top of page
Search

ni Madel Moratillo @News | August 9, 2023




Nagsasagawa na ng malawakang assessment ang Department of Social Welfare and Development sa mga benepisyaryong kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).


Sa ilalim nito, tinitignan ang mga benepisyaryo na wala na sa kategoryang mahirap o nasa listahan ng non-poor.


Kasunod ito ng direktiba ni Secretary Rex Gatchalian na i-reassess ang mga nasa listahan ng programa.


Sa pamamagitan ng Social Welfare and Development Indicators tool, aalamin ang kondisyon ng pamumuhay ng pamilyang kabilang 4Ps.


Ang mga benepisyaryo na mapapabilang sa kategorya ng “self-sufficient” ay isasailalim sa case management saka opisyal na lalabas sa programa. Makatatanggap naman ang mga apektadong benepisyaryo ng cash grants depende sa resulta ng assessment at pagsunod sa mga itinakdang kondisyon ng programa.



 
 

ni Mai Ancheta @News | July 16, 2023




Sisimulan na sa Martes, July 18, ang food stamp program ng gobyerno para sa mga pinakamahihirap na Pilipino.


Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, gagawing pilot area ang Tondo, Maynila, kung saan 50 pamilya ang unang makikinabang sa food stamp program.


Tatagal aniya ng anim na buwan ang programa para sa tatlong libong pamilya na may buwanang kita na P8,000 pababa.


"Magki-kick off na tayo sa Tuesday. 'Yung pilot, gradual phasing, sisimulan natin sa 50 pamilya sa Tondo. The trial project will run for six months," ani Gatchalian.


Ang mga napiling benepisyaryo ay tatanggap ng tap card na may katapat na halaga, kung saan gagamitin ito sa accredited na grocery o tindahan para sa kanilang mga pangangailangan.


Pag-aaralan aniya ng kanyang ahensya sa loob ng dalawang buwan ang programa at kung magiging matagumpay ay dadagdagan ng hanggang 300,000 pamilyang benepisyaryo kada taon hanggang sa maabot ang target na isang milyong benepisyaryo.


Ang food stamp program ay ginagawa na sa maraming bansa para tulungan ang kanilang mga mahihirap na mamamayan.


Sinabi ni Gatchalian na nagbigay ng $ 3 million ang Asian Development Bank (ADB) bilang donasyon sa programa kasama na ang ibang development partners ng Pilipinas.


 
 

ni BRT @News | July 16, 2023




Tuloy ang pamamahagi ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residenteng apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Albay.


Ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian, nasa 922 na pamilya mula sa Camalig, 586 sa Daraga, at 444 sa Tabaco Albay ang nabigyan na ng pinansyal na ayuda sa pamamagitan ng Emergency Cash Transfer.


Ipinamigay ang ayuda sa iba't ibang evacuation centers.


Nasa P12,330 ang natanggap na tulong ng bawat pamilya.


Sa kabuuan, nasa P5.4 milyong ayuda na ang naibigay ng DSWD.


Samantala, aabot sa 39 volcanic earthquakes, 362 rockfall events at limang pyroclastic density current events ang naging aktibidad ng Bulkang Mayon sa nakalipas na 24 oras.


Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, nasa 2,132 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan.


Naging mabagal ang pagdaloy ng lava mula sa crater na may haba na 2.8 kilometro sa Mi-isi Gully at 1.4 kilometro sa Bonga Gully at 4 na kilometro sa Basud Gully. Natatakpan ng ulap ang bulkan kaya walang naitalang plume.


Kaugnay nito, nananatili sa Alert Level 3 ang Bulkan Mayon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page