top of page
Search

ni Lolet Abania | June 24, 2022



Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang executive order na layong lumikha ng bagong titulong posisyon para sa mga guro, na labis namang tinanggap ng Department of Education (DepEd).


Ayon sa DepEd, ang paglikha ng bagong teaching levels na ito ay makapagpapalawak sa promosyon at karagdagang sahod sa mga guro.


Batay sa Executive Order No. 174 ni Pangulong Duterte, nabuo ang bagong position titles na Teacher IV, Teacher V, Teacher VI, Teacher VII, at Master Teacher V.


Nitong Huwebes nilagdaan ng Pangulo ang EO 174, na layon ding i-promote ang professional development at career advancement sa lahat ng public school teachers.


“The DepEd is jubilant about the timely issuance of Executive Order No. 174 titled Establishing the Expanded Career Progression System for Public School Teachers,” pahayag ng DepEd ngayong Biyernes.


“We shall work with the Civil Service Commission, the Department of Budget and Management, and the Professional Regulation Commission in formulating the rules and regulations of the EO,” sabi pa ng ahensiya.


Gayundin, ani DepEd, “[P-Duterte’s order will take effect] immediately after publication in the Official Gazette or in a newspaper of general circulation.”


Matatandaan nitong Marso, sinabi ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan na ilang mga guro ang aniya, na-stuck bilang Teacher III level mula noong sumunod na available na posisyon, habang ang Master Teacher I ay kinakailangan ng mataas na educational requirements.


Sa kasalukuyan, ang Teacher I ay nakatatanggap ng Salary Grade 11; Teacher II ay nasa Salary Grade 12; at Teacher III nabibigyan ng Salary Grade 13.


 
 

ni Lolet Abania | June 15, 2022



Tuloy pa rin ang face-to-face classes para sa susunod na academic year kahit na ang alert status sa ilang mga lugar sa bansa ay itaas sa Alert Level 2, ayon sa Department of Education (DepEd) ngayong Miyerkules.


“Doon sa protocol natin, safe pa rin ang face-to-face classes as long as Alert Level 1 and 2. ‘Pag tayo ay nag-Alert Level 3, automatic na sususpendihin natin ang ating in-person classes,” pahayag ni DepEd Assistant Secretary Malcolm Garma sa isang radio interview.


Sa ngayon, ang National Capital Region (NCR) at marami pang lugar sa bansa ay isinailalim sa Alert Level 1 hanggang Hunyo 15.


Para sa “progressive expansion” phase ng face-to-face classes sa mga pampubliko at pribadong paaralan, ayon sa DepEd, dapat na ma-validate ang mga eskuwelahan bilang pagsunod sa standards ng School Safety Assessment Tool (SSAT) at matatagpuan ang mga ito sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Levels 1 at 2, base sa periodic risk assessment ng Department of Health (DOH).


Una nang sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na inaasahan ng DepEd na lahat ng paaralan sa bansa ay magsasagawa na ng face-to-face classes ng Hunyo sa gitna ng COVID-19 pandemic.


Gayunman, binanggit ni Garma na ang opisyal na petsa ng pagpapatuloy o resumption ng face-to-face classes para sa susunod na school year ay iaanunsiyo pa ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. “Sa ating inilabas na pahayag, ang ating indicative phase na opening of schools ay August 24 pero hindi pa final date ‘yan,” saad ni Garma.


“Pero ‘yung mga private schools natin, pwede sila magbukas ng klase nang mas maaga doon sa takdang araw ng idedeklara ng ating Pangulo basta hindi ito mas maaga sa Hunyo at hindi magiging later than September,” dagdag ni Garma.


Sinabi naman ng opisyal na ang COVID-19 vaccination ay hindi required sa mga estudyante na lalahok sa in-person classes, subalit hinihikayat ang mga ito na magpabakuna.


Samantala, iginiit ni Garma na mga bakunadong mga guro lamang ang pinapayagan na magsagawa ng face-to-face classes, na may tinatayang 90% nila ay nakakumpleto na ng kanilang primary vaccine series.


 
 

ni Lolet Abania | June 13, 2022



Umapela ang nasa dalawang grupo ng mga guro ngayong Lunes sa Department of Education (DepEd) kaugnay sa latest order ng ahensiya sa remedial classes, na mag-grant ng karagdagang kompensasyon o service credits sa mga titser na makikilahok sa naturang mga klase.


Kamakailan, inisyu ng DepEd ang Order No. 13, patungkol sa pagtatakda ng mga guidelines sa pagsasagawa ng remedial at enrichment classes kasunod ng School Year 2021-2022, na magtatapos na sa Hunyo 24.


Batay sa order, ang mga Grade 1 hanggang 11 students na makakakuha ng grade na papalo sa mula 75 hanggang 79 ay mag-a-attend ng enrichment classes habang iyong mga bumagsak ng dalawang subjects ay papasok sa remedial classes.


Ang remedial at enrichment classes ay nakatakdang isagawa sa panahon ng school break o bakasyon mula Hulyo hanggang Agosto, kung saan umani naman ng pagkadismaya sa mga guro na nagsasabing ang naturang panahon ay dapat na nakalaan sa kanilang pahinga.


“This policy should be clarified because we expect teachers to enjoy a two-month vacation between the closing and opening of school years. We have the right under the law,” pahayag ni Teachers’ Dignity Coalition (TDC) National Chairperson Benjo Basas sa isang statement.


Ayon kay Basas, ang iba’t ibang requirements, kabilang na ang online activities, physical reporting sa mga paaralan, virtual at physical classes at clerical tasks ay nagdulot sa mga guro ng sobra nang pagkapagod. “Itong bakasyon na lang ang inaasahan sana ng mga guro [para makapagpahinga] pero mukhang pati ito ay kukunin pa sa amin,” sabi ni Basas.


Sa isang hiwalay na statement, sinabi ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) Secretary General Raymond Basilio, “depriving teachers of the much-needed rest between school years takes a heavy toll not only on their health and capacities but to the over-all delivery of quality education.”


Binanggit ni Basilio, na ang latest DepEd order ay hindi nagpapahayag kung ang mga guro na magpa-facilitate sa remedial classes ay makatatanggap ng compensation o service credits.


“The least the government can do is to justly compensate teachers who are going the extra mile to help our learners,” saad ni Basilio. Sinabi naman ni Basas, nais ng TDC na magkaroon ng dialogue mula kay DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, na siyang lumagda ng order, o kay outgoing DepEd Secretary Leonor Briones.


“We won’t refuse work especially if it is for children. But DepEd should also consider the welfare of teachers. And if there would be an exigency of service, the ready justification for extended work, then the provision of the law for overtime pay should also be observed,” ani Basas. Sa ngayon, wala pang ibinigay na komento o tugon si Malaluan kaugnay sa naturang usapin.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page