top of page
Search

ni Lolet Abania | August 29, 2021


ree

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ngayong Linggo ng 516 karagdagang kaso ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 na umakyat na sa kabuuang bilang na 1,789 cases.


Sa isang statement, ang DOH, University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC), at ang University of the Philippines-National Institutes of Health (UP-NIH) ay nagsabing ang bagong Delta variant cases ay mula sa 748 sequenced samples na nanggaling sa 67 laboratoryo.


Sa karagdagang Delta variant cases, 473 dito ay local, 31 naman ay mga returning overseas Filipinos (ROF), habang inaalam pa ang 12 kung ang mga ito ay local o ROF cases.


Ang mga lugar at bilang ng kaso mula sa 473 local Delta variant cases ay 114 - Metro Manila; 24 - Ilocos Region; 32 - Cagayan Valley; 64 - Central Luzon; 79 - Calabarzon; 20 - Mimaropa; 16 - Bicol region; 13 - Western Visayas; 23 - Central Visayas; 12 - Zamboanga Peninsula; 48 - Northern Mindanao; 22 - Davao Region; at 6 - Cordillera Administrative Region.


Samantala, ayon sa DOH, 6 sa kabuuang 1,789 Delta variant ang active cases, 5 na ang namatay habang 505 ang naklasipika na nakarekober na sa sakit at ang iba pa ay unang naiulat na gumaling na.


Matatandaang nai-report ng mga international health experts na ang Delta variant ay nagdudulot ng double risk of hospitalization habang nananatili ang variant na nasa 50% na mas nakahahawa kaysa sa Alpha variant, kung saan unang na-detect naman sa United Kingdom nitong unang bahagi ng taon.


Ang Delta variant ay idineklara rin bilang “variant of concern” ng World Health Organization (WHO) na ayon sa ahensiya, “It could have an increase in transmissibility or increase in virulence or decrease in effectiveness of public health.”

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 28, 2021


ree

Pumalo sa 19,441 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa ‘Pinas ngayong Sabado at sa kabuuang bilang ay sumipa na sa 1,935,700 ang Coronavirus infections sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).


Ito ang pinakamataas na naitalang kaso sa bansa sa isang araw lang at ayon sa DOH, may tatlo pang laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).


Ayon sa DOH, 142,679 pa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 95.5% ang mild cases, 1.8% ang asymptomatic, 1.1% ang severe, at 0.6% ang nasa kritikal na kondisyon.


Samantala, nadagdagan ng 19,191 ang bilang ng mga gumaling na at sa kabuuan ay umabot na sa 1,760,013 ang bilang ng mga recoveries ngunit tumaas din ng 167 ang bilang ng mga pumanaw at pumalo na sa 33,008 ang death toll.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 28, 2021


ree

Handang magbitiw sa puwesto si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III kapag nalinaw o naaksiyunan na ang report ng Commission on Audit (COA) sa naturang ahensiya, ayon sa pahayag ng opisyal ngayong Sabado.


Saad ni Duque sa isang panayam, “‘Yun naman ang aking pakiusap na bigyan ako ng panahon na i-clear ang mga COA findings, COA observations, at ang aming action plan doon sa mga recommendations and then I am leaving. I just want to clear.”


Ayon kay Duque, nakipag-ugnayan na rin siya sa mga opisyal ng DOH regional offices, DOH hospitals, at mga treatment rehabilitation centers sa bansa kaugnay ng naturang isyu.


Aniya pa, “Ang lahat ng mga COA findings patungkol sa DOH kasi… Malaki kasi ang DOH. ‘Yung mga COA findings na ‘yan, saklaw niyan ‘yung mga 16 regional offices across the country, ‘yung 65 na mga hospitals, ‘yung mga treatment rehabilitation centers. Lahat ng mga ‘yan, may mga hepe ‘yan. May mga kani-kanyang directors. So lahat ‘yan, akin nang mga kinausap na ‘Dapat ito, ayusin ninyo’ na dapat lahat ng mga COA findings… lahat ng kanilang mga deficiencies na… before… dapat tugunan ‘yan lahat. Hindi naman kasi ‘yan parang ako lang lahat ang gagawa.”


Nang matanong naman kung ano ang maituturing na legacy ni Duque bilang hepe ng DOH kung sakaling ituloy niya ang pagbibitiw sa puwesto, aniya, “Well, ang maituturing kong legacy sa Kagawaran ay ako ‘yung kalihim sa panahon ng pandemyang ito na talagang… sa 100 taon, ‘di ba ‘yung last natin, 1918, ‘yung Spanish flu pandemic. So, ito naman sa panahon natin ay ang COVID-19 pandemic na ako ‘yung naging kalihim at huhusgahan ako ng taumbayan kung tama ba 'yung ginawa ko, kung ‘yung bilang ng mga namatay ba ay napakalaki, pareho ba ng ibang bansa na daang libo, halos isang milyon ang mga namatay.


"Eh, sa atin naman, kahit na papaano, mismong si Senator [Richard] Gordon na nagsasabi na ang death rate natin ay mababa compared sa ibang bansa.


“So, let the people be the judge. Pero ‘yung judgment na 'yan, unfortunately ‘di puwedeng dumating ‘yan ngayon. Matagal pang lalabas ‘yang judgment na ‘yan kapag halimbawa naayos na natin ang herd immunity, ang vaccination ng lahat ng mamamayan at maging common cold na lang ang COVID-19.


"Ibig sabihin ay malaki ang papel na aking ginampanan diyan, lalung-lalo na ang papel na ginampanan ng DOH.”


Aniya, alam naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang balak niyang pagbibitiw sa puwesto.


Saad pa ni Duque, “It’s a matter of time. ‘Yun naman talaga ang hiningi ko. Sabi ko I’m stepping down dahil ito na nga… pero bigyan lang ako ng kaunting panahon para maayos namin ng DOH ang lahat ng mga COA observations and findings.”


Diin pa ni Duque, wala ni isang kalahating sentimo siyang kinuha mula sa kaban ng bayan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page