top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | September 19, 2021



Pumanaw na ngayong umaga si dating Social Welfare and Development Secretary Corazon “Dinky” Soliman sa edad na 68 dahil sa komplikasyon sa renal at heart failure.


Ito ay kinumpirma ni Vice President Leni Robredo sa kanyang radio show.


"May napakalungkot na balita na natanggap na si former DSWD Secretary Dinky Soliman, namayapa na ngayong umaga," ani Robredo.


Dagdag pa ng Bise Presidente, sila ni Soliman ay ‘very close’ sa isa’t isa at ito ay isa sa mga kaibigan na dumamay sa kaniyang pamilya nang mamatay sa plane crash si dating DILG Sec. Jessie Robredo nuong 2012.


Si Soliman ang dating kalihim ng DSWD sa panahon ng namayapang Pres. Noynoy Aquino at dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Taong 2005, nagbitiw sa pwesto si Soliman dahil sa kontrobersiya ng “Hello, Garci” na kinasangkutan ni dating Pang. Arroyo.


Ayon pa kay Robredo, napakabuting tao ni Soliman kung saan ginugol nito ang kaniyang buhay sa pagsisilbi sa mga mahihirap lalo na ang programa nito na 4Ps program na tinutulungan ang mga mahihirap nating mga kababayan.


 
 

ni Lolet Abania | July 29, 2021



Magbibigay ang gobyerno ng P1,000 hanggang P4,000 cash kada pamilya sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) sa gitna ng pandemya ng COVID-19.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang nasabing cash aid ay nasa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).


“Nariyan na po ang assistance na sinabi ng Pangulo (Rodrigo Duterte); dina-download na po sa LGUs (local government units),” ani Roque.


Ang mga lugar na nasa ECQ mula Hulyo 16 hanggang Agosto 7 ay ang Iloilo province, Iloilo City, Cagayan de Oro City, at Gingoog City sa Misamis Oriental. “This will be P1,000 per individual, and a maximum of P4,000 per family,” dagdag ni Roque.


Sa ECQ protocol, pinapayagan lamang ang mga essential travel at essential services gaya ng pagkain at medisina na mag-operate.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 7, 2021




Sinuspinde ng Bacoor, Cavite ang pamimigay ng ayuda sa mga indibidwal at pamilyang naapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ) matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang kawani ng lungsod na naging dahilan upang isarado ang city hall.


Ayon kay Mayor Lani Mercado-Revilla ngayong umaga, Abril 7, “Naalarma lang kami kagabi nang tumawag ang department head ng City Treasurer’s Office dahil may isa kaming empleyado na nagkaroon ng senyales na COVID positive.”


Ipinaliwanag niyang kasado na ang pamimigay nila ng ayuda ngayong araw, ngunit nagpasya silang ipagpaliban muna dahil sa posibleng pagkalat ng virus, lalo na sa tanggapan ng nangangasiwa sa ayuda.


Giit pa niya, “Aayusin po muna namin ang sitwasyon sa City Treasurer’s Office. Sana po, maintindihan ng ating mga kababayan ‘yung proseso. Hindi po ganu'n-ganu'n na ibang tao na lang magdi-distribute ng pera. May mga sistema po. May proseso kaya umaapela po kami sa ating mga kababayan.”


Sa ngayon ay pumalo na sa 1,367 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod. Puno na rin aniya ang mga ospital at mahaba pa ang listahan ng mga nasa waiting list.


“We will be writing a letter to the DSWD 4A para banggitin na suspendido muna for the next few days ang atin pong pagbibigay ng ayuda and we will appeal for an extension dahil po talagang ‘di po biro ito,” sabi pa ni Mayor Lani.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page