top of page
Search

ni Lolet Abania | June 17, 2021


ree

Patuloy na bumababa ang bilang ng mga kaso at naitalang namatay dahil sa dengue sa buong Pilipinas sa nakalipas na apat na buwan ng 2021, ayon sa Department of Health (DOH).


Sa pahayag ni Dr. Ailene Espiritu ng DOH Disease Prevention and Control Bureau, mayroong 21,478 cases at 80 namatay na may kaugnayan sa dengue ang nai-report mula January 1 hanggang April 17, 2021.


Ang bilang na ito ay mahigit sa 50% na ibinaba kaysa sa 49,135 cases at 179 nasawi na nai-record sa parehong panahon noong 2020. May kabuuang 83,335 dengue infections at 324 namatay ang naitala noong nakaraang taon kung saan 81% mas mababa kumpara sa 437,563 kaso at 1,689 nasawi noong 2019 nang ideklara ang national dengue pandemic.


“We remain hopeful that the decrease in cases will continue and of course this must be partnered with an integrated vector control management and other prevention activities,” ani Espiritu sa isang online forum.


Aniya pa, ang pagbaba ng kaso ng dengue ay dahil sa “4S” strategy o “search and destroy mosquito breeding sites, self-protection, seek early consultation, and support fogging or spraying only in hotspot areas.”


Ipinunto rin ni Espiritu na ang ipinatupad na mga lockdowns at palagiang paghuhugas at paglilinis ng katawan para maiwasan ang COVID-19, ang nakatulong nang malaki sa pagbaba ng dengue infections.


Gayunman, ipinaalala niyang nagsisimula pa lamang ang tag-ulan ngayong buwan kaya kailangan pa rin ang pag-iingat. “Wala tayong masyadong ulan nu’ng January to April so baka kaya wala pa po tayong kaso.


Ngayon po na paparating na po ang tag-ulan, kailangang bantayan na natin ang ating kapaligiran para hindi po dumami ang ating mga lamok,” ani Espiritu.


 
 

ni Lolet Abania | June 17, 2021


ree

Kinakailangan pa rin ang pagsusuot ng face shield sa ibabaw ng face mask sa gitna ng patuloy na laban sa pandemya ng COVID-19, ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles ngayong Huwebes.


Ito ang naging tugon ni Nograles matapos ang pahayag ni Department of Health (DOH) Undersecretary Leopoldo Vega kahapon, hinggil sa hindi na kailangang isuot ang face shield sa ibabaw ng face mask kung nasa labas. “We will run this through the IATF meeting later,” ani Nograles sa interview sa CNN Philippines.


Ang Inter-Agency Task Force (IATF) ay nagsisilbing policy-making body ng gobyerno sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.


“Face shields are still required,” diin ni Nograles.


Sinabi naman ni Senate President Vicente Sotto III na pumayag si Pangulong Rodrigo Duterte na ang face shields ay dapat na lamang gamitin sa mga ospital.


“Last night, the President agreed that face shields should only be used in hospitals. Allowed us to remove ours! Attn DOH!” ani Sotto sa Twitter ngayon ding Huwebes.


Gayunman, wala pang kumpirmasyon ang Malacañang tungkol sa pahayag ni Sotto.


Nauna rito, si Presidential Spokesperson Harry Roque, na nagsisilbing tagapagsalita para sa IATF ay nananatili sa kanyang pahayag na ang pagsusuot ng face shield sa ibabaw ng face mask ay nakapagdaragdag ng proteksiyon laban sa COVID-19.


Ang naging pahayag ni Vega ang nag-udyok din kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire para banggitin ang Joint Memorandum Circular 2021-0001, kung saan nakasaad sa memo na “face shields are required to be worn in enclosed public spaces, schools, workplaces, commercial establishments, public transport and terminals, and places of worship.”


Subalit sa pareho ring memo, nakasaad na ang face shields ay kailangang isuot sa “other public spaces wherein 1 meter physical distancing is not possible and there is gathering of more than 10 people at the same venue at the same time” tulad ng sitwasyon sa mga palengke.


Samantala, ipinahayag ni DOH Secretary Francisco Duque III na iaapela niya kay Pangulong Duterte ang naging desisyon umano nito na i-require na lamang ang paggamit ng face shields sa mga ospital.


Giit ni Duque, hindi pa napapanahon para balewalain ang paggamit ng face shields sa dahilang ang pagbabakuna ng gobyerno ng COVID-19 vaccine sa mga mamamayan ay nananatiling mababa.


“Any layer of protection is better than less protection,” ani Duque.


Kinumpirma naman nina Senators Joel Villanueva at Juan Miguel Zubiri ang naging pag-uusap nina Pangulong Duterte at Sotto nitong Miyerkules ng gabi, subalit ito anila ay isa lamang “off the cut” at hindi opisyal na talakayan.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 17, 2021


ree

Pinalawig ang pagsasailalim sa Albay sa general community quarantine (GCQ) hanggang sa June 30 dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.


Ayon kay Gov. Al Francis Bichara, ie-extend ang GCQ sa Albay maliban sa Jovellar at Rapu-rapu towns na mayroong mababang kaso ng COVID-19.


Saad ni Bichara, “The GCQ in all the cities and municipalities in the Province of Albay, except the Municipalities of Jovellar and Rapu-Rapu, is hereby extended until June 30, 2021.”


Nanawagan din si Bichara na mahigpit na ipatupad ng awtoridad ang mga health protocols.


Aniya pa, "All the cities and municipalities shall observe and strictly follow the protocols under the latest Omnibus Guidelines and Resolutions issued by the Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) corresponding to the declared community quarantine category.


"Failure to comply with the said directive shall be a ground for the filing of appropriate cases pursuant to Republic Act No. 11332 and other pertinent laws applicable."


Sa isang teleradyo interview naman, ayon kay Bichara, marami ang nagnanais na ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) ngunit marami umano ang mahihirapan.


Aniya pa, "Ang iba nag-i-insist na mag-ECQ. Kapag nag-ECQ naman, sarado na naman ang ekonomiya rito, maraming maghihirap dito. Kulang naman ang perang pambigay sa mga ayuda sa mga households."


Ayon kay Bichara, ipinatigil din ng lokal na pamahalaan ang operasyon ng mga resorts upang maiwasan ang pagkakahawahan ng COVID-19.


Aniya, "Ipinahinto muna namin ‘yung mga resorts dahil maraming nagka-karaoke, nag-iinuman.”


Samantala, nanawagan din ng tulong si Bichara sa Department of Health (DOH) para sa pagpoproseso ng RT-PCR tests upang mapabilis ang contact-tracing capacity ng lokal na pamahalaan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page