top of page
Search

ni Thea Janica Teh | December 21, 2020




Nahuli sa video ang pagbaril ng isang pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac matapos magkaalitan nitong Linggo nang hapon.


Makikita sa video na yakap-yakap ni Sonya Gregorio, 52-anyos ang kanyang anak na si Frank Anthony Gregorio, 25-anyos habang nakikipagtalo sa pulis na kinilalang si Jonel Nuezca.


Sa pag-aaway ng mga ito ay bigla na lamang binaril ni Nuezca sa ulo nang dalawang beses ang mag-ina.


Agad namang sumuko sa Pangasinan si Nuezca na napag-alamang naka-assign sa Parañaque Crime Laboratory at umuwi lang sa Tarlac.


Ayon kay Tarlac Police Chief Liutenant Colonel Noriel Rombaoa, may isang saksi umano na nagsabing “boga” ang pinag-ugatan ng away ng mga biktima at suspek.


“Nagkaroon sila ng pagtatalo and that time naungkat yung matagal na nilang alitan tungkol sa right of way,” sabi ni Rombaoa. Dagdag pa ni Rombaoa, nagsisisi na umano ang suspek at handa itong humarap sa korte. Nahaharap sa kasong double murder ang suspek.


Sa ngayon ay inihahanda na ng mga pulis ang isasampang kaso sa kanya at humihingi pa ng ibang salaysay sa mga witness na nakakita sa insidente.


Samantala, pinaalalahanan naman ni Rombaoa ang pamilya ng biktima na huminahon at nangakong gagawin nila ang lahat upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mag-ina.


 
 

ni Twincle Esquierdo | December 4, 2020



Patay ang isang lalaking kinilalang si Noel Alverio na nakatulog sa inuman matapos pagsasaksakin ng kanyang kaibigan sa Tagbilaran, Bohol ngayong Biyernes.


Ayon sa nakasaksi, nakatulog si Alverio sa gitna ng kanilang inuman sa tabing-dagat sa Barangay Cogon. Dumating ang kaibigan nilang si Cliford Monton at pinagsasaksak sa leeg si Alverio na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.


Agad na tumakas si Monton matapos gawin ang krimen pero kinalaunan ay sumuko rin sa barangay. Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang nangyaring krimen at ang dahilan kung bakit pinatay ng salarin ang kanyang kaibigan.

 
 

ni Thea Janica Teh | November 24, 2020




Apat na ang pinaghahanap ng mga awtoridad ngayon kaugnay sa pamamaril at pagnanakaw sa isang rider na kinilalang si Niño Luegi Hernando noong Oktubre sa Valenzuela City.


Nag-viral noong Oktubre ang CCTV footage ng pagpatay at pagnanakaw sa motorsiklo at bag ni Hernando ng riding in tandem. Ang tatlong bagong suspek ay isang pulis na nasibak sa trabaho, isang AWOL na pulis at isang babaeng look-out sa krimen.


Kinilala ang dating witness at ngayon ay suspek na rin sa pagnanakaw at pagpatay kay Hernando na si Jo-anne Quijano Cabatuan. Nakilala sa pamamagitan ng CCTV footage ang riding in tandem na sina Rico Reyes alyas “Moja” at Narciso Santiago alyas “Tukmol.”


Ayon sa hepe ng Valenzuela Police na si Police Colonel Fernando Ortega, si Cabatuan umano ang kumausap kay Santiago upang ipaghiganti ang ka-live-in nitong nakulong dahil sa testimonya ni Hernando sa kasong rape.


Siya rin umano ang nagbigay ng impormasyon sa mga galaw ng biktima. Bukod pa rito, kasabwat din ng mga suspek ang dalawang pulis na kinilalang sina Police Corporal Michael Castro at Police Officer 1 Anthony Cubos.


Si Castro ay agad na nag-AWOL matapos malaman na pinaghahanap na ito ng mga awtoridad habang si Cubos naman ay nasibak na sa trabaho noong 2019 pa.


Kinilala rin si Cubos na lider ng grupong sangkot sa pagnanakaw, panghoholdap at gun for hire sa Bulacan.


Naaresto na nitong Biyernes si Castro at umamin na sa krimeng nagawa. Samantala, patuloy pa ring pinaghahanap ang iba pang mga suspek.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page