top of page
Search

ni Lolet Abania | June 29, 2021



Kinumpirma ng Bureau of Jail Management and Penology Region XI (BJMP XI) na shabu ang nasa loob ng bola ng basketball na natagpuan sa compound ng Davao City Jail sa Male Dormitory.


Sa isang pahayag ng pamunuan ng BJMP XI, nakasamsam sila ng nasa 21 gramo ng hinihinalang shabu na nakabalot sa mga sachets na nasa loob ng bola ng basketball na tinatayang P300,000 ang halaga.


Sa ulat, habang nagsasagawa ng regular jail activity noong Sabado, narinig ng duty searchers ang malakas na kalabog ng bola mula sa bubong ng jail facility.


Gumulong pa ito sa bubong saka bumagsak malapit sa searching area. Lumalabas na punit ang naturang bola ng basketball, kung saan may laman sa loob nito habang dinikitan ng electrical tape ang bahaging may punit.


Sa naging instruction ng warden, agad na ininspeksiyon ng officer na naka-duty ang bola at nadiskubre ang 6 na sachets ng puting crystalline substance na nakumpirmang methamphetamine o shabu.


Ayon sa BJMP XI, hinihinalang ang bola ay ibinato mula sa bakanteng lote sa kabilang bahagi ng konkretong pader sa harap ng dormitory, subalit sumabit ito sa net na sadyang inilagay para maharang ang katulad na taktika.


Gayunman, ang insidente ay nai-report na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa kaukulang beripikasyon at tagging, habang nai-turnover na rin sa kanilang kustodiya ang hinihinalang shabu.


Patuloy namang iniimbestigahan ng BJMP XI ang sinumang lumabag at tumanggap ng naturang items.


Sa nangyaring insidente, mas pinaigting na ng BJMP ang mga security measures habang agad na aarestuhin ang mahuhuling magpupuslit ng anumang kontrabando sa loob ng jail facility.


“The BJMP will continue to be vigilant in securing our facilities to assure that all Persons Deprived of Liberty under our care will be detained according to the standards set about by the laws,” sabi pa ng BJMP.

 
 

ni Lolet Abania | June 13, 2021




Aabot sa P25.8 milyong halaga ng marijuana plant ang natagpuan at sinunog ng mga awtoridad sa bayan ng Tinglayan, Kalinga.


Nagkasa ang mga operatiba ng Cordillera region police ng dalawang araw na operasyon, kung saan natagpuan nila ang limang marijuana plantation site sa Tinglayan.


Ayon sa mga awtoridad, nakatanggap sila ng intelligence report na may malaking marijuana plantation sa bulubunduking bahagi ng naturang bayan, kaya agad na nagsagawa ng surveillance nitong Biyernes at Sabado.


Nasa kabuuang 152,000 full-grown marijuana plants ang nakuha ng mga pulis na nagkakahalaga ng P25.8 milyon, habang sinunog din ang mga ito.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 15, 2021




Nasabat ang mahigit P20 milyong halaga ng shabu na nakasilid sa 3 kilong Chinese tea bags mula sa kinilalang big-time drug operator na si Ejek Abduhalim sa isinagawang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Bangsamoro Region (PDEA-BARMM) sa Port Area Extension, Barangay Waled Jolo, Sulu kahapon, Marso 14.


Ayon kay PDEA-BARMM Regional Director Juvenal Azurin, “Kung makikita ang packaging ng illegal drugs, from outside sources, ibig sabihin imported. We already identified where is the source of the said confiscated illegal drugs and hopefully we can conduct follow-up operations.”


Iginiit niya na ang Golden Triangle Cartel ang nag-o-operate at nagpo-produce ng mga kontrabando sa border ng Myanmar, Thailand at Cambodia.


Aniya, mula sa Malaysia ay ibinibiyahe ng mga ito ang droga papunta sa Basilan, Tawi-Tawi at Sulu upang i-distribute sa bansa. Dagdag pa niya,


“We have just started. There is good transfer of intelligence, we have a good relationship with other government security forces in collaboration and coordination. Hopefully, we can get a better and bigger picture of how illegal drugs trade thriving in Sulu.”


Sa ngayon ay kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang haharapin ng suspek na si Abduhalim.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page