top of page
Search

ni Lolet Abania | September 28, 2021


ree

Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) sa publiko hinggil sa pagbili ng mga puslit na gulay dahil sa posibleng pagkakaroon ng pesticide residue nito, habang iniutos ng ahensiya ang pagkumpiska sa lahat ng shipments na pumapasok sa bansa na walang mga kaukulang permit.


Ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar, inaanalisa na ng Bureau of Plant Industry (BPI) ang mga gulay na sinasabing ipinuslit sa bansa mula sa China.


“The best thing we can do meanwhile is not to buy kasi hindi natin alam ‘yung laman ng vegetables in terms of pesticide residue,” sabi ni Dar sa mga reporters sa isang virtual briefing ngayong Martes. Wala pang inisyu ang BPI ng anumang license to import ng mga karot, repolyo at luya sa mga pamilihan sa bansa, habang ayon kay Dar ang unit ay nag-isyu pa lamang ng mga permit sa frozen at processed vegetables na para sa mga embassies at hotels.


Agad na inalerto ng mga magsasaka sa Benguet ang DA at Bureau of Customs (BOC) hinggil sa mga smuggled carrots, kung saan nai-report na bumabaha ng mga ito sa mga palengke habang patuloy na nakikipagkumpetensiya sa mga local variety sa mas mababang presyo.


Hindi naman binanggit ni Dar ang tinatayang dami ng mga puslit na mga gulay dahil aniya, hindi ito nagdaan sa tamang channels kaya mahirap itong ma-estimate.


Giit pa ng DA chief, na bagaman ang ilang mga imported vegetables ay maaaring makilala sa hitsura nito, ang pinakamabuting paraan pa rin para matukoy ito ay sa pamamagitan ng testing. Una nang inatasan ni Dar ang BPI na analisahin ang mga shipment dahil sa pesticide residue, habang nagbabala rin sa publiko na ang mga imported shipment ay posibleng mayroong residue na hindi puwedeng kainin.


“We will advise the public na ‘wag tangkilikin ito, itong mga smuggled items,” sabi pa ni Dar. Naglabas na rin ng direktiba si Dar sa BPI, kung saan kumpiskahin ang lahat ng mga gulay na ipinupuslit, subalit ayon kay BPI director George Culaste mahirap itong mapatunayan.


“‘Pagka ‘yung nagbebenta na, medyo mahirap po nating kumpiskahin ‘yun kasi more on allegations. ‘Yung nagpapalusot supposedly, ‘yun ang huhulihin natin at the time na pinapalusot nila, huhulihin talaga natin ‘yan,” paliwanag ni Culaste sa naturang briefing.


Ayon kay Culaste, nakikipag-ugnayan na ang BPI sa Bureau of Customs (BOC) hinggil sa mga misdeclared goods na hindi nagdaan sa proper inspection, gayundin ang mga shipment na hinihinalang naglalaman ng mga smuggled agricultural items.

 
 

ni Lolet Abania | May 8, 2021



ree

Inaasahang ilalabas ang suggested retail price (SRP) ng mga imported na baboy sa susunod na linggo, ayon sa Department of Agriculture (DA).


Sinabi ni DA Chief William Dar, kabilang ang mga senador, susuriin at susumahin nila ang presyo nito ayon sa napagkasunduang taripa.


Aniya, nakikipag-ugnayan na rin ang ahensiya sa Department of Trade and Industry (DTI) hinggil dito. “Well, ang presyo po base dito sa pinal na ibinaba na taripa, we are now making the calculations and we are doing this in tandem, in partnership with the DTI so, baka next week i-announce namin ang suggested retail price,” ani Dar.


Matatandaang nag-isyu si Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order hinggil sa taripa ng mga imported na baboy. Subalit, ilang kongresista ang pormal na nagpasa ng resolusyon upang ipabawi ito kay Pangulong Duterte.


Gayunman, nagkasundo na ang DA at mga mambabatas sa ipinatupad na taripa sa dahilang maaaring makaapekto ito sa local hog industry.


Sinimulan ng pamahalaan ang pag-angkat ng imported na baboy sa kasagsagan ng pagdami ng kaso ng African swine fever (ASF) na labis na nakaapekto sa suplay nito sa bansa ng mga lokal na magbababoy.


Samantala, ayon kay Dar, posibleng bumuhos naman ang suplay sa bansa ng mga imported na isda, gulay at bigas habang sa ngayon ay sapat pa ang mga ito.


 
 

ni Lolet Abania | May 4, 2021



ree

Bumuo ang Department of Agriculture (DA) ng isang research team upang alamin ang potensiyal na maaaring ibigay ng antiparasitic drug na Ivermectin para maiwasan at makontrol ang pagkalat ng African swine fever (ASF).


Sa isang Special Order No. 310, series of 2021, na may petsang April 30, 2021, iniutos ni DA Secretary William Dar na magtatag ng isang research team kung saan tututok sa ASF control and prevention upang maresolbahan ang krisis sa nasabing sakit.


“The research team is tasked to prepare research proposals on the use of Ivermectin, ASF Buster, Cloud Feed and other potential products for the control and prevention of ASF,” ayon sa inilabas na special order ng DA.


“The team is also directed to conduct preliminary field trials of Ivermectin and other agents to produce science-based evidence in support to control and prevention programs of ASF,” dagdag pa ng DA.


Binubuo ang team ng mga technical advisers, kabilang na sina DA Undersecretary William Medrano, National Livestock Program Director Dr. Ruth Miclat-Sonaco, at Bureau of Animal Industry (BAI) officer-in-charge Director Dr. Reildrin Morales.


Inilagay din bilang program leader si BAI OIC-Assistant Director Dr. Rene Santiago habang si Philippine Carabao Center OIC-Deputy Executive Director for Production and Research Dr. Claro Mingala ay assistant program leader.


Ang mga project leaders naman ng research team ay sina National Dairy Authority Deputy Administrator Dr. Farrel Benjelix Magtoto, Pampanga State Agricultural University Associate Professor Dr. Rogelio Carandang, Jr., at BAI Livestock Research and Development Division chief Dr. Marivic de Vera.


Nakasaad pa sa special order na inaatasan ang research team, “to formulate and draft science-based policies for National Guidelines in using Ivermectin and other agents in the control and prevention programs of ASF and collaborate with international research and institution to conduct experiments to support claims in the use of Ivermectin and other agents.”


Matatandaang nagbigay ng matinding atensiyon sa publiko ang Ivermectin dahil sa sinasabing magagamit itong gamot kontra-COVID-19.


Gayunman, hindi pa aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang pag-inom ng tinatawag na human-grade Ivermectin sa Pilipinas. Ayon sa batas, ang Ivermectin ay maaari lamang i-prescribe sa mga hayop.


Subali't, ang FDA ay nagbigay na ng compassionate use permit para sa paggamit ng Ivermectin sa mga tao laban sa COVID-19 sa limang ospital.


Ayon naman sa FDA, ang pag-isyu nila ng compassionate use permit ay hindi nangangahulugan na ginagarantiya ng ahensiya ang safety at efficacy nito, bagkus, pinayagan lamang nila ito para sa legal administration ng gamot sa bansa.


Samantala, ang resulta ng clinical trials ng Ivermectin bilang treatment sa COVID-19 ng Department of Science and Technology (DOST) ay posibleng lumabas sa Enero 2022.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page