top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 19, 2024




Hindi alam ni Via kung saan nagpunta si Nhel at labis na ang kanyang pag-aalala dahil gabi na, pero ‘di pa rin ito nakakauwi.


Mga katulong lang ang kanyang kasama. Ibig sana niyang makipagkuwentuhan sa mga ito, pero pilit nilang iniiwasan si Via. 


“Nasaan ba si Nhel?” Hindi nakatiis niyang tanong. 


“Wala kaming ideya.”


“Hindi man lang niya ako naisip,”


“Hindi totoo ‘yan,” madiing sabi nito. 


Bigla siyang nanigas nang marinig niya ang boses ni Nhel. Hindi niya tuloy ito magawang lingunin at gusto na lamang niyang lumubog sa kanyang kinalalagyan. 


“Alis ka nang alis!”


“May nilakad lang akong mahalaga.”


“Bakit hindi ba ako mahalaga?”


Bigla namang humagalpak ng tawa si Nhel.


“Naiisip mo rin ba ako?” Hindi niya napigilang itanong. 


“Ofcourse.”


Ilang ulit siyang napalunok sa labis na kasiyahan. Ngunit, wala siyang lakas na loob para magtatatalon. 


“Asawa kita, kaya walang ibang nasa isip ko kundi ikaw lang.”


Napurnada ang kilig na kanyang naramdaman nang maalala niya ang mga ginagawa nito. 


“Ayokong maniwala,” nahagilap pa niyang sabi. 


“Wala ka bang tiwala sa sarili mo? Kung may tiwala ka sa sarili mo, hindi mo iisipin na may ibang babae pa akong nagugustuhan dahil ikaw lang, sapat na.”


“Masyado ka lang bolero.”


“Hindi totoo ‘yan.” 


“Hindi ko alam kung maniniwala ako sa iyo. Hindi dahil sa wala akong tiwala sa sarili ko.”


Marahas na buntong hininga ang pinawalan nito bago angkinin ni Nhel ang kanyang labi. Napakapit tuloy siya sa batok nito at ‘di rin niya nais na matapos ito.


Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 17, 2024




Hindi makapaniwala si Via na magagawa siyang ligawan ni Nhel, tulad ng isang probinsyanong umaakyat ng ligaw. Bigla tuloy naglaho ang tampo na kanyang nararamdaman nang sumilip siya sa bintana, naroon kasi si Nhel at hinaharana siya.


Ang awit na kinanta ni Nhel ay ang ‘Pangarap ko ang ibigin ka,’ kaya hindi niya napigilan ang mapangiti. Hindi niya lubos akalain na magka-timbre pala sila ng boses ng isang sikat na singer na si Erik Santos. Hindi tuloy niya mapigilan ang mapasinghap. Paano ba naman niya hindi mararamdaman iyon eh, damang-dama niya ang bawat lyrics nito.


“Para sa iyo?” Tanong niya sa sarili, sabay tutop sa tapat ng kanyang dibdib. Pakiramdam kasi niya ay bumilis ang tibok ng kanyang puso. 


“Ang ganda naman ng boses ng asawa ko,” hindi niya napigilang sabihin. 


Nilambingan pa niya ang kanyang boses. Kahit na nililigawan si Nhel, hindi pa rin siya kumbinsido na mahal talaga siya nito dahil may nagsasabi sa kanyang isip na ginagamit lang siya nito para makapaghiganti.Agad namang umakyat si Nhel sa bintana, kahit na sa tingin niya ay kayang-kaya naman iyon ng kanyang asawa, iniabot pa rin ni Via ang kanyang kamay para tulungan itong makaakyat.


“Ang sweet mo naman.”


“Ayoko kasing mahulog ka.”


Marahang tawa naman ang ginawang tugon ni Nhel. 


“Bakit ka natatawa?”


“Para kasing napakaimposible. Kaya kong tumalon kahit ilang palapag pa ang taas.”


Si Via naman ang napahagikgik. Tiyak kasi niyang niyayabangan lang siya ni Nhel, pero siyempre hindi na niya binara pa ito. Baka kasi kapag kinontra niya pa ito ay madagdagan pa ang inis nito sa kanya.


Kahit asawa na siya nito, hindi pa rin siya nakakasiguro kung mahal ba siya nito. 


Ayaw niya rin paasahin ang kanyang sarili, mas maiging tanggapin na lang niya na paghihiganti lamang ang gusto ni Nhel sa kanya. Nais lang talaga isipin ni Via ngayon na mahal na mahal siya ng kanyang asawa. Pero, hindi siya utu-uto para paniwalaan ang ginagawang effort ng kanyang asawa.


“Kaya nainlab ako sayo, eh! ” Sarkastikong sabi niya.



Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 16, 2024




“Kung ayaw mong masaktan, huwag mo siyang mahalin!” Buong diing sabi ni Via sa kanyang sarili. 


Nakakasiguro kasi siya na sa bandang huli, magiging kawawa lang siya at aware siyang hindi pagmamahal ang dahilan kaya nakakapiling niya ngayon si Nhel.


Dati pa man ay nakakaramdam na siya ng inggit, kapag nakakakita siya ng mga batang mayroong kumpletong pamilya. Kaya mula nang mag-asawa ang kanyang ina, hindi niya naitago ang sobrang kagalakan na sa wakas ay mayroon na siyang tagapagtanggol.


Ngunit, biglang nagbago ang sitwasyon mula nang mawala ang kanyang ina. 


Mahal na mahal ni Pedro ang ina ni Via, kaya nang mawala ito, para bang dumilim din ang kanyang buhay.


At ngayong mayroon ng asawa si Via, kahit hindi man sabihin sa kanya ni Nhel, alam niyang wala siyang maaasahang pag-ibig dito. Ipinilig niya ang kanyang ulo dahil gusto sana niya iyong itaktak sa kanyang isipan.


“Hindi ka ba naniniwala sa akin?” Maang nitong tanong sa kanya.


“Mabuti ng aware ka.”


“Kung hindi mo ako paniniwalaan, tiyak mas masasaktan ka.”


“Mas maiging sampalin mo ako ng katotohanan, kesa suyuin ng kalokohan.”


“Ang tigas din ng ulo mo.” mariing sabi nito sa kanya. 


“Kamusta ka na?”


“Humina ang pandinig ko,” wika niya kahit iba naman ang gustong sabihin ng kanyang utak. 


“Well, hindi ko na nga pala kailangan tanungin ka dahil alam ko na rin naman ang totoo.”


Buong kayabangang sabi niya kahit ang bigat ng kanyang damdamin.


“May gusto akong ipagawa sa iyo,” 


“Ano?”


“Paghirapan mo ako.”


“Ano?”


“Ligawan mo ako at gusto kong mahulog ang loob ko sa iyo,” wika niyang kinikilig.

Marahang tawa naman ang ginawang tugon ni Nhel.


“Seryoso ako.”


“Basta wala kang ibang iibigin kundi ako lang? Game?” Sagot naman nito sa kanya.



Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page