top of page
Search

ni Angela Fernando - Trainee @News | February 16, 2024



ree

Tapos na ang pamamahagi ng United States Marine Corps ng mga relief goods sa mga naapektuhan ng kalamidad sa Davao de Oro.


Ito ay bahagi ng kanilang humanitarian and disaster relief operations ng kasundaluhan sa mga Pinoy na apektado.


Nakumpletong ihatid sa nasabing lalawigan ang umaabot sa 15 libong family food packs gamit ang dalawang KC-130J na "Super Hercules".


Nagpahayag naman si AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad na nagbigay-pag-asa at malakas na suporta ang presensiya ng allied forces ng ating bansa para sa mga naapektuhan ng nakamamatay na landslide.


Kaugnay nito, nagpasalamat naman si AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr. sa US dahil sa tulong na ibinigay sa Mindanao.


Binigyang-diin din ni Brawner Jr. sa kanyang pahayag ang importansya ng assistance and disaster relief equipment, mga relief goods at suplay sa Enhanced Defense Cooperation Agreement sites sa 'Pinas higit sa oras ng kalamidad.

 
 

ni Lolet Abania | April 8, 2022


ree

Idineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Davao de Oro, ang probinsiya sa state of calamity ngayong Biyernes dahil sa idinulot na pinsala sa agrikultura at ari-arian sanhi ng low pressure area (LPA).


Sa inilabas na Resolution No. 1813-2022, ang Sangguniang Panlalawigan ay nagdeklara ng state of calamity para mapabilis ang paghahatid ng mga serbisyo sa mga apektadong komunidad.


Base sa initial assessment ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council’s Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (PDRRMC-RDANA) ay nakasaad, “the LPA ‘severely damaged’ houses, infrastructure, livelihoods, crops, agricultural products, and power lines within the province.”


Wala namang ibinigay ang resolusyon na pagtaya sa halaga ng pinsala na idinulot ng weather disturbance. Ayon sa 24-oras na weather forecast ng PAGASA ngayong Biyernes, magdudulot ang LPA at intertropical convergence zone (ITCZ) ng maulap na papawirin, kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa buong bahagi ng bansa.


Bandang alas-3:00 ng hapon, namataan ang LPA na nasa layong 185 kilometers east northeast ng Surigao City. Sinabi ng PAGASA na mino-monitor na rin nila ang isa pang tropical storm sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), kung saan huling namataan sa layong 2,215 kilometers east ng Mindanao.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 17, 2022


ree

Binaha ang ilang lugar sa bayan ng Mawab at Nabunturan sa Davao de Oro nitong Linggo ng umaga.


Dahil sa patuloy na pag-ulan at pagtaas sa lebel ng tubig baha, isinagawa ang pre-emptive evacuation sa Barangay Basak at Bukal sa Nabunturan.


Inilikas din ng lokal na pamahalaan ang mga nakatira sa mga flood at landslide-prone area.


Aabot sa 166 na pamilya mula sa 5 barangay sa Nabunturan ang inilikas ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).


Nagsagawa rin ang preemptive evacuation sa ilang barangay sa bayan ng Mawab dahil sa baha.


Nagkaroon din ng landslide sa bahagi ng highway sa Kilometer 70, Barangay Tuboran, Mawab.


Ayon sa PAGASA, nagdala ng mga pag-ulan ang shear line na nakaapekto sa silangang bahagi ng Mindanao.


Samantala, dinalhan na ng relief goods at pagkain ang mga evacuees, ayon sa lokal na pamahalaan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page