top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-3 Araw ng Abril, 2024




“Hindi nga ako mahal ni Nhel,” sabi ni Via sa kanyang sarili. 


Kung tunay kasi ang pagmamahal nito sa kanya, dapat sana ay pinupuntahan na siya nito sa kanilang tahanan. 24 hours na rin itong hindi nagpapakita o nagpaparamdam man lang.


Umaasa pa rin si Via sa pagmamahal ni Nhel, ngunit kumukontra ang kanyang utak. Sabi pa nito, “Kung pinapahalagahan ka ng lalaking natutunan mong mahalin, dapat sana ay kasama mo na siya ngayon.” 


Kumirot lalo ang puso niya na para bang pinipiga. Naisip niya rin kasi na baka kasama na ni Nhel ang babaeng kanyang pinagseselosan, at ‘yun ay walang iba kundi si Mariz.


Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Talaga kasing parang may maliit na tao sa kanyang loob na nagsasabing kung hindi lang siya pumasok sa eksena, baka nagkatuluyan na sina Mariz at Nhel. Isang malakas na pagsinghap ang kanyang pinawalan na kung totoong peke ang kanilang kasal, ibig sabihin, maaari pa rin silang maikasal. 


“Ramdam na ramdam ko ang galit niya.”


Sa puntong iyon, napatingin siya sa kanyang Tatay Pedro.


“Kailan?”


“Noong araw na kunin ka niya “


Hindi pa man niya napapakinggan si Nhel, durog na durog na ang kanyang puso. Tiyak naman kasi niyang mas masasaktan lang siya kapag nalaman niya ang katotohanan kaya mas maigi pang paganahin na lang niya ang kanyang utak.


Kung nagtanim nga ng sama ng loob si Nhel sa ama nito, natural lang na gawin nito ang lahat para makapaghiganti. Nasaktan na naman siya sa kaisipang peke ang pagnanasa sa kanya ni Nhel.


“So, tunay nga na pinaglaruan niya lang ako?”


“Anak…”


“Si Nhel ang tunay mong anak.”


“Pero, anak din kita.”


“Hindi mo naman ako kadugo.”


“Kahit kailan ‘di ko naisip ‘yan. Mula nang maging asawa ko ang nanay mo, itinuring na rin kita bilang isang tunay na anak.”


Mas lalong bumigat ang kanyang dibdib. Ibig kasing sabihin noon, may karapatan talagang magalit si Nhel sa kanila.

Itutuloy…


 

 

 


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-2 Araw ng Abril, 2024




Kahit ano’ng awat ang gawin ni Nhel, hindi niya pa rin magawang pigilan si Via na umalis sa kanyang poder. Gayunman, hindi ibig sabihin nu’n ay pinapakawalan na niya ito.


“Akin ka lang,” gusto sana niyang ibulalas ngunit hindi siya nakakasiguro kung ikatutuwa o ikagagalit iyon ng kanyang asawa. Unang kita pa lang niya sa picture ni Via, may kakaiba na siyang naramdaman. Para ngang agad niyang nakalimutan kung ano ang papel nito sa buhay ng kanyang ama.


“Mabuti naman at dumating ka na,” wika ni Pedro nang dumating si Via. 


Hindi man ito ang kanyang tunay na anak, sila pa rin ang higit na may pinagsamahan.


Ipinilig niya ang kanyang ulo. Nakakasiguro kasi siya na hindi lang iyon ang tunay na rason. Ang totoo ay sobra siyang nakokonsensya dahil nadadamay pa si Via. Tama naman si Nhel, si Via ang kahinaan ni Pedro. Paanong hindi siya makokonsensya, sobra na ang pagsasakripisyong ginagawa ni Via. Kung hindi naman kasi siya nagsugal nang nagsugal, paniguradong hindi mapapahamak si Via.


“Ano’ng nangyari?” Gilalas niyang tanong.


Kahit hindi sigurado si  Via, awtomatiko ang kanyang pagluha paano ba naman kasi ang bilis pumayag ni Nhel na umuwi sa kanila na para bang wala itong pakialam sa kanya.


“Galit siya sa akin, kaya ikaw ang pinaghihigantihan niya.” Sambit ni Pedro

“Bakit mo kasi siya pinabayaan?”


“Hindi ko alam na nabuntis ko si Marie. At isa pa, ayaw sa akin ng kanyang pamilya.” Mahinang sabi ni Tatay Pedro


“Sa katunayan, nakipaghiwalay si Marie sa harapan mismo ng kanyang pamilya.” Dagdag pa nito.


Muli na namang napamura si Pedro. Para kasing dinudurog ang kanyang puso. Muli na namang nanumbalik ang sakit na kanyang nararamdaman noon na pilit niyang kinakalimutan. 


Itutuloy… 

 

 

 

 


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-1 Araw ng Abril, 2024




“Tunay ang kasal namin!” buong diing sabi ni Nhel. 


Wala na siyang pakialam kung mapahiya siya sa kanyang ex-fiancée, ang importante sa kanya ay  huwag lang masaktan si Via. 


“Bakit nga ba ayaw mong masaktan si Via?” Naghahamon niyang tanong sa sarili. Ipinilig niya ang kanyang ulo sa kaisipang mahal na niya ito dahil hindi iyon ang nararamdaman niya rito, kundi guilt. Tiyak niya kasing mahal na mahal na siya nito.


“Hindi ‘yan ang sinabi mo sa akin,” gulat na sabi ni Mariz. 


Nanlaki ang mata nito na para bang hindi malaman kung sasakyan lang ba niya ang sinasabi ni Nhel o maniniwala na lang ito. 


“Nagsinungaling ako.” 


Nang sabihin niya ang mga salitang iyon, diretso pa siyang tumingin sa mga mata nito. 


“Alam ba niya na parte lang siya ng paghihiganti mo?” Buwisit nitong tanong sa kanya. 


“Shut up!” Galit na sagot ni Nhel. 


Ngunit hindi tumigil si Mariz sa pagsasalita. “Ang rason lang naman kaya ka niya pinakasalan ay para saktan ang ama niya na kinilala mo ring ama,” nakangisi pang sabi nito. 


Umiinit na ang ulo niya kay Mariz kaya hindi na niya napigilan ang singhalan ito, “Tumigil ka na!” 


Nakita ni Nhel na labis na nasaktan si Via. Pakiwari niya ay may punyal na ibinato rito kaya sobrang sakit ng ekspresyon ni Via. 


“Totoo ba?” 


“No,” wika niya. 


Sanay naman siyang magsinungaling kaya mabilis niyang nasabi ang mga katagang iyon. Pagkaraan, gusto niyang yakapin si Via dahil gusto niyang iparamdam dito na hindi niya ito iiwanan kahit kailan. Ngunit, tinulak siya nito. 


“Nagsisinungaling ka lang sa akin,” wika nito. 


“No,” wika niya, pero mahina ang kanyang boses. 


“Kaya ba ayaw mong magpunta kay Tatay Pedro dahil ginagamit mo lang ako para pasakitan siya?” Wika nito sabay agos ng luha. 


“Via…” wika ni Nhel. 


Ngunit, biglang hinubad ni Via ang kanilang wedding ring at iniabot kay Nhel. 


Mahal kita. Mahal na mahal, ngunit hindi ‘ko hahayaan na gamitin mo ako, para lamang saktan ang Tatay Pedro ko,” madiing sabi nito.


Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page