top of page
Search

ni Lolet Abania | June 13, 2022


ree

Posibleng itaas ng gobyerno ang alert level status sa bansa sa Alert Level 2, kapag ang mga COVID-19 cases na naitatala ay patuloy na tataas, ayon Department of Health (DOH) ngayong Lunes.


Nananatili pang nasa ilalim ang National Capital Region (NCR) sa Alert Level 1, ang pinakamababa sa alert level system, hanggang Hunyo 15. “The possibility would always be there ‘pag nagtuloy-tuloy po ang mga kaso,” pahayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang radio interview.


Sa ilalim ng Alert Level 2, pinapayagan ang partikular na establisimyento at aktibidad ng 50% capacity indoors para sa fully vaccinated adults (at minors, kahit ‘di pa bakunado), at 70% capacity outdoors. Nitong Linggo, nakapagtala ang bansa ng 308 bagong COVID-19 cases, ang highest tally ng mga bagong kaso na nai-record simula Abril 20.


Ayon sa DOH, apat na magkakasunod na araw na ang bilang ng bagong COVID-19 cases kada araw ay mataas sa 250. Subalit, una nang sinabi ni Vergeire na ang bahagyang pagtaas ng kaso na naiulat nitong nakalipas na mga linggo ay hindi naman na-sustain.


“Pero ang kailangan po maintindihan ng ating mga kababayan, we are learning to live with the virus. Alam po natin hindi aalis ang virus na ito. It will stay with us,” sabi pa ni Vergeire. Ang mga mild at asymptomatic cases giit niya ay katanggap-tanggap o “acceptable.”


Ayon kay Vergeire, 14 mula sa 17 lugar sa Metro Manila ay nagpakita ng pagtaas ng mga kaso. “Ang pinakaimportante, hindi pa natin nakikitang tumataas ang severe and critical na mga kaso at hindi pa din nagkakaroon ng problema sa ating mga ospital by observing kung meron man increase of admission,” saad ni Vergeire.


Sa isang mensahe sa mga reporters, sinabi ng DOH na ang escalation ng alert level ay nakadepende sa metrics ng Alert Level System.


“The possibility of escalation of the Alert Level is dependent on the metrics of our Alert Level System in accordance with the IATF Guidelines,” ani DOH. “The DOH is continuously monitoring all these metrics,” dagdag pa ng ahensiya.


 
 

ni Lolet Abania | June 10, 2022


ree

Nakapagtala ang bansa ng 43 kaso ng Chikungunya, isang virus na naipapasa sa mga tao ng mga infected na lamok, mula Enero 1 hanggang Mayo 21.


Ayon sa Department of Health (DOH), ang bilang ng mga kaso ngayong taon ay nasa 169% mas mataas kumpara sa nai-record sa parehong panahon noong nakaraang taon.


Sa datos mula sa DOH, nabatid na 29 kaso o 67% ay mula sa Central Visayas, habang walong kaso o 19% ay mula sa Davao Region. Una nang sinabi ng DOH-11 na naka-detect sila ng 17 hinihinalang kaso ng Chikungunya.


Samantala, ayon sa DOH, 13 kaso ang nai-record mula Abril 24 hanggang Mayo 21. Sa naturang bilang, 10 kaso o 77% ay mula sa Central Visayas, isang kaso sa Davao Region, isa rin sa Calabarzon, at ang natitirang isa ay mula sa National Capital Region (NCR).


“The region with the most number of cases cumulatively and recently was Region VII… However, from May 1-21, 2022, there were only two (2) cases reported in the said region,” pahayag ng DOH sa isang statement.


Sinabi ng DOH na wala namang nai-record na nasawi mula sa mga kasalukuyang kaso ng virus. Una na ring sinabi ng World Health Organization (WHO) na ang isang Chikungunya virus infection ay maaaring magresulta sa lagnat, severe joint pain, muscle pain, joint swelling, sakit ng ulo, nausea, fatigue, at rash.


 
 

ni Lolet Abania | June 8, 2022


ree

Nasa 17 na hinihinalang kaso ng chikungunya, isang virus na naipapasa ng infected na mga lamok sa mga tao, ang na-detect sa Davao City, ayon sa Department of Health (DOH) regional office ngayong Miyerkules.


Sa isang mensahe sa GMA News, sinabi ni DOH-11 Director Dr. Annabelle Yumang na sa 17 suspected cases, tatlo lamang ang kuwalipikado para sa testing at nai-submit na ang kanilang specimen collection noong nakaraang linggo.


“Waiting kami sa result the test,” saad ni Yumang na aniya, wala pang kumpirmadong chikungunya cases sa naturang lungsod.


Ayon kay Yumang, ang laboratory test results ay kanilang mailalabas sa loob ng dalawang linggo mula nang matanggap ito ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).


“Yes, next week na ang result,” dagdag ni Yumang. Batay sa World Health Organization (WHO), “a chikungunya virus infection may result in fever, severe joint pain, muscle pain, joint swelling, headache, nausea, fatigue, and rash.”


“Severe cases and deaths from chikungunya are very rare and are almost always related to other existing health problems,” sabi pa ng WHO. Iginiit naman ni Yumang na ang lahat ng mga hinihinalang kaso ng chikungunya aniya, “have recovered” at wala sa kanila ang naospital dahil lahat sila ay nakaranas lamang ng mild symptoms. Aniya pa, wala rin sa grupo ang buntis.


Sinabi rin ni Yumang na ang mga naging sintomas ng mga pasyente ay lagnat, rash, arthritis, sakit ng ulo, pagsusuka, at dizziness o pagkahilo. Dagdag pa ng opisyal, nagsimula na rin ang DOH ng clustering ng mga suspected chikungunya cases sa Panacan Proper Bunawan Davao City noong Mayo 26.


Pinayuhan naman ng DOH ang publiko sa paglaban sa potensyal na Chikungunya infections, na ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, dapat na ipagpatuloy ang pag-oobserba ng 4S scheme na ikinakampanya ng ahensiya sa paglaban naman sa dengue.


Ang mga ito ani DOH, “Search and destroy breeding places; Secure self-protection; Seek early consultation; and Support fogging or spraying in hotspot areas, especially now during the rainy season.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page