top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | December 22, 2021



Nagbabala ang PSA sa publiko hinggil sa kumakalat na post sa social media na makatatanggap umano ng 10K ayuda ang mga magre-register sa national ID.


Noong Nobyembre, nag-post ang isang Facebook page na gumagamit ng pangalan at logo ng DSWD na makatatanggap umano ng ayuda ang mga magpaparehistro ng National ID. Sinabi rito na kailangang mag-register sa isang website para makatanggap ng P10,000 ayuda sa Landbank ATM account na ipinamimigay ng PHILSYS.


Giit ng PSA, hindi totoong makatatanggap ang mga PHILSYS registrants ng Landbank ATM na may lamang P10,000 ayuda. Ayon pa sa ahensiya, maaari ngang magbukas ng account sa Landbank ang mga nagpaparehistro sa mga kiosk na nasa registration centers bilang bahagi ng kanilang partnership pero paglilinaw nila, walang laman ang mga prepaid cards na kanilang ipinamimigay.


Nagpahayag na rin ang Landbank na sinasabing libre ang pagbubukas ng account ngunit wala itong lamang ayuda.


Hanggang ngayon ay active pa rin ang pekeng Facebook page ng DSWD.


Paalala ng mga ahensya ng gobyerno, huwag agad maniwala sa mga nakikita sa social media. Ugaliing maging mapanuri upang hindi mabiktima ng mga maling impormasyon. Lagi ring tandaang huwag magbigay ng mga personal na impormasyon sa mga kahina-hinalang website na makikita sa social media.

 
 

ni Lolet Abania | October 14, 2021



Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na sapat ang resources ng ahensiya para makapagbigay ng food packs sa mga lugar na nasa ilalim ng COVID-19 granular lockdown, at para sa apektado ng kalamidad.


Ayon kay DSWD spokesperson Glenda Relova, nakapagpamahagi na ang ahensiya ng 45,775 family food packs sa mga lugar na apektado ng granular lockdown hanggang nitong Oktubre.


“We have enough funds for this in the event that this policy of granular lockdown is rolled out nationwide and in areas affected by typhoons,” ani Relova sa Laging Handa briefing ngayong Huwebes.


“We have P1-billion standby funds, with 138 million food packs in central and regional offices also on standby. There are around 11 local government units which asked us to assist them in providing food packs, including Pasay, Pateros, Quezon City, San Juan, Caloocan City, Makati City, Mandaluyong City, Manila City and Parañaque City,” dagdag ng kalihim.


Sa ipinatutupad na granular lockdown sa mga lugar kung saan may community transmission ng COVID-19, ipinagbabawal ang mga indibidwal na lumabas ng bahay, kabilang na rito ang pagbili ng mga essentials gaya ng pagkain at medisina.


Gayunman, ang granular lockdown policy ay nananatili pa rin na pilot implementation sa Metro Manila, na epicenter pandemya ng COVID-19.

 
 

ni Lolet Abania | September 21, 2021



Nakapaghanda na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng libu-lubong food packs na ipapamahagi sa mga residente sa Metro Manila na apektado ng granular lockdowns sa gitna ng COVID-19 pandemic.


Ayon kay DSWD Assistant Secretary Glenda Relova, nasa 1,000 food packs ang kanilang inihanda bawat isa sa Caloocan, La Piñas, Parañaque, Pateros, Mandaluyong, Manila, Marikina, Taguig at Valenzuela.


“Later in this week ipe-preposition na rin natin sa ibang cities at sa isang municipality ng NCR (National Capital Region) ‘yung atin pong mga food packs,” ani Relova sa isang interview ngayong Martes.


Sinabi ni Relova na ang apektadong pamilya ay makatatanggap ng tatlong food packs sa isang linggo.


Paliwanag ni Relova, sa ilalim ng guidelines para sa bagong alert level system na isinasagawa na sa Metro Manila, ang DSWD ay magbibigay ng assistance sa mga apektadong pamilya sa ikalawang linggo ng two-week granular lockdown, kung saan ang unang linggo ay sasagutin ng local government unit (LGU).


“In the event na hindi pa rin bumababa ang surge at kinakailangan pa rin ng ayuda, o ma-extend ang granular lockdown, patuloy pa rin na mag-o-augment ang DSWD,” sabi ni Relova.


Ayon pa kay Relova, ang ahensiya ay mayroong P1.3 billion halaga ng food packs “and non-food items” na nakaposisyon na para sa pilot implementation ng alert level system at granular lockdown sa NCR.


“Nagprepara na rin kami ng paghingi ng supplemental budget sa DBM (Department of Budget and Management) para kung sakaling maging nationwide ang implementation nito,” saad ng kalihim.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page