top of page
Search

ni Lolet Abania | April 29, 2022



Ipinahayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ngayong Biyernes na naisumite na niya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pangalan ng dalawang kandidato para sa posisyon ng acting Philippine National Police (PNP) chief.


Sa isang radio interview, sinabi ni Año na kinonsidera niya rito ang seniority at kakayahan ng mga ito sa pagpili ng mga kandidato para sa posisyon. Subalit, hindi niya tinukoy ang mga pangalan ng dalawang police officials.


“Nakapag-submit na ako ng aking recommendation last Tuesday sa ating Pangulo,” ani Año.


“Two senior police officials ang pangalan na ibinigay namin at maaaring mamili ang pangulo kung sino ang itatalaga niya dito pero ito ay in an acting capacity lang o OIC lang,” dagdag ng opisyal.


Batay sa Article 7 Section 15 ng Constitution, ayon kay Año, ang presidente ay maaari lamang mag-atas ng temporary appointments sa loob ng 60 araw bago ang national elections.


Binanggit din ni Año, na kay Pangulong Duterte na kung ikokonsidera nito ang kanyang rekomendasyon.


Nauna rito, tiniyak ng PNP sa publiko na maaari nilang i-secure ang 2022 elections, kahit na magpalit pa ng kanilang pamumuno isang araw bago ang Election Day.


Kaugnay nito, nakatakdang magretiro si PNP chief Police General Dionardo Carlos sa Mayo 8, 2022, isang araw bago ang national at local elections, kung saan umabot siya sa kanyang mandatory retirement age na 56.


Si Carlos ay na-appoint bilang PNP chief, ang ika-7 sa ilalim ng Duterte administration, noong Nobyembre 12, 2021.


 
 

ni Lolet Abania | March 24, 2022



Mas maraming tropa ng gobyerno ang ide-deploy sa 40 hanggang 50 mga lugar sa buong bansa habang ang kampanya para sa local elections ay nakatakdang magsimula sa Biyernes, Marso 25, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).


Sa isang interview ngayong Huwebes kay DILG Secretary Eduardo Año, sinabi nitong kalat-kalat ang mga lugar na ito mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.


“As far as we know, nasa more or less 40 to 50 lang naman itong areas na ito. Pagde-deploy-an natin ng additional uniformed troops. Iba’t ibang lugar ito, nakakalat. Merong Mindanao, Visayas, and Luzon,” saad ni Año.


Aniya pa, ilan din sa mga lugar na itatalaga ang mga tropa ng pamahalaan ay sa Bicol Region, Northern Luzon, at Bangsamoro.


Ginawa ni Año pahayag nang tanungin siya kung ang bilang ng mga tinatawag na disorderly areas ay tumaas habang ang lokal na kampanyahan para sa lokal na posisyon ay magsisimula na bukas.


Ayon kay Año, imo-monitor din ng DILG ang ginagawang pagsunod ng mga local campaigns sa minimum public health standards o protocols laban sa pagkalat ng COVID-19.


Matatandaan noong Pebrero, ipinahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pitong lungsod at 39 bayan sa bansa na maaaring nasa ilalim ng pagbabanta kaugnay sa national and local elections.

 
 

ni Lolet Abania | March 22, 2022



Nag-isyu na ng show cause order si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa 48 local government units (LGUs) dahil sa kanilang mabagal na distribusyon ng cash aid para sa mga Typhoon Odette survivors.


Sa Talk to the People na ipinalabas ngayong Martes, sinabi ni Año na ang mga naturang LGUs ay hiningan ng paliwanag kung bakit hindi pa nila nakukumpleto ang pamamahagi ng financial assistance.


“Ang ginawa rin po natin sa mga LGUs na medyo mabagal ang pagbibigay ng ayuda ay pinadalhan natin ng show cause orders. Ito po ay umaabot sa 48 LGUs,” saad ni Año.

Ayon sa opisyal, 16 sa mga LGUs ay mula sa Eastern Visayas, 16 sa Western Visayas, 13 sa Central Visayas, at tatlo mula naman sa Mimaropa.


Sinabi naman ni Año na nasa 85.52% o P4,151,590,324 ng cash aid funds na P4,854,356,000 ay naipamahagi na sa 4,010,092 na mga benepisyaryo.


Base sa kanilang latest report, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hanggang nitong Pebrero 21, ang naiulat na nasawi ay 405 habang 52 ang nananatiling nawawala matapos na ang Bagyong Odette ay humagupit sa bansa noong Disyembre ng nakaraang taon.


May kabuuang 10,607,625 katao o 2,991,586 mga pamilya ang naapektuhan sa naturang bagyo mula sa tinatayang 10,264 mga barangay.


Nasa tinataya namang 2,031,824 mga bahay ang napinsala, kung saan 1,585,252 ang bahagya at 446,572 totally ang winasak ni Odette. May kabuuang P29,338,185,355 halaga ng napinsala sa imprastraktura at nasa P17,748,148,271 sa agrikultura, ayon pa sa report.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page