top of page
Search

ni Lolet Abania | July 23, 2021



Hindi nabakunahan laban sa COVID-19 ang 18 mula sa kabuuang 47 cases ng mas nakahahawang sakit na Delta variant ng coronavirus.


Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, 2 sa ibang tinamaan ng Delta variant ay mga fully vaccinated, 4 ang nakatanggap ng isang dose ng COVID-19 vaccine, habang ang vaccination status ng natitirang 23 cases ay bineberipika pa.


Sa kabuuang 47 kaso ng Delta variant, 36 ang nakarekober na, 3 ang nasawi at 8 ang nananatiling aktibo subalit sila ay mga asymptomatic.


Gayunman, hindi tinukoy ng DOH kung sino sa nasawi, nakarekober at actives cases ang nabakunahan na kontra-COVID-19.


Samantala, sinabi ni Vergeire na 24 kaso ng Delta variant ay mga returning overseas Filipinos (ROFs), 22 ay local cases, habang bineberipika pa ng DOH kung ang isang kaso ay local o ROF.


Pitong pasyente naman ay mula sa Metro Manila, kabilang ang Manila, Pasig, at Taguig.


Anim sa ibang Delta variant cases ay naitala sa Region 6; 2 sa Region 4A; 2 sa Region 6; habang 6 sa Region 10.


Sa kabuuang Delta variant cases, 32 o 76% ay mga lalaki, kung saan ang mga pasyente ay 14-anyos hanggang 79 taong gulang.


Ayon pa kay Vergeire ang 12 bagong local cases na nai-report kahapon ay isasailalim sa isang reassessment.


“That’s our protocol, actually. When we detect this variant, ang ginagawa po natin, binabalikan po natin ‘yung mga individuals… at atin po silang nire-retest and then we quarantine them until we can get their results,” ani Vergeire sa isang briefing ngayong Biyernes.


Binanggit din ng kalihim na nakitaan na ng pagdami ng COVID-19 cases na infected ng mas nakahahawang Delta variant ang Northern Mindanao at ang lalawigan ng Antique.


“Nakita na po natin ‘yung cluster of infection sa Northern Mindanao, nakita po natin na ito ay family cluster. Nakita rin po natin na merong cluster of infection dito sa Antique,” sabi ni Vergeire.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 23, 2021



Isinama na sa ipinatutupad na travel ban ang Malaysia at Thailand dahil sa banta ng COVID-19 Delta variant, ayon kay Presidential Spokesperon Harry Roque.


Saad ni Roque, “Inaprubahan po ng ating presidente na ang lahat po ng mga biyahero na galing sa Malaysia or Thailand or mayroong history of travel sa Malaysia o Thailand sa nakalipas na 14 days ay hindi po puwedeng papasukin ng Pilipinas. Ito po ay magsisimula nang 12:01 AM of July 25 hanggang 11:59 PM ng July 31.”


Ang mga biyaherong naka-transit na o papunta na sa bansa bago pa ang 12:01 AM ng July 25 ay maaari pang makapasok sa Pilipinas “Subject to full 14-days facility quarantine notwithstanding po kung negatibo ang kanilang Reverse Transcription - Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) result," ayon kay Roque.


Samantala, una nang nagpatupad ang Pilipinas ng travel ban sa India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, Oman, at Indonesia dahil sa mataas na kaso ng COVID-19 Delta variant.


 
 

ni Lolet Abania | July 22, 2021



Umabot na sa kabuuang 47 ang tinamaan ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 matapos na ma-detect ang 12 local cases nito, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Huwebes.


Batay sa datos ng DOH, kabilang sa 12 local cases, 3 dito ay mula sa Metro Manila, 6 sa Region 3, 2 mula sa Calabarzon, at 1 sa Region 5.


“All cases have been tagged as recovered but their outcomes are being validated by our regional and local health offices,” ayon sa isang statement ng DOH.


“Enhanced response is needed in areas where new Delta variant cases were detected as well as in other areas seeing an uptick in infections, with the premise that there may be ongoing local transmission already,” dagdag ng ahensiya.


Iminungkahi rin ng DOH sa mga local authorities na dagdagan ang bilang ng mga samples na ipinadadala para sa genome sequencing, lalo na sa mga lugar na nakapagtala ng pagtaas o dumaraming kaso ng infections.


Gayunman, sinabi ng DOH na sa 47 kaso ng Delta variant, 36 dito ang nakarekober na, 3 ang nasawi habang walo ang nananatiling active case.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page