top of page
Search

ni Lolet Abania | July 1, 2022



Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si career diplomat Enrique Manalo bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) kapalit ni Teodoro Locsin Jr. Nanumpa si Manalo kay Pangulong Marcos sa Malacañang ngayong Biyernes.


Si Manalo ang unang career diplomat na na-appoint bilang DFA chief ng halos dalawang dekada na matapos ni Delia Domingo Albert, ang kauna-unahang babaeng lider ng departamento.


Ang 69-anyos na si Manalo ay naging acting DFA secretary mula Marso 9 hanggang Mayo 17, 2017, matapos na si Perfecto Yasay ay nabigong makakuha ng confirmation ng bicameral Commission on Appointments (CA) bilang DFA secretary.


Si Manalo, na nagretiro mula sa Foreign Service noong 2018, ay nagsilbi bilang Philippine Permanent Representative to the United Nations sa New York sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte mula 2020 hanggang Hunyo 30, 2022.


Bago ang kanyang posisyon sa New York, si Manalo ay Undersecretary for Policy ng DFA. Isang experienced diplomat, si Manalo ay nagawa nang humarap sa mga diplomatic crises, kabilang na ang South China Sea disputes, na may impresibong kahinahunan.


Ang mabigat na trabahong ito ay muling iniatang kay Manalo kasabay ng mga hamon sa bagong administrasyon habang kayanin nitong makipagdayalogo sa patuloy na territorial disputes sa China kaugnay sa South China Sea.


 
 

ni Lolet Abania | May 22, 2022



Inanunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Sabado na papayagan nila ang mga kababayang Muslim na nagnanais na makiisa sa hajj pilgrimage sa Saudi Arabia na gaganapin ngayong taon, na gamitin ang courtesy lane ng kanilang consular offices para sa pagpoproseso ng kanilang passport.


Ayon sa DFA, ang courtesy lane ay bukas sa mga Muslim Filipinos para sa walk-in accommodation mula Mayo 23 hanggang Hunyo 3.


Sa mga nagbabalak na maka-avail ng courtesy lane accommodation, kailangan nilang magpakita ng certificate of Muslim Filipino tribal membership (CTM) na inisyu ng National Commission on Muslim Filipinos.


Gayundin, dapat iprisinta ng CTM na ito ay inisyu para sa layunin ng hajj visa application.


Sinabi pa ng DFA, ang mga passport applicants ay dapat mayroong kinakailangang documentary requirements na nakalista sa kanilang website.


Dagdag pa rito, lahat ng passport applications ay susuriin munang mabuti ng DFA, bago pa ang passport issuance.


 
 

ni Zel Fernandez | April 27, 2022



Kasabay ng muling pagbubukas ng foreign employment sa bansa, muling pinaalalahanan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa implementasyon ng Expanded Compulsory Insurance para sa mga balik-manggagawa at direct hires.


Batay sa Department Order No. 228, Series of 2021, o ang Expanded Compulsory Insurance Coverage for Rehires at Direct Hire ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Memorandum Circular No. 10 na nilagdaan ni POEA Administrator Bernard Olalia, ipinatutupad ang mandatory insurance bilang pagbibigay-proteksiyon sa mga manggagawang Pinoy na nagtatrabaho, abroad.


Ayon sa kawani, ang pagkakaroon ng insurance sa panahong ito ay makatutulong na magbigay ng seguridad sa mga migranteng manggagawa sa gitna ng pandaigdigang krisis sa kalusugan; saklaw ang insidente ng kamatayan, kapansanan at iba pang medical emergency.


Gayundin, sakop ng insurance policy ang repatriation o deportation ng mga OFWs, kabilang ang transportasyon ng mga personal na gamit kapag napatunayang ang manggagawa ay tinanggal ng employer sa kanyang trabaho nang walang wasto o makatarungang basehan.


Sa inilabas na abiso ng DMW, ibinahagi nito ang listahan ng mga insurance companies na accredited na ng Insurance Commission (IC) ng POEA para mag-alok ng OFW insurance.


Kabilang sa mga tinukoy ay ang Paramount Life & Insurance Corporation, Fortune General Corporation, Pioneer Insurance & Surety Corporation, MAPFRE Insular Corporation, UCPB General Insurance Company Inc., Stronghold Insurance, at Philippine British Assurance Company, Inc.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page