top of page
Search

ni Lolet Abania | January 20, 2022



Inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Huwebes na magsasagawa sila ng 5-day mobile vaccination drive para sa mga transportation workers na nais na magpabakuna kontra-COVID-19 sa susunod na linggo habang anila, ang “no vaccination, no ride” policy ay magpapatuloy.


Sa isang pahayag, sinabi ng DOTr na gaganapin ang vaccination drive sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) mula Enero 24 hanggang 28, kung saan target nilang makapag-administer ng 500 shots araw-araw.


Ayon sa mga awtoridad, ang AstraZeneca COVID-19 vaccine ang kanilang gagamitin para sa unang dose, ikalawang dose at booster shots.


Gayundin, sinabi ng ahensiya na ang mga gustong makatanggap ng booster shots ay kanila ring babakunahan. Binanggit naman ni DOTr Secretary Arthur Tugade na layon ng vaccination drive na mabigyan ang mga transport workers ng proteksyon laban sa COVID-19.


Ani pa ng ahensiya, tatanggap din sila ng mga walk-in na gustong magpabakuna. Magsisimula ang programa ng alas-8:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali na gagawin sa Gate 4 ng PITX’s 2nd floor.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 18, 2022



Hindi napigilang maiyak ng isang partially vaccinated worker matapos itong hindi payagang makasakay sa PUV sa unang araw ng full implementation ng no “vaccine, no ride” policy.


Ayon sa report ni Oscar Oida sa “24 oras”, sinabi ng commuter na si Dianne na maaga siyang gumising para dumalo sa kanyang medical exam sa trabaho pero hindi siya pinayagangmakasakay sa mga pampasaherong sasakyan.


Giit niya ay hindi naman niya kasalanang sa Pebrero pa naka-schedule ang second dose ng kanyang AstraZeneca vaccine.


"Nakakapagod 'yung ginagawa nila. Partially vaccinated naman kami. Bakit 'di kami pinayagan?" tanong niya.


Ilang unvaccinated construction workers din ang hindi pinasakay sa PUV kung kaya’t umuwi na lang.


Samantala, ang mga PUV driver naman na hindi pa kumpleto ang bakuna ay binigyan muna ng warning. Gayunman, ire-report ito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).


Sinabi rin ni Police Lieutenant Colonel Joel Mendoza, officer-in-charge ng Regional Highway Patrol Group sa Metro Manila, na gagawa ng aksiyon ang LTFRB sa mga PUV drivers na magba-violate sa polisiya.


Sa kabila ng mga kritisismo, itinuloy ng DOTr ang polisiya nito na i-ban sa mga PUV sa Metro Manila ang mga hindi pa bakunado habang ito ay nasa ilalim ng Alert Level 3 o mas mataas na Alert Level hanggang sa katapusan ng Enero.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | November 26, 2021



Ni-request ng Department of Transportation (DOTr) sa Google na maisama sa popular real-time navigation app na Google Maps ang mga bike lane routes sa Pilipinas upang upang matulungan ang mga siklista sa kanilang daily commutes.


“This will be a very good innovation for Google Maps considering that many Filipinos now are riding bikes as their main mode of transportation which brings significant health and environmental benefits especially amid the pandemic,” ani Transportation Secretary Arthur Tugade.


Ayon kay Tugade, naghihintay pa sila sa approval ng Google ngunit kumpiyansa naman daw sila na  mapagbibigyan nito ang kanilang kahilingan, dahil ito’y tagasuporta rin ng active transport.


“We have asked Google to consider this suggestion top priority considering the increasing number of Filipino cyclists. We are confident that we can win their support on this,” dagdag niya.


Sinabi rin nito na nakumpleto na ng DOTr ang kanilang 500-kilometer bike lane network sa mga metropolitan cities sa buong bansa, na kinabibilangan ng Metro Manila - 313.12 kilometers, Metro Cebu - 129.47 kilometers, at Metro Davao - 54.74 kilometers.


Ang mga naturang bike lanes ay mayroong pavement markings, physical separators, solar-powered road studs, thermoplastic paints, road signages, at bike racks.


Ang naturang proyekto ay pinondohan ng pamahalaan sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page