ni Madel Moratillo | June 25, 2023
Marami pang opsyon para masolusyunan ang problema sa kakulangan ng mga nurse sa bansa.
Ito ang tiniyak ni Health Secretary Ted Herbosa sa kabila ng mga legal limitations sa kanyang planong pagkuha ng mga nurse na hindi pa lisensyado.
Giit ni Herbosa, nakausap na niya ang mga opisyal ng Professional Regulation Commission (PRC) at maging mga taga-Board of Nursing at tiniyak nila na handa silang tulungan ang DOH sa paghahanap ng solusyon.
Kasama sa pinag-aaralan ng DOH ang pagkuha ng mga hindi pa lisensyadong nurse at gawin silang nursing assistant.
Ayon kay Herbosa, nasa 4,500 ang bakanteng plantilla position ng mga nurse sa mga pampublikong ospital.