top of page
Search

ni Zel Fernandez | April 27, 2022



Sinuportahan ni Philippine House Committee on Ways and Means Chair Joey Salceda ang paggawad sa pamunuan ng Department of Agriculture (DA) ng police powers upang ganap na magkaroon ng awtoridad sa pagsupil ng smuggling sa bansa.


Batay sa ulat, inatasan ni Salceda ang DA na bumalangkas at magsumite ng pormal na kahilingan upang magawaran ng police powers ang departamento kaugnay ng nagpapatuloy na pagdinig ng Kamara sa isyu ng agricultural smuggling.


Ani Salceda, bumubuo na siya ng draft bill sa pagbuo ng isang Agricultural Trade Intelligence and Investigation Service ng DA tulad sa Bureau of Customs. Sa ganitong paraan aniya, magkakaroon ng kapangyarihan ang DA na magsagawa ng mga imbestigasyon at hulihin ang mga sangkot sa agricultural smuggling.


Giit ng kongresista, sa kabila ng may umiiral na Republic Act No. 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, hindi umano malinaw at tila walang 'ngipin' ang kapangyarihang nakasaad dito para sa pagpapatupad ng batas.


Paliwanag ni Salceda, “It adds another layer of protection from smuggled goods, for our domestic agriculture sector... Similar to how the Commission of Internal Revenue can pursue cases on tax evaders, the Secretary of Agriculture should be able to pursue cases against agricultural smugglers. Agricultural smuggling is a serious, existential threat to local agriculture and food security. We cannot allow some gap in the law to prevent us from fighting the problem.”


 
 

ni Zel Fernandez | April 26, 2022



Tinatayang higit ₱3.27-B na ang inilaki ng kabuuang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dulot ng hagupit ni ‘Agaton’ sa bansa.


Batay sa pinakahuling tala ng Department of Agriculture (DA), pumalo na sa ₱3.27-bilyon ang mga nasalantang pananim, palaisdaan at kabuhayan sa Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen, at Caraga.

Gayundin, aabot na umano sa 73,891 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng nagdaang kalamidad at nasa 90,889 metric tons naman ang naging production loss.


Sa pagtataya ng DA, umabot na sa lawak na 32,689 ektarya ng mga sakahan at bukirin ang nasira ng bagyo. Bukod pa umano rito ang mga nasirang agricultural infrastructures, tulad ng mga makinarya at iba pang kagamitang pambukid.


Gayunman, tiniyak ng DA na mayroong nakahandang ₱723.07 milyong halaga ng tulong na nakalaang ipagkaloob sa mga apektadong magsasaka at mangingisda sa naturang mga rehiyon.





 
 

ni Lolet Abania | March 12, 2022



Nakatakdang makatanggap ng P3,000 fuel subsidy mula sa gobyerno, ang mga magsasaka ng mais at mangingisda lamang, ayon sa Department of Agriculture (DA) ngayong Sabado.


“Pawang corn farmers at mangingisda ang nasa listahan ng 162,000 na makatatanggap ng subsidy,” pahayag ni DA Undersecretary Kristine Evangelista sa isang interview.


Nilinaw naman ni Evangelista na kahit na wala sa listahan ang mga rice farmers, suportado naman sila ng isa pang cash grant program na Rice Farmer Financial Assistance (RFFA), kung saan makatatanggap sila ng P5,000 cash aid.


“Now, we are looking into corn farmers para sila naman ang mabigyan,” sabi ng opisyal. Gayundin, ang mga magsasaka ng gulay at high-value crops ay hindi nakasama sa listahan ng mga benepisyaryo para sa fuel subsidy.


Ayon kay Evangelista, tinutulungan sila ng DA sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga trak sa mga farmer cooperatives. Matatandaang ang DA ay naglaan ng budget na P500 milyon para makapagbigay ng assistance sa pamamagitan ng fuel discounts sa mga magsasaka at mangingisda, kung saan alinman sa kanila ay nagmamay-ari ng sarili at nag-o-operate ng agricultural at fishery machinery o nag-o-operate sa pamamagitan ng isang organisasyon ng mga magsasaka o kooperatiba.


Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, nakikipagtulungan na ang kagawaran sa Development Bank of the Philippines (DBP) para sa distribusyon ng mga cards na gagamitin ng mga benepisyaryo sa mga susunod na araw.


Aabot sa tinatayang 160,000 na magsasaka at mangingisda ang makatatanggap ng P3,000 fuel subsidy bawat isa mula sa pamahalaan, ito ay para makabawas sa epekto ng sunud-sunod na taas-presyo sa gas sa kanilang pamumuhay.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page