ni Maeng Santos @News | September 26, 2026

Photo: Ang motorsikoo ng umano'y rider na tulak, arestado sa P374,000, buy-bust money - PNP Valenzuela City Police Station
Isang rider na sangkot umano sa pagtutulak ng droga ang naaresto sa buy-bust operation sa Valenzuela City, Biyernes ng madaling-araw.
Sa ulat kay NPD Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento na naaresto ng Station Drug Enforcement Unit ang suspek na si alyas Moymoy, 28, ng Brgy. Wawang Polo, sa Kabesang Imo St. corner Langka St., Brgy. Balangkas.
Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ni PLt. Sherwin Dascil, katuwang ang PDEA, matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng suspek ng shabu.
Naaresto si Moymoy matapos umanong bentahan ng P8,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer alas-3:30 ng madaling-araw.
Ayon kay SDEU investigator PSSg. Cris Paul Collo, nakuha sa suspek ang nasa 55 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P374,000, buy-bust money, sling bag, P150 cash at motorsiklong ginagamit umano sa pagde-deliver ng droga.



