top of page
Search

ni Lolet Abania | January 18, 2022


ree

Nasa 300 empleyado ng Department of Health (DOH) ang nagpositibo sa test sa COVID-19 habang halos 400 naman ang sumasailalim sa quarantine, ayon sa isang opisyal ng ahensiya.


“Marami rin po infected, marami rin po naka-quarantine kaya ngayon po medyo mababa po ‘yung workforce namin. But we are still doing and continuing work,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang radio interview ngayong Martes.


Sinabi ni Vergeire na ang operasyon ng DOH ay hindi naman masyadong naapektuhan dahil bawat unit ng ahensiya ay may nakalaang skeletal workforce.


Gayunman, ayon sa kalihim, marami na sa mga personnel ng ahensiya ang nagsimula nang magbalik sa kanilang trabaho dahil sa bagong polisiya hinggil sa pagpapaiksi ng isolation at quarantine period para sa mga fully vaccinated healthcare workers na na-infect o na-expose sa COVID-19.


“But because of this new policy direction that we have, ‘yung shift, nakapagbawas na po kami and we are slowly nakakapag-return sa mga bilang ng mga tao sa bawat opisina,” sabi pa ng opisyal.


Una namang sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III na ang pagpapaiksi ng isolation ay discretionary lamang para sa mga medical frontliners matapos na maraming sektor ang nagpahayag ng pagtutol hinggil dito.


 
 

ni Lolet Abania | January 15, 2022


ree

Ipinahayag ng Department of Health (DOH) na nakararanas na ngayon ang National Capital Region ng community transmission ng mas nakahahawang COVID-19 Omicron variant.


Sa isang televised public briefing ngayong Sabado, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na may local cases na ng variant of concern ang kanilang na-detect sa Metro Manila.


Ayon sa World Health Organization (WHO), “Community transmission happens when connections between local infections could no longer be established through the positive test results of routine sampling.”


Noong nakaraang linggo, isang eksperto ang nagsabi na ang Omicron’s community transmission ay nangyayari na sa bansa.


“Dito po sa National Capital Region, we are seeing the community transmission… Nitong Omicron variant. Bagama’t hindi po nakakahabol ang ating genome sequencing, we already have determined that there are local cases already,” paliwanag ni Vergeire.


“Sa nakikita nating trend ngayon, ito po ’yung characteristic talaga ng Omicron variant, na mabilis na pagkalat, ’yung very steep rise in the number of cases… And doubling time po na every 2 days,” ani pa ni Vergeire.


Ayon kay Vergeire, ang daily cases sa Metro Manila sa nakalipas na linggo ay nag-average ng tinatayang 17,124, habang aniya, higit sa doble ito ng 6,500 average na bilang ng kaso ng mas naunang nakaraang linggo.


Gayundin aniya, ang rehiyon ay may tinatayang 149,000 active COVID-19 infections, na halos kalahati ng kabuuang bilang ng aktibong kaso sa buong bansa.


Sinabi pa ng opisyal, nakikitaan na rin nila ng pagtaas ng mga bagong kaso sa ibang mga rehiyon, na maaaring dulot ng Omicron variant.


Bukod sa Metro Manila, ang Calabarzon, Central Luzon, Western Visayas, Eastern Visayas, Bicol Region ay kinakikitaan nila ng pagtaas in terms ng 2-week growth rate.


Ayon pa kay Vergeire, kapag nagpatuloy ang ganitong trend, posibleng dumating ang oras na palitan na ng Omicron strain ang Delta bilang isang dominant variant sa bansa.

 
 

ni Lolet Abania | January 7, 2022


ree

Target ng gobyerno na gawin ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga kabataang edad 5 hanggang 11 sa unang linggo ng Pebrero ngayong taon.


Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje, hinihintay na lamang ng pamahalaan ang delivery ng doses ng Pfizer vaccine na inorder para sa pagbabakuna ng nasabing age group.


“Ang tinitingnan nating date, earliest first week of February, maumpisahan natin ‘yung pagbabakuna ng ating 5 to 11,” ani Cabotaje sa Laging Handa briefing ngayong Biyernes.


Binanggit naman ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na posibleng dumating ang first tranche ng mga Pfizer vaccines sa katapusan ng Enero o sa unang linggo ng Pebrero.


“We have to understand there is a global shortage of these 5 to 11 years old na bakuna coming from this manufacturer, kaya nagkakaroon ng allocation per country sila ngayon,” paliwanag ni Vergeire.


“Hopefully, ‘yung commitment nila that they will provide us by the end of January until first week of February with the initial tranche for our vaccines [ay matuloy],” saad pa ni Vergeire.


Matatandaang na nito lamang huling bahagi ng Disyembre 2021 inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) ng Pfizer vaccine para sa edad 5 hanggang 11.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page