- BULGAR
- Aug 18, 2021
ni Lolet Abania | August 18, 2021

Ipinahayag ng Department of Health (DOH) na ilan sa mga UV lamps, gaya ng nabibili mula sa mga online stores, ay hindi nakapagbibigay ng proteksiyon laban sa COVID-19.
Subalit ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mga UV lamps ay mabuti lamang sa mga healthcare settings o sa mga ospital. “Meron pong klase ng UV lamp na ginagamit po talaga sa mga hospital settings at mga klinika,” paliwanag ni Vergeire sa isang online forum ngayong Miyerkules.
Sinabi ni Vergeire na ang mga items na binibili online, gaya ng handheld wands o iba pang katulad ng UV lamps ay wala talagang naidudulot na proteksiyon kontra-COVID-19.
Hindi rin inirekomenda ng DOH ang paggamit ng mga personal air purifiers dahil sa kawalan nito ng siyentipikong ebidensiya na epektibo laban sa naturang sakit.
Ayon sa kalihim, may iba pang non-pharmacological interventions na hindi rin suportado ng mga eksperto gaya ng foot baths at misting tents kaya wala ring epekto na panlaban sa virus.
Mariin namang inirerekomenda ng mga eksperto ang mga surgical masks, face shields o goggles, at standard personal protective equipment (PPE) para sa mga health workers kahit na hindi direktang nag-aalaga ng COVID-19 patients o mga suspected cases lamang. Payo pa ng mga eksperto na gumamit din ng mga nararapat na agents sa paglilinis at disinfection ng mga lugar.
Giit din ng mga eksperto sa publiko ang pagsusuot ng mga face mask at face shield, paggamit ng mga high efficiency particulate filters, mga N95 mask at protective physical barriers na makatutulong sa pag-iwas sa pagkahawa sa COVID-19.
Inirekomenda naman ng DOH ang palaging paggamit ng mga surgical mask, lalo na kapag nasa mga lugar na mataas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19.






