top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 11, 2024




Makalipas ang ilang araw, pakiramdam ni Via ay mag-asawa na talaga sila ni Nhel.


Sobra rin naman kasi kung mag-asikaso si Nhel sa kanya, talagang tinututukan siya nito,  pakiramdam tuloy niya ay mahal na mahal siya nito. Hanggang sa napagtanto niya na baka iyon talaga ang dahilan kaya hiningi siya kay Tatay Pedro bilang kabayaran sa utang. 


Hindi pa niya alam ang katotohanan pero naisip niyang baka na-love at first sight ito sa kanya. Marahil natakot lang itong mabasted kaya dinaan na lang nito sa mga utang. 


“Mas mabubusog ka kung kakainin mo na ‘yang mga pagkain na nasa harap mo,” nakangiting sabi ni Nhel. 


Bigla tuloy siyang natauhan. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin siya makapaniwala na may lalaking nag-aasikaso sa kanya. Nasanay kasi siya, na siya ang laging umiintindi sa sitwasyon.


“Okey. Salamat ha.”


Ngiti naman ang ginawang tugon ni Nhel, para tuloy siyang ice cream na matutunaw sa ngiti nito na ubod ng tamis, at doon niya rin napagtanto na napakaguwapo pala ng kanyang kabiyak. 


“Welcome,” sabi pa nito. 


Ayaw niyang matukso ni Nhel na laging nakatitig dito kaya ibinaling muna niya ang atensyon sa pagkain. 


“Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala,” 


“Na may asawa ka na?”


“Na may isang lalaki na magmamahal sa akin ng ganito,” nakangiting sabi niya. 


Hindi niya alam kung bakit biglang naglaho ang ngiti ni Nhel na para bang hindi nito nagustuhan ang kanyang sinabi. 



Itutuloy…

 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 10, 2024




“Oo, nagseselos ako.”


Nawala ang ngiti ni Via sa kanyang labi dahil hindi niya inakala na sasabihin ni Nhel ang mga salitang iyon. 


“Ha? Bakit ka naman nagseselos?” 


“Asawa kita eh.”


“Okey,” matamlay niyang sabi. Iba kasi ang sagot na kanyang inaasahan. 

“Kaya gusto ko, akin lang ang pag-ibig mo.”


“Baka naman iba ang rason kaya ayaw mo akong i-share sa iba?”


“At ano pa ang magiging rason?” 


“Ang init na ibinibigay ko,” Nagmamalaking niyang sabi. 


Ayaw niyang ipahalata rito na naaapektuhan din siya ng kanyang sinasabi. Nag-flashback din kasi sa kanyang isipan ang mga nangyari sa kanila. Sa palagay niya tuloy ay hindi rin niya gugustuhin na makita itong may kasamang ibang babae at baka masabunutan pa niya ang babaeng makikita niyang kasama nito. 


“Tama ka riyan.”


“Mahal mo lang ako dahil sa init?” Mariing tanong nito. 


Dapat bang mahalin kita kahit hindi ako nag-iinit?” Tanong nito sa kanya. 


Noong oras na ‘yun, ibig ni Via magpakain na lamang sa kanyang kinatatayuan. Para tuloy siyang sinampal ng mga sandaling iyon.  “Sinungaling.”


“Totoo naman.”


“Hindi totoo ‘yan. O basta lagi kitang bibigyan ng init.” Pilyang sabi niya sabay iwas ng tingin. Nakaramdam tuloy siya ng init. Pakiramdam nga niya ay inilagay siya nito sa oven. 


“Prove it!” Mapaghamong sabi nito.


Itutuloy…

 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 9, 2024




Hindi makapaniwala si Nhel na magagawa niyang maging sunud-sunuran sa gusto ni Via. Isang malaking kalokohan na pumayag siyang ligawan at haranahin ito.


Nakita kasi ni Via ang gitara na nasa sulok ng kanilang silid. Kahit na marunong naman talaga kumanta si Nhel, hindi siya ang tipo ng tao na pagbibigyan anumang i-request sa kanya. Pakiwari niya tuloy ay hindi na siya makakapaghiganti.


Ngunit, maya-maya kinontra rin niya ang sinasabi ng kanyang utak, “Mas magiging masakit ang paghihiganti mo kung makukuha mo ang kanyang loob”. 


Kaya naman habang inaawit niya ang kantang may pamagat na “Ikaw lamang” ay diretso siyang nakatingin sa mga mata nito. Ibig kasi niyang makita nito ang kanyang katapatan o mas maiging sabihing kasinungalingan. Hindi naman kasi niya masasabi na totoo ang nararamdaman niya rito dahil hindi rin naman siya tunay na umiibig, para sa kanya, isang malaking kalokohan lamang iyon.


Napakaimposible kung iisipin niyang mahal niya si Via, samantalang ilang araw pa lang niya itong nakakasama. 


Napabuntong hininga siya nang maisip niyang bago sila magkita ay may paghanga na siyang naramdaman dito.


“Pagnanasa,” mariin niyang sabi sa sarili.


“Ang ganda ng boses mo, daig mo pa si Christian Bautista!”


“Hindi ko kailangan makarinig ng pangalan ng ibang lalaki,” inis niyang sabi. 


Tunay ngang nakaramdam siya ng matinding galit dahil nakuha pa nitong sabihin ang pangalan ng kanyang ex. Kahit hindi tuloy siya nakaharap sa salamin, tiyak niyang ang pula-pula ng kanyang mukha.


“Para tuloy gusto kong isipin na nagseselos ka.”


“Ba’t ako magseselos sa ex mo? Don’t tell me, hanggang ngayon may something pa rin sa inyo?”


“Hindi ko ex si Christian Bautista. Siya ang isa sa naging singer ng kinanta mo!” Nakangising sabi nito na para bang tuwang-tuwa.


Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page