ni Gina Pleñago / Mai Ancheta @News | May 6, 2025

Photo File: FB / DOTr / Vince Dizon / PRC
Oobligahin na ng Department of Transportation (DOTr) ang lahat ng tsuper ng pampublikong sasakyan na sumailalim sa mandatory drug test kasunod ng mga aksidente na ikasawi ng ilang mamamayan.
Ito ang inanunsyo ni DOTr Secretary Vince Dizon makaraang mabatid na ayaw umanong magpa-drug test ang driver ng Solid North Bus na nakaaksidente sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX).
Sinabi ni Dizon na nagalit ito makaraang malaman na ayaw magpa-drug test ang driver ng Solid North Bus subalit hindi aniya ito maaaring tumanggi dahil nakapatay ito ng 10 katao.
Ilalabas agad ng opisyal ang kanyang direktiba para sa mandatory drug test ng lahat ng mga pampublikong tsuper sa bansa.
Makikipagtulungan aniya ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagpapatupad sa direktiba.
Kasabay nito, inatasan ni Dizon ang LTFRB at LTO na baguhin ang maximum na bilang ng oras sa pagmamaneho ng mga PUV driver mula sa anim na oras at gawin itong apat na oras, at kailangan mayroong karelyebo ang driver kung ang biyahe ay mas mahaba sa apat na oras, partikular sa mga kumpanya ng bus na bumibiyahe sa mga probinsya.
Binigyang-diin ni Dizon na hindi maaaring ang konduktor ang maging karelyebo ng driver at dapat magkaroon ng mahigpit na kaalaman ang mga driver sa pagmamaneho upang maiwasan ang mga aksidente.