top of page
Search

ni Lolet Abania | January 11, 2022



Ipatutupad sa National Capital Region (NCR) ang 10 PM-4AM curfew para sa mga kabataan na nasa edad 17 at pababa, ayon kay Metro Manila Council (MMC) chairperson Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.


Sa isang interview kay Olivarez ngayong Martes, sinabi nitong bawal nang lumabas ng bahay ang mga menor-de-edad mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw sa nasabing rehiyon.


Gayunman, ayon kay Olivarez, hindi pa napagkakasunduan ng mga Metro Manila mayors ang curfew hours naman para sa mga adults.


“’Yun pong ating curfew pinatutupad po natin ‘yan sa minor. Lahat po kami, local government unit (LGU) sa Metro Manila, may specific ordinance. ‘Yung atin pong mga 17 and below ‘yan po ay pinai-implement po ang ating curfew from 10 p.m. until 4 a.m.,” sabi ni Olivarez.


“Sa minor po ‘yan that is 17 years old and below, ‘yung po adults wala pa pong curfew na pinagkakasunduan po doon,” dagdag ng opisyal.


Matatandaang isinailalim ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang NCR sa Alert Level 3 mula Enero 3 hanggang 15, 2022, kasunod ng pagtaas ng mga bagong kaso COVID-19 infections sa bansa.


Sinabi ni Olivarez na ang MMC na binubuo ng 17 alkalde ay napagkasunduan na manatili ang NCR sa ilalim ng Alert Level 3 sa kabila na ang health care utilization rate ng rehiyon ay umabot na sa 55%.


“Base sa data na ibinigay ng DOH (Department of Health) ‘yung ating health care utilization rate ay umaabot ng 55%. Doon po sa pamantayan ng ating DOH at IATF ‘yung pong 70% na healthcare utilization rate doon po umaabot ‘yung Alert Level 4, so andoon pa po tayo sa Alert Level 3,” paliwanag pa ni Olivarez.


Subalit ayon kay Olivarez na ia-assess nila ang sitwasyon matapos ang isang linggo para malaman kung nagkaroon ng pagbabago health care utilization rate.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | November 3, 2021



Aalisin na ang general curfew sa Metro Manila simula bukas, Nobyembre 4.


Gayunman, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos, mananatili ang curfew sa ilang LGU para sa mga menor de edad.


“Pumayag ang mga mayors na i-lift ang curfew this starting November 4 (The mayors agreed to lift the curfew starting November 4),” ani Abalos.


“However, meron silang mga curfew on minors. So 'yun, existing pa rin ‘yun (However, they have curfew ordinances on minors. That will be maintained), dagdag niya.


Simula noong Oktubre 13, ang curfew sa Metro Manila ay mula 12:00 midnight hanggang 4 a.m.


Kamakailan din ay inanunsiyo ni Abalos na pahahabain na rin ang operasyon ng mga mall simula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi simula Nobyembre 15.

 
 

ni Lolet Abania | October 12, 2021



Ipapatupad sa National Capital Region ang mas pinaigsing curfew na mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw simula bukas, Oktubre 13, ayon kay Metro Manila Council (MMC) head at Parañaque Mayor Edwin Olivarez ngayong Martes.


“Yes (there will be adjustment in the curfew), 12 midnight to 4 a.m. starting October 13,” ani Olivarez sa isang text message.


Sa ginanap na public address ni Pangulo Rodrigo Duterte na ipinalabas ngayong Martes, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos na ang bilang ng COVID-19 cases ay bumaba na simula nang ipatupad ang Alert Level 4.


“Noong September 16, ang kaso ng active cases ay 38,471. Ngayon po ay mababa sa kalahati. Ang 38,000 naging 17,296 na lang,” sabi ni Abalos.


Gayundin, ayon kay Abalos, ang reproduction rate nito sa NCR ay nag-improve na, mula sa 1.25 noong Setyembre 16 naging 0.61 nitong Oktubre 8.


Ang two-week growth rate ay bumaba rin ng 24.33% noong Setyembre 16 hanggang -41.84 nitong Oktubre 9.


Bukod dito, sinabi ni Abalos na ang occupancy sa mga isolation facilities ay nakapag-record ng 72% noong Setyembre 15 subalit nag-improve ito sa 42% nitong Oktubre 10.


Ayon pa kay Abalos, ang occupancy naman ng mga temporary treatment at monitoring facilities ay bumaba rin na mula 68% ay naging 32% na lamang.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page