top of page
Search

ni Lolet Abania | May 3, 2022



Nasa kabuuang 25,668 o 56.89% ng mga pampublikong paaralan habang 676 pribadong paaralan sa buong bansa ang nakabalik na sa on-site classes sa gitna ng pandemya ng COVID-19, ayon sa Department of Education (DepEd).


Batay sa kanyang presentasyon, sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipinalabas ngayong Martes, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na inaasahan nila ang 5,948,640 estudyante sa pampublikong paaralan mula sa lahat ng grade levels na makikilahok sa face-to-face classes.


Binanggit ni Briones na ang naturang bilang ay nasa 25.61% ng 23,230,898 kabuuang enrollees sa sektor ng pampublikong paaralan ng kasalukuyang academic year.


Sa kabila nito ayon kay Briones, nananatili ito na isang “hamon” para sa DepEd, kung saan nasa 676 pribadong paaralan lamang o 5.47% ng kanilang kabuuang bilang ang nagpatuloy sa in-person learning. Nasa tinatayang 226,991 estudyante o 7.09% ng mga private school learners ang inaasahang lumahok dito.


“It is ironic that at the height of the debates on face-to-face schooling, there were many demands for face-to-face, but now that we have approved it, there are only 676 private schools opening face-to-face,” saad ni Briones.


Ipinunto naman ni Deputy Chief Implementer Vince Dizon ng National Task Force Against (NTF) COVID-19 na maraming mga rason kung bakit mayroong tinatawag na “resistance” mula sa mga pribadong paaralan para magsagawa muli ng in-person classes.


“The most compelling of which is that some parents in the private schools are still quite apprehensive about letting their children go back to face-to-face classes, which of course is the right of every parent,” paliwanag ni Dizon.


Sa lahat-lahat, mayroong 6,175,631 estudyante ang sumabak sa F2F classes sa 26,344 paaralan sa buong bansa, ayon pa sa DepEd.


 
 

ni Zel Fernandez | April 30, 2022



Batay sa inilabas na opisyal na pahayag ng Department of Education (DepEd) kahapon nang Biyernes, Abril 29, aprubado na ng Kalihim ng Edukasyon sa isinagawang joint Execom-Mancom meeting ang rekomendasyon ng Regional Directors at Division Superintendents na payagan ang mga guro na hindi mag-report on-site sa Mayo 2 hanggang 13.


Batay ito sa pagsasaalang-alang ng interes ng serbisyo at ng teaching force, na inihain sa pamamagitan ng Governance and Operations Strand.


Kaugnay nito, halos karamihan ng mga guro na tinatayang nasa 640,000 ay inaasahang maglilingkod sa pambansa at lokal na eleksiyon sa Mayo 9.


Kasabay nito, gumagawa ng mga paghahanda ang mga guro at mga paaralan sa bansa para sa mga aktibidad kaugnay ng eleksiyon at ng mga lugar ng pagbobotohan o presinto bago ang araw ng eleksiyon.


Gayundin, magkakaroon ng agarang post-election activities sa mga eskuwelahan at ng mga guro na nakatalaga para sa eleksiyon.


Samantala, ang mga gurong hindi kabilang sa darating na halalan ay inaasahang patuloy na mag-aasikaso ng mga gawain kabilang ang pagtapos ng mga school forms, paghahanda ng mga instruksiyunal na material o learning plans, at ebalwasyon ng mga outputs/portfolios ng mga estudyante.


Ang pagpapatupad ng naturang desisyon ay sang-ayon sa atas ng kalihim sa Governance and Operations at ang Curriculum and Instruction strands na magbigay ng mga naaangkop na patnubay sa mga field units nito.


 
 

ni Zel Fernandez | April 27, 2022



Isinusulong ng Department of Education sa mga Senior High School students ang physical work immersion na posibleng isagawa sa darating na pasukan ngayong taon.


Ayon sa DepEd, ang muling pagbabalik ng physical work immersion sa mga Senior High School students ay bilang bahagi ng pinalalawak pa ngayong face-to-face classes sa bansa, matapos ang halos dalawang taong online at distance learning dulot ng pandemya.


Matatandaan na ang implementasyon ng physical work immersion na bahagi ng Technical-Vocational-Livelihood (TVL) track sa SHS ay sinuspende sa kasagsagan ng COVID-19 noong 2020.


Ani Education Sec. Leonor Briones, “We are strongly suggesting that Work Immersion should be implemented for the Senior High School learners as they are nearest to accomplishing their postsecondary goals and dreams.”


Giit pa ng kagawaran, mahalagang maibalik ang work immersion sa Senior High School upang mas mahasa pa ang kaalaman ng mga Grade 11 at 12 students, bilang kahandaan sa kolehiyo at kalaunan sa kanilang pagtatrabaho.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page