top of page
Search

ni Lolet Abania | March 6, 2021



Isang babae ang nahuli matapos na tangkang ipuslit sa loob ng Davao City Jail ang hinihinalang marijuana at ilegal na droga mula sa dala nitong pritong manok.



Kinilala ang suspek na si Audrey Madelo Millomeda, 37-anyos at residente ng Deca Homes, Barangay Cabantian, Buhangin District, Davao City.


Sa ulat, mahigpit na ipinatutupad ng mga tauhan ng Davao City Jail ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga papasok sa nasabing pasilidad.



Habang ininspeksyon ng jail guard ang mga dalang pagkain ng suspek, napansin nito na may nakahalo sa pritong manok na pakete at lumabas na ang laman ay ilegal na droga at marijuana.


Tumitimbang ng 50 grams ang ilegal na droga na may street value na P800,000. Inihahanda na ang isasampang kaso na paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek.


Matatandaang, maraming beses na ring nakarekober ng malalaking halaga ng ilegal na droga ang nasabing city jail, kung saan nakakuha nito mula sa idinikit sa mga walis na ibinigay umano ng isang religious group.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 20, 2021





Patay ang dalawang sakay ng 10-wheeler truck matapos bumangga sa poste ng kuryente sa Barangay Suawan, Marilog District, Davao City noong ika-19 ng Pebrero nang gabi.


Ayon sa ulat, patay na ang driver nang rumesponde ang Central 911 Urban Search and Rescue Team samantalang nakausap pa nila ang pahinanteng naipit sa loob ng trak ngunit kaagad ding binawian ng buhay matapos mailabas sa sasakyan.

Hanggang ngayon ay inaalam pa rin ng mga pulis ang sanhi ng insidente.


Samantala, pansamantala namang nawalan ng kuryente sa nasabing lugar dahil sa nangyari.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 13, 2021





Inumpisahan na ng Davao City ang pagpaparehistro para sa libreng pagpapabakuna kontra COVID-19.


Ayon kay Dr. Josephine Villafuerte, Vaccination Program head, 1.2 milyon Dabawenyos ang tinatarget mabakunahan ng lokal na pamahalaan. Magkakaroon ng electronic registration gamit ang SafeDavao QR o DQR code system. Aabutin ng 45-minuto ang pagpaparehistro, kabilang ang pagpapa-counselling, screening, vaccination, and post-vaccination process. Iginiit din niya na dapat sumunod sa itinakdang schedule dahil 100 na mamamayan lamang ang maaaring maturukan bawat araw.


Ipaprayoridad ang mga frontliner, matatanda, mahihirap at mga unipormadong awtoridad.


Hindi pa rin pinapayagan magpabakuna ang mga menod de edad at buntis.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page