top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-28 Araw ng Abril, 2024





KINABAHAN si Via sa sinabi ng kanyang ama. Kung hindi kasi siya nagkakamali, matinding galit ang nararamdaman nito ngayon. Nanlilisik ang mga mata nito na para bang gusto siyang sunugin ng buhay. 


“Ibig kong sabihin, sinaktan na niya ang kalooban mo, hindi ko na hahayaan na masaktan ka pa niya. Narito naman ako, tutulungan kita para buhayin ang apo ko,” mariin nitong sabi na para bang napaka-simple lang ng sinasabi nito. 


“Kahit gustuhin kong bumalik sa kanya, hindi ko magagawa. Paano kung sila na talaga ni Mariz?”


“Eh ‘di very good.”


Kumunot ang noo niya sa isinagot nito sa kanya. Para kasing may laman ang bawat katagang binibitawan nito. 


“Makakahanap ka pa naman ng ibang magmamahal sa iyo. Gaya na lamang ni Jake,” wika nito pagkaraan. 


“Hinding-hindi ko siya papatulan,” buong diing sabi niya. 


“Ang sakit naman nu’n,” wika ng isang tinig na galing sa kanyang likuran. 


Malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan nang makita niya si Jake, at agad na kumulo ang kanyang dugo. 


“Pero, mas masakit pa rin ito.”


Kumunot ang noo niya sa sinabi ni Jake. Para kasing masaya ito sa kung ano’ng nalaman. Lalong nagsalubong ang kilay ni Via nang ilabas nito ang cellphone at sabay play ng recording. 


“Sawa na ako kay Via kaya puwede mo na siyang makuha!”


Awtomatikong tumulo ang luha ni Via, dahil hindi siya maaaring magkamali kung sino ang nagsalita. Ito ay si Nhel na kanyang asawa. 


Nakagat niya ang kanyang pang ibabang labi dahil sa sakit na kanyang naramdaman.


Gusto na sana niyang humagulgol, ngunit nahihiya siya. Ayaw niyang ipakita kina Jake at sa kanyang ama ang sakit na kanyang nararamdaman. Pakiwari niya kasi ay nilalapirot ang kanyang puso. 


So, ibig sabihin, tama lang ang kanyang naging desisyon na hindi ipaalam kay Nhel ang katotohanan?



Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-27 Araw ng Abril, 2024





MATAGAL ding pinangarap ni Via na magkaroon sila ng bonding ng kanyang tunay na ama. Pero, wala siya maramdaman na kasiyahan ngayon, at para bang hungkag na hungkag ang kanyang puso. 


Isang malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan dahil napagtanto na niya ang dahilan, ‘yun ay dahil kay Nhel, muli na naman kasi niyang naalala ang kanyang asawa. 


“Hindi mo na ba ako kayang patawarin?” Malungkot na tanong ng kanyang ama. 


Hindi man sila nagkasama ng matagal na panahon, para pa ring nilamutak ang kanyang puso dahil sa sakit na naaaninag niya sa boses nito. 


“Ho?”


“Naalala mo na naman ba ‘yung asawa mo?” Tanong nito sa kanya pagkaraan. 


“Mahal ko siya.”


“Pero, bakit mo siya iniwan?”


“Eh, hindi niya naman ako mahal,” matabang niyang sabi kaya bigla siyang napapiyok. 


“Paano ka nakakasiguro? Hindi mo ba nararamdaman ang pagmamahal niya sa iyo kahit kaunti?” Tanong nito. 


Hindi niya magawang sagutin ang tanong ng kanyang ama dahil alam niya sa sarili na ‘di nagkulang si Nhel upang ipinaramdam iyon.


“Ang dahilan kaya niya ako pinakasalan ay para makapaghiganti siya,” matabang niyang sabi. 


“Siya nga pala ang tunay na ama ni Pedro Pedral.” Wala sa loob nitong sabi pagkaraan. 


Bigla siyang natigilan nang makita niyang nagbago ang hitsura nito. Naningkit ang mga mata nito na para bang binalot ng pagkamuhi ang puso. 


“Oho,” sabi niya pagkaraan ng ilang sandali. 


“Mas maigi pang huwag mo na siyang balikan.”


‘Yun naman talaga ang gagawin niya, pero hirap na hirap siyang panindigan ito.

“Parang hindi ko na ho kaya.”


Naningkit ang mga mata nito pagkaraan at sabay sabing, “At sa palagay mo ba pahihintulutan kita?” Mabalasik na tanong nito.



Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-26 Araw ng Abril, 2024





Alam na alam ni Jake kung ano ang sasabihin ni Nhel, kaya nakaramdam siya ng kasiyahan nang umayon ito sa kanyang kagustuhan. 


Kahit hindi sila magkaibigan, alam niya kapag nade-deny lang ito, at iyon nga ang nangyari. Kung malalaman ni Nhel na may ibang nagugustuhan si Via, talaga ngang mas gugustuhin nitong ipagkaila ang kanyang nararamdaman. 


Mahal niya si Via, pero mas gusto niyang itago ang kanyang nararamdaman kesa na mapahiya. 


“Kung ganu’n, akin na siya?”


“Iyung-iyo.”


Kumunot ang noo niya, at sabay hirit na, “Bibigyan kita ng ilang araw–,”


Hindi ko na kailangan ang ilang araw upang makapag-isip. Gawin mo na kung ano’ng gusto mo ngayon. Sa iyo na si Via.”


“Ang sakit naman niyan para kay Via.”


“Umalis ka na. Wala ka nang mapapala sa akin.”


Ikinabigla niya ang reaksyon at sinabi ni Nhel. Kung umasta ito ay parang wala siyang pakialam sa kanyang asawa. Kunsabagay, wala naman sa bokabularyo niya ang magmahal.


Ipinilig niya ang kanyang ulo para itaboy sa kanyang isipan na nagkakaila lang ito. Kunsabagay, hindi man niya nakita ang gusto niyang reaksyon sa mata ni Nhel, magagamit niya iyon upang mapatunayan kay Via ang kanyang sinasabi. 


“Ipaparating ko sa kanya ang lahat ng sinabi mo.”


“Eh ‘di iparating mo,” naghahamon pa nitong sagot. 


“Okey,” wika niya sabay labas sa office ni Nhel. 


Alam niyang madaming nakasunod sa kanya, pero nakakasiguro siya na hindi ito makakasunod sa kanya, dahil may iba siyang pinaplanong gawin. Sa rooftop siya dumaan ngayon, na kung saan naroon ang helicopter na sasakyan niya para hindi siya masundan ng mga tauhan ni Nhel Zamora.



Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page