top of page
Search
  • BULGAR
  • Apr 19, 2021

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 19, 2021



Dear Doc. Shane,

Mayroon akong parang maitim na butlig sa talampakan na parang may mga ngipin. Sinubukan kong gupitin ng nailcutter subalit, muli itong bumabalik. Sabi ng friend ko, kulugo raw ito. Masakit ito lalo na sa pagtapak ng paa ko. Ano ba ang puwedeng ipahid para hindi ito bumalik? – Lita


Sagot

Ang kulugo o wart sa Ingles at verruca sa pangalang medikal ay maliit at magaspang na bukol o tumor na kalimitang makikita sa mga kamay at paa ngunit, maaari ring matagpuan sa iba pang bahagi ng katawan. Kung minsan, ang mga kulugo ay maaaring mayroong maiitim na mga tulduk-tuldok. Ito ay sanhi ng virus na tinatawag na human papillomavirus (HPV). Nakahahawa ito sa pamamagitan ng pagdikit sa balat na kinaroroonan ng kulugo ng may sakit o kaya ay sa paggamit ng mga gamit ng taong may kulugo. Mayroong mga taong madaling mahawahan ng kulugo. Kalimitang nawawala ang mga kulugo makalipas ang ilang buwan, ngunit, maaari itong tumagal nang ilang taon at maaaring umulit. Anumang bahagi ng katawan ay maaaring tubuan o sibulan ng kulugo.


Mayroong apat na pangunahing uri ng kulugo: Ang verruca vulgaris, verruca plantaris, verruca plana at verruca acuminata.


Ang verruca vulgaris (common hand wart) ay ang kulugong nasa mga kamay. Ang verruca plantaris (foot wart) ay ang mahapding kulugong nasa mga paa. Ang verruca plana (flat wart) ay ang maraming mga kulugong lumilitaw sa mukha, leeg, kamay at tuhod na may katangiang maliliit at patag ang anyo. Ang verruca acuminata (genital wart) ay ang kulugo na isang uri ng mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik na lumilitaw sa mga ari o organong seksuwal ng kalalakihan at kababaihan. Ang kulugong ito ay napatunayang may kinalaman sa pagkakaroon ng cancer ng tao.


Ang kulugo ay dahil sa virus. Ang tao ay maaaring magkaroon ng kulugo dahil sa pagkakahawak o pagkakadikit ng kanyang balat sa bahagi ng katawang may kulugo ng taong may ganitong sakit. Maaari ring mahawa sa pamamagitan ng pakikipagtalik, partikular na ang kulugo sa ari, sa taong may sakit na kulugo sa ari.


Kabilang sa mga lunas sa kulugo ang pagpapatingin sa manggagamot. Ang manggagamot ay maaaring magmungkahi na tunawin ang kulugo sa pamamagitan ng asidong salisiliko (salycilic acid); ng pagsasagawa ng kriyosiruhiya (cryosurgery na paglalagay ng kulugo sa pridyider upang matanggal ang kulugo); ng paggamit ng laser (paggamit ng matinding liwanag, laser treatment) upang alisin ang kulugo; ng electrocautery na pagsunog at pagtanggal sa kulugo sa pamamagitan ng kuryente at ng iba pang mga pamamaraan ng paggamot o pagtanggal ng kulugo.

 
 

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 16, 2021



Dear Doc. Shane,

Madalas namumula ang mga mata ko lalo na pagdating nang umaga kahit hindi naman ito nangangati. Nahihiya ako sa mga nakasasalubong ko lalo sa work kasi baka isipin nilang may sore eyes ako. Ano kaya ang mabisang eyedrop? – Pangs


Sagot

Maraming dahilan ang pamumula ng mga mata. Nariyan ang puyat, allergy, stress, panunuyo ng mga mata, pagkapuwing, kemikal, droga, glaucoma o kaya ay impeksiyon. Kapag may pamumula ng mga mata, huwag agad magpatak ng kung anu-ano.


Conjunctivitis ang medikal na tawag sa sore eyes. Minsan, tinatawag din itong pink eyes dahil sa kulay nito. Tulad ng nabanggit, maraming dahilan ang pamumula ng mga mata. Ang pamumula ng mga mata mula sa pagkamot at pagkapuwing ay kalimitang pansamantala lamang.


Kung minsan, sa sobrang stress o puyat, lalo na kung madalas nakaharap sa computer o telebisyon, may maliliit na ugat sa mga mata na pumuputok at nagiging sanhi ng pamumula nito. Ang karaniwang sore eyes na alam natin ay ang nakahahawang klase.


Kapag ang sintomas na kasama sa pamumula ng mga mata ay ang pangangati, klarong pagluluha ng mga mata, sipon at ubo na pabalik-balik at kalimitang umaatake kapag namumulaklak ang mga halaman, maaaring allergy ang dahilan.


Kung may kasamang paghapdi, pangangati, klarong pagluluha o pagmumutang kulay berde/dilaw, sensitibo sa ilaw at pamamaga, maaaring ito ay sore eyes na nakahahawa.


Ang kalimitang sanhi ng nakahahawang sore eyes ay virus. Tumatagal ito nang ilang araw hanggang isang linggo. Mabilis itong makapanghahawa kaya ipinapayong huwag kusutin ang apektadong mata at ugaliing maghughas ng mga kamay gamit ang tubig at sabon, tuwing may pagkakataon.


Ang isang uri ng sore eyes ay tinatawag namang bacterial conjunctivitis. Halos katulad din ito ng sintomas ng viral conjunctivitis ngunit, mapapansing may nana o paninilaw ng muta kung may bacterial conjunctivitis. Kalimitan sa mga may ganitong impeksiyon ay nakararamdam din ng parang pagkapuwing at matinding pananakit ng mga mata. Sa ganitong pagkakataon, kailangang kumonsulta agad sa doktor na dalubhasa sa mga mata o ophthalmologist.

 
 

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 15, 2021




Dear Doc. Shane,

Nasugatan ang aking kaliwang paa nang napako ito habang gumagawa ako ng mesa. Nililinis ko ito gamit ang hydrogen peroxide pero tila hindi gumagaling. Nagkakaroon na ito ngayon ng nana na pinipisil ko kapag nililinisan. Ano ba ang dapat kong gawin para gumaling ito agad? – Bangs


Sagot

Masasabing naimpeksiyon ang sugat kapag ito ay namula, namaga at kumikirot o may nana at nagsisimulang bumaho. Masasabing kumakalat na sa ibang bahagi ng katawan ang impeksiyon kapag nagsanhi na ito ng lagnat, mapulang guhit sa ibabaw ng sugat o namamaga o kumikirot ang mga kulani.


Paggamot ng sugat:

  • Lagyan ng mainit na pantapal ang sugat sa loob ng 20 minuto nang apat na beses sa isang araw

  • Ilubog ang naimpeksiyong bahagi ng katawan sa balde ng mainit na tubig na may sabon o potassium permanganate (isang kutsarita sa isang balde)

  • Hayaang nakapahinga at nakataas ang naimpeksiyong bahagi

  • Kapag malala ang impeksiyon o kapag hindi nabakunahan ng gamot laban sa tetano, gumamit ng antibiotic tulad ng penicillin

Agad humingi ng tulong sa doktor kapag ang sugat ay bumaho, may lumalabas na kulay kape o abuhing katas, ang balat sa paligid nito ay umiitim at bumubula o nagkakapaltos dahil maaaring ito ay gangrena.


Pangangalaga sa ganitong uri ng napakalubhang sugat:

  • Hugasang mabuti ang sugat sa pinakuluang tubig sa sabon

  • Alisin ang lahat ng pira-pirasong dumi, namuong dugo at bulok o laman na grabe ang pinsala

  • Tanggalin ang dumi sa pamamagitan ng heringgilya o suction bulb

  • Banyusan ang sugat ng tubig na may potassium permanganate (1 kutsarita sa isang balde). Pagkaraan ay pahiran ang sugat ng gentian violet o lagyan ng kaunting antibiotic at balutan ng malinis na benda

  • Kung masyadong malalim ang sugat dahil sa kagat o kung malamang na may dumi pa ito, gumamit ng antibiotic. Ang pinakamahusay ay ang ampicillin. Kung hindi kayang bumili ng ampicillin, gumamit ng penicillin, tetracycline o sulfa

  • Huwag sasarhan ang ganitong uri ng sugat sa pamamagitan ng tahi o hugis paruparong benda. Hayaang nakabuka ang sugat

Napakalaki ng panganib na magkaroon ng tetano ang mga taong hindi nabakunahan laban sa nakamamatay na sakit na ito. Upang mabawasan ang panganib, ang taong hindi nabakunahan laban sa tetano ay dapat gumamit agad ng penicillin o ampicillin o pagkaraang magkaroon ng sugat na may ganitong uri, kahit na maliit lamang ang kapinsalaan.


Kung ang sugat na may ganitong uri ay malalang-malala, ang taong hindi pa nabakunahan laban sa tetano ay dapat gumamit ng mataas na dosis ng penicillin o ampicillin sa loob ng isang linggo o higit pa. Ang antitoxin sa tetano ay dapat ding isaalang-alang ngunit, tiyaking susundin ang mga kinakailangang pag-iingat sa paggamit nito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page