top of page
Search

ni Lolet Abania | September 5, 2020



Nakatanggap ang pamahalaan ng 120,000 piraso ng N95 masks mula sa gobyerno ng Canada bilang donasyon muli sa bansa kamakailan.


Sa naganap na turnover ceremony na dinaluhan ng mga opisyal ng Department of Health (DOH), Department of Foreign Affairs (DFA) at Canadian Embassy, ipinagkaloob ang donasyong particulate respirator N95 masks na tinatayang nagkakahalaga ng P30.4 milyon bilang pagsuporta ng Canada sa paglaban ng bansa sa pandemya ng COVID-19.


Labis na nagpasalamat si Health Undersecretary for Health Policy and Systems Development Dr. Mario Villaverde sa ipinagkaloob na donasyon, na ayon sa kanya, napakahalaga para sa mga frontliners na nagseserbisyo sa buong bansa.


Nagbigay din ng pahayag si Canadian Ambassador James Peter MacArthur na nagsabing ang ginagawang ito ay kaugnay ng pakikipagtulungan ng naturang bansa sa ASEAN na layong malabanan ang nakamamatay na sakit na COVID-19.


Gayundin, ayon kay MacArthur, umaasa silang mapapaigting ang kooperasyon ng Pilipinas at Canada pagdating sa pangkalusugan at edukasyon.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | September 2, 2020



Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dalawa ang Pilipinong namatay nitong Lunes nang umaga sa naganap na gas explosion sa isang restaurant sa Sheikh Rashid Bin Seed Road sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.


Ayon kay Philippine Ambassador to the UAE Hjayceelyn Quintana, nakipag-ugnayan na sila sa pamilya ng mga nasawing Pinoy upang magpaabot din ng pakikiramay. Siniguro rin ni Quintana na bibigyan ang pamilya ng mga ito ng “necessary assistance.”


Nakipag-ugnayan na rin ang Philippine Embassy sa Abu Dhabi sa mga local officials para sa mga sugatang Pinoy sa naturang insidente.

 
 

ni Twincle Esquierdo | September 1, 2020



Isang bilyong piso ang ilalaan ng gobyerno bilang tulong para tustusan ang pag-aaral sa kolehiyo ng mga anak ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na lumikas dahil sa pandemya.


Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, ang bawat OFW na kuwalipikado ay mabibigyan ng college level beneficiary at maaaring mag-enroll kung saan man nito gusto para sa school year 2020 hanggang 2021.


Saad ng pangulo, “The aid for education is a one-time grant of P30,000. The project will be allotted with the amount of P1 billion which will benefit about 33,000 students,”


Sa record ng Department of Foreign Affairs (DFA), halos 124,000 OFWs ang umuwi sa bansa bunsod ng COVID-19 pandemic na maaaring makatanggap ng naturang pinansiyal na tulong.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page