top of page
Search

ni Lolet Abania | March 30, 2022


ree

Target ng Department of Trade and Industry (DTI) na maglabas ng P600-milyong halaga ng suportang pagkabuhayan para sa mga maliliit na negosyo at kumpanya, subalit nangangailangan ito ng exemption mula sa election ban patungkol sa spending o paggastos.


Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, layon ng ahensiya na magbigay ng 105,394 livelihood kits, kabilang dito ang 1,500 benepisyaryo para sa bawat rehiyon sa Abril, Mayo, at Hunyo, na nakatumbas ng 300 hanggang 400 livelihood kits kada probinsiya.


Gayunman, binanggit ni Lopez na nananatili pa ito sa deliberasyon dahil sa election ban kaugnay sa tinatawag na public spending para sa imprastruktura at iba pang proyekto na ipinatutupad ng Commission on Elections (Comelec).


“Importante ho na makakuha tayo ng Comelec exemption. Importante ho ngayong kailangan ng tao ng kabuhayan lalo na dahil sa pandemya kaya kailangan po mapagpatuloy natin ito,” pahayag ni Lopez sa isang report sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipinalabas ngayong Miyerkules.


Una nang sinabi ng DTI na 10% ng mga MSMEs (micro,-small,-and medium-sized enterprises) ay napilitang magsara noong Hunyo 2021.


Halos kasing taas ito sa 52.66% na naitala noong Mayo 2020, sa panahon ng pagdami ng mga isinasagawang quarantine restrictions. Batay sa DTI, “micro enterprises are defined as those with total assets worth less than P50,000; cottage enterprises with assets worth P50,001 to P500,000; small with P500,001 to P5 million; and medium from over P5 million to P20 million.”


Ayon naman kay Lopez, nakikipag-ugnayan na ang DTI sa Comelec para sa exemption application, kung saan nakaiskedyul ang pagre-release ng mga ito ngayong linggo – sa Cebu sa Huwebes, Marso 31, at sa Laguna sa Biyernes, Abril 1.


 
 

ni Lolet Abania | February 7, 2022


ree

Aabot sa 200,000 manggagawa ang inaasahan na makakabalik na sa trabaho sa gitna ng pagluwag ng restriksyon sa Metro Manila sa Alert Level 2, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).


Sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo, ang pagbabalik ng mga manggagawa sa kanilang trabaho ay makikita aniya, mula sa karagdagang 20% capacity sa pinayagang mga negosyo mag-operate, kung saan ang mga indoor establishments ay hanggang 50% na mula sa dating 30%, at outdoor establishments na hanggang 70% mula sa 50%.


“According to DTI estimates, we have around 100,000 to 200,000 jobs na makakabalik [that will return],” sabi ni Castelo sa Laging Handa virtual briefing ngayong Lunes.


Ayon sa opisyal, base sa taya ng National Economic and Development Authority (NEDA), ilang 15,000 workers ang inaasahang bumalik ng weekly basis sa kanilang trabaho.


Sa latest data naman na available mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), nabatid na mayroong 3.16 milyong unemployed Filipinos noong Nobyembre 2021.


Ang Metro Manila ay isinailalim sa Alert Level 2 mula Nobyembre 5, 2021 habang itinaas ito sa Alert Level 3 noong Enero 3, 2022. Gayunman, ang National Capital Region (NCR) at marami pang lugar ay isinailalim muli na Alert Level 2 mula Pebrero 1 hanggang 15 dahil na rin sa pagbaba ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa.


Sa parehong briefing, sinabi ni Castelo na anumang panukala para alisin ang Alert Level System ng bansa ay dapat aniya gawin ng gradual basis o dahan-dahan para matiyak na ang publiko ay nananatiling sumusunod sa minimum public health standards.


“Dahan-dahan lang until masanay na tayo at ma-accept na natin na ‘yung new normal natin ay kasama na ‘yung mga health protocols,” sabi ni Castelo.


 
 

ni Lolet Abania | August 12, 2021


ree

Ipinagpaliban muna ng Department of Trade and Industry (DTI) ang napipintong pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin para makabawas sa hirap na dinaranas ng mga konsyumer sa gitna ng 2-linggong hard lockdown sa Metro Manila at iba pang mga pamilihan sa bansa.


“Yes, we have postponed any adjustment on SRPs (suggested retail prices), especially during ECQ (enhanced community quarantine),” ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez.


Matatandaang noong nakaraang Hunyo, pinayagan ng DTI ang ilang brands ng mga basic goods na magtaas ng kanilang presyo ng P0.25 hanggang P0.75 o tinatayang nasa 3.5% dahil sa pagtaas din ng halaga ng mga raw materials nito.


Inaprubahan ng ahensiya ang taas-presyo sa pangunahing bilihin kabilang ang sardines, canned meat, noodles, gatas at kape, kung saan magiging epektibo ito ngayong Agosto.


Ang pag-apruba sa price increase ay ginawa matapos na i-lift ng DTI ang mahabang buwan na price freeze sa mga pangunahing bilihin noong Hulyo 9.


Gayunman, ang Metro Manila ay isinailalim sa ECQ mula Agosto 6 hanggang 20. Bukod sa National Capital Region (NCR), ang mga lalawigan ng Laguna at Cagayan de Oro at ang Iloilo City ay isinailalim na rin sa pinakamahigpit na quarantine classification. Gayundin, ang Bataan ay nasa ECQ na mula Agosto 8 hanggang 22, dahil ito sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 at pagkalat ng Delta variant.


Sa ilalim ng ECQ protocol, ang mga essential trips at essential services gaya ng pagkain at medisina lang ang pinapayagang mag-operate.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page