top of page
Search

ni Lolet Abania | January 7, 2021




Labing-apat na district engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot umano sa korupsiyon ang tinanggal sa serbisyo, ayon sa pahayag ni DPWH Secretary Mark Villar.


“Actually, ‘yung binanggit po ni Presidente (Rodrigo Duterte), na-relieve na,” sabi ni Villar sa Laging Handa briefing ngayong Huwebes.


“Labing-apat na ang na-relieve na sa trabaho,” dagdag pa niya.


Matatandaang noong nakaraang buwan, ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na ang mga district engineers ng nasabing ahensiya na dawit umano sa corrupt practices ay dapat na alisin sa puwesto.


Hiningi rin ni Pangulong Duterte kay Villar ang listahan ng lahat ng district engineers sa bansa matapos mapag-alamang marami sa mga ito ang nakikipag-ugnayan sa mga kongresista sa gawain umano ng korupsiyon.


Ayon naman sa PACC, “Hindi bababa sa 12 congressmen ang sangkot sa korupsiyon sa DPWH."


Sinabi ni Villar na patuloy ang pagsisikap nila na linisin ang hanay ng kanilang ahensiya habang patuloy ang ginagawang imbestigasyon. Bukas din ang DPWH na tumanggap ng reklamo laban sa sinumang opisyal at empleyado ng ahensiya.


“Tuluy-tuloy naman ang imbestigasyon namin sa lahat ng mga nagsa-submit ng reports,” sabi ni Villar.


“Humihingi kami ng tulong sa ibang ahensiya para magkaroon ng case build up sa ibang mga complaints,” dagdag ng kalihim.


Dagdag pa ni Villar, nakatakdang magsagawa ang DPWH ng reorganization ngayong buwan.


“Magkakaroon din kami ng rigodon sa loob ng department and marami ang magiging pagbabago. Tuluy-tuloy naman ang laban sa corruption,” ani Villar.


“Within the month definitely. Wino-workout na namin and definitely maipatutupad na ‘yan as soon as possible,” sabi pa ng kalihim.

 
 

ni Lolet Abania | December 9, 2020




Sumailalim na sa full isolation si Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Ramon Lopez matapos na magpositibo sa COVID-19 test.


Sa isang statement ngayong Miyerkules, sinabi ni Lopez na sumailalim siya sa test noong weekend matapos na ma-expose sa isang indibidwal na nagpositibo sa COVID-19 noong December 2.


"Am asymptomatic naman but am on full isolation already," sabi ni Lopez subali't hindi na siya nagbigay pa ng detalye.


Si Lopez ang ika-apat na Cabinet official na tinamaan ng COVID-19. Ang mga nagpositibo sa test sa COVID-19 ay sina Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año, Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones at Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar, gayunman, lahat sila ay nakarekober na.

 
 

ni Thea Janica Teh | August 30, 2020




Pormal nang binuksan ang Coastal road sa Sorsogon City ngayong Linggo. Ito ay malaking tulong sa mga mamamayan para maiwasan ang trapiko at maprotektahan ang komunidad sa storm surge, ayon sa Department of Public Works and Highways.

Maaari nang daanan ang 4-lane Sorsogon City Coastal Road na may habang 5.52 kilometers mula Rompeolas hanggang Barangay Balogo.

Madadaanan sa coastal road ang ilang barangay sa Sorsogon tulad ng Sirangan, Sampaloc at Balogo. Ayon kay Public Works Secretary Mark Villar, ito ay kumokonekta sa kalsada ng mga barangay Pangpang, Tugos, Cambulaga at Talisay.

Dahil sa malalakas na bagyong dumadaan sa Bicol region, makatutulong din ang coastal road na ito upang mabigyang proteksiyon ang komunidad mula rito ayon kay DPWH undersecretary for Luzon operations Rafael Yabut.

Bukod sa smooth ride, matatanaw din ang magandang view ng Sorsogon sa pagbiyahe rito. Ito rin ay itinuturing na “grandest” project sa ilalim ng “Build, build, build Program” ng gobyerno sa Bicol region.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page