ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | August 25, 2025
Photo File: FP
Dear Doc Erwin,
Ako ay isang retiradong empleyado ng gobyerno, 71 years old at kasalukuyang nakakaranas ng pagkamalilimutin at pagiging irritable.
Sa aking pagbabasa ay napag-alaman ko na habang nagkakaedad ang tao ay lumiliit ang kanyang utak at maaaring magkasakit dahil dito katulad ng dementia. Totoo ba ito? Maaari bang maiwasan ito? Ano ang maaari kong gawin upang mabawasan ang pagliit ng utak at ma-delay ang pagkakaroon ng dementia?
Sana ay mabigyan n’yo ng pansin ang aking sulat at masagot ang aking mga katanungan. Mabuhay ang BULGAR newspaper at ng Sabi ni Doc column! — Lisa Marie
Maraming salamat Lisa Marie sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Ayon sa mga evolutionary anatomists, kumpara sa utak (brain) ng mga unggoy (chimpanzees), ay mas malaki ang utak ng tao. Ngunit habang tumatanda ang tao ay lumiliit ang utak nito habang ang utak naman ng unggoy ay hindi.
Karaniwan na tinatawag na “brain atrophy” ang pagliit ng utak habang tumatanda ang tao, ngunit mas madalas itong ginagamit ng mga doktor sa mas mabilis na pagliit ng utak kumpara sa “normal” na pagliit ng utak dahil sa pagtanda.
Dahil sa pagliit ng utak ng tao habang tumatanda ay mas nagiging susceptible ito sa mga sakit gaya ng dementia, katulad ng Alzheimer’s disease at magkaroon ng cognitive dysfunction gaya ng paghina ng memory at learning capacity dahil sa tinatawag na “white matter disease”.
Nakikita ang mga kondisyon na nabanggit sa pamamagitan ng computed tomography (CT) scan, o sa pamamagitan ng magnetic resonance imaging o MRI sa maikling salita. Ang MRI ay mas sensitibo sa mga maliit na lesions kaya’t mas madalas itong ginagamit ng mga doktor.
Bukod sa CT at MRI scan, eeksaminin din ng doktor ang brain function katulad ng memory, language, eye movement at coordination. Maaari ring eksaminin ang problem-solving ability ng pasyente. Ang ilang mga sintomas ng brain atrophy ay pagiging malilimutin (memory problems), mood at personality changes, at poor judgment. Maaaring makaranas din ng hirap sa pagsasalita o pagsusulat, at hindi maintindihan ang ibig sabihin ng mga salita.
May mga paraan ba upang maiwasan o ma-delay ang brain atrophy na karaniwan nating nararanasan sa ating pagtanda? Ayon sa Cleveland Clinic, isang kilalang health institution sa bansang Amerika, upang mabawasan ang mga risk factors sa brain atrophy ay kinakailangan ng tamang diet (katulad ng Mediterranean diet), daily aerobic exercise, tamang oras ng tulog, at pagbabawas ng stress. Kung mataas ang blood sugar at blood pressure, kinakailangang mapababa ang mga ito. Kinakailangan ding tumigil ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.
Sa isang pag-aaral ng Harvard School of Public Health, ang regular na paglalakad, isang uri ng aerobic exercise, ay epektibo upang mabawasan ang risk upang magkaroon ng dementia, isang manifestation ng brain atrophy.
Ayon din sa mga health expert makakatulong ang Vitamin B1, B6, B12 at Folic Acid, gayundin ang omega-3 fatty acids at choline. Maaaring makuha ang mga nabanggit sa mga masustansyang pagkain o mula sa mga may kalidad na health supplements.
May mga health supplement din na nakakatulong na maging aktibo ang mga cellular mitochondria ng brain cells, katulad ng creatine, methylene blue at medium chain triglycerides supplements. Naniniwala ang ibang mga dalubhasa na ang paghina ng cellular mitochondria ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng brain atrophy. Sumangguni sa inyong doktor kung nais gumamit ng mga nabanggit na health supplements.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com










