaral na ang Sustainable Livelihood Program (SLP) ay nagsisilbing "saklay" ng mga mahihirap at halos mahihirap na pamilya.


Kaugnay nito, humihingi rin si Gatchalian ng P27 na badyet per head para sa feeding program ng ahensya, mula sa kasalukuyang alokasyon na P21 per head.


Matatandaang itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. si Gatchalian bilang DSWD secretary matapos ma-bypass ng CA ang kumpirmasyon ng noo'y DSWD chief broadcaster na si Erwin Tulfo.


Kinumpirma rin kahapon ng CA ang ad interim appointment ng 50 matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines.


 
 

ni Madel Moratillo | May 8, 2023




Ipinag-utos na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang recall sa lahat ng canned tuna na nakasama sa kanilang naipamahaging family food packs at inirereklamong expired na umano.


Ayon sa DSWD, kasunod ito ng reklamo ng ilang benepisyaryo online.


Sa isang pahayag, sinabi ng DSWD na inatasan na ni Secretary Rex Gatchalian ang lahat ng kanilang regional field offices para sa recall ng nasabing canned tuna.


Hindi naman tinukoy ng DSWD ang mga rehiyon na nakatanggap ng nasabing food packs.


Gayunman, ilan sa mga nauna nang nagreklamo patungkol dito ay ilang residente sa Oriental Mindoro na naapektuhan ng oil spill.


Pinag-aaralan na rin ng DSWD ang mga posibleng parusa sa supplier, kabilang ang pag-hold sa bayad o pag-blacklist sa kanila bilang accredited suppliers ng kagawaran.


Sa kabila ng recall, nilinaw ng DSWD na hindi expired ang mga nasabing canned tuna batay na rin umano sa samples na naiprisinta sa social media.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page