top of page
Search

ni Lolet Abania | October 11, 2021



Tumaas ng 700% ang mga kaso ng dengue sa Baguio City, batay sa report ngayong Lunes.


Ayon sa City Health Services Office ng lungsod, mahigit sa 1,000 dengue cases ang kanilang nai-record mula Enero hanggang Oktubre 4, 2021, mas mataas ito kumpara sa mahigit 100 na nai-record sa parehong panahon noong nakaraang taon.


Base pa sa ulat, 10 indibidwal ang namatay sa siyudad dahil sa dengue ngayong taon.


Hinimok naman ng mga health officers ang mga residente ng Baguio City na panatilihin ang kalinisan sa paligid at alisin ang mga bagay na posibleng maging breeding ground ng mga lamok na may dalang dengue.

 
 

ni Lolet Abania | August 9, 2021



Nagpakalat ng mga palakang bukid bilang pangontra sa mga lamok na may dalang dengue ang isang barangay sa Quezon City.


Ayon kay Barangay Bagong Balara Chairman Allan Franza, nasa tinatayang 1,000 palakang bukid ang kanilang pinakawalan na nanggaling pa umano sa Baras, Rizal.


Ang mga palaka ay ikinalat nila sa mga creek o sapa na nasasakop ng kanilang barangay.


Sinabi pa ni Franza na ginagawa nila ang pagpapakawala ng mga palakang bukid taun-taon, bilang panlaban sa mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue, kung saan aniya, sinimulan nila ang naturang programa noong 2018.


Binanggit din ng chairman na bago pa umano nila inumpisahan ang pagpapakawala ng mga palakang bukid ay mataas ang dengue cases sa kanilang barangay.


Naniniwala si Franza na malaking tulong ang hakbang na ito dahil ang pangunahing pagkain ng mga palaka ay mga lamok.


 
 

ni Lolet Abania | June 17, 2021



Patuloy na bumababa ang bilang ng mga kaso at naitalang namatay dahil sa dengue sa buong Pilipinas sa nakalipas na apat na buwan ng 2021, ayon sa Department of Health (DOH).


Sa pahayag ni Dr. Ailene Espiritu ng DOH Disease Prevention and Control Bureau, mayroong 21,478 cases at 80 namatay na may kaugnayan sa dengue ang nai-report mula January 1 hanggang April 17, 2021.


Ang bilang na ito ay mahigit sa 50% na ibinaba kaysa sa 49,135 cases at 179 nasawi na nai-record sa parehong panahon noong 2020. May kabuuang 83,335 dengue infections at 324 namatay ang naitala noong nakaraang taon kung saan 81% mas mababa kumpara sa 437,563 kaso at 1,689 nasawi noong 2019 nang ideklara ang national dengue pandemic.


“We remain hopeful that the decrease in cases will continue and of course this must be partnered with an integrated vector control management and other prevention activities,” ani Espiritu sa isang online forum.


Aniya pa, ang pagbaba ng kaso ng dengue ay dahil sa “4S” strategy o “search and destroy mosquito breeding sites, self-protection, seek early consultation, and support fogging or spraying only in hotspot areas.”


Ipinunto rin ni Espiritu na ang ipinatupad na mga lockdowns at palagiang paghuhugas at paglilinis ng katawan para maiwasan ang COVID-19, ang nakatulong nang malaki sa pagbaba ng dengue infections.


Gayunman, ipinaalala niyang nagsisimula pa lamang ang tag-ulan ngayong buwan kaya kailangan pa rin ang pag-iingat. “Wala tayong masyadong ulan nu’ng January to April so baka kaya wala pa po tayong kaso.


Ngayon po na paparating na po ang tag-ulan, kailangang bantayan na natin ang ating kapaligiran para hindi po dumami ang ating mga lamok,” ani Espiritu.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page