ni Justine Berganio @Overseas News | September 3, 2026

Photo: Umabot sa 34 katao ang naaresto kaugnay ng insidente, kabilang ang mga French, Belgian, Algerian at Dutch nationals. Nasamsam din sa operasyon ang ilang armas, data storage devices at mga sasakyan.
Patay ang isang 51-anyos na hinihinalang security guard habang dalawang pulis ang nasugatan sa bakbakan matapos salakayin ng grupo ng armadong lalaki ang isang bahay sa Overasselt, Netherlands nitong Martes alas-4 ng madaling-araw.
Ayon sa pulisya, nakasuot ng balaclava at armado ang mga suspek nang lumapit sa isang bahay at nagsimulang magpaputok. Nang rumesponde ang mga awtoridad, pinaputukan din ang mga pulis.
Hindi naman malubha ang mga tama ng dalawang pulis na isinugod sa pagamutan.
Umabot sa 34 katao ang naaresto kaugnay ng insidente, kabilang ang mga French, Belgian, Algerian at Dutch nationals. Nasamsam din sa operasyon ang ilang armas, data storage devices at mga sasakyan.
Pinaniniwalaang may kaugnayan ang barilan sa alitan sa drug underworld na kinasasangkutan ng wanted Dutch drug lord na si Jos Leijdekkers, alyas “Bolle Jos.”
Nabatid na nahatulan na si Leijdekkers dahil sa kanyang papel sa international cocaine trafficking at sinasabing naninirahan sa Sierra Leone sa nakalipas na hindi bababa sa tatlong taon.
Ayon sa local media, posibleng nag-ugat ang sagupaan sa away tungkol sa ilang daang kilo ng cocaine na umano’y ipinuslit ng grupo ni Leijdekkers.
Sinabi naman ni Deputy Chief Prosecutor Monique Vinkesteijn na may naganap ding pamamaril sa parehong bahay noong nakaraang taon na konektado sa isang matagal nang alitan.
Kabilang sa mga kasong kinakaharap ng mga naaresto ang murder, manslaughter at paghahanda umano sa isang kidnapping. Hindi rin isinasantabi ng mga awtoridad ang posibilidad na madagdagan pa ang bilang ng mga arestado.
Dahil sa banta ng karagdagang panganib, pinayuhan ng pulisya ang mga residente ng Overasselt na manatili muna sa loob ng kanilang mga bahay at isara ang mga pinto at bintana habang hinahanap ang posibleng iba pang suspek.
Nagpahayag naman ng pagkabigla si Overasselt Mayor Joerie Minses sa nangyaring karahasan, na aniya’y labis na ikinagulat ng buong komunidad.

