top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | October 16, 2021



Kahapon, Oktubre 15, nagsimula na ang pagbabakuna sa mga kabataang nasa edad 12 hanggang 17.


Masaya itong ibinalita ni Senator Win Gatchalian sa ginanap na Pandesal Forum ngayong World Pandesal Day na pinangunahan ng Kamuning Bakery Café.


Aniya, natupad ang kanyang isinusulong kaya’t patuloy niyang hinihikayat ang mga magulang at kabataan na magpabakuna upang agad na makabalik sa paaralan.


Uunahin daw bakunahan ang nasa 1.2 hanggang 1.5 milyon na mga batang may comorbidity.


Malaking tulong umano para masimulan ang face-to-face classes kung mababakunahan na ang mga kabataan sa bansa.


Ayon pa kay Sen. Win, kabilang ang Pilipinas sa natitirang dalawang bansa na hindi pa bumabalik sa face-to-face classes.


“Distance learning is not for long term, it is only for short term, ah, para makatawid tayo. Pero it cannot be long term,” aniya.


Matatandaang matagal nang isinusulong ni Gatchalian ang mabilisang pagbabakuna sa mga guro at kabataan upang mas bumilis ang posibilidad na makabalik sa paaralan ang mga ito.

 
 

ni Lolet Abania | October 16, 2021



Ipinahayag ng Department of Health (DOH) ngayong Sabado na walang nai-report na adverse reactions sa unang araw ng pagbabakuna ng COVID-19 vaccine ng mga kabataang edad 15 hanggang 17-anyos.


“Naging matagumpay po iyong simula ng vaccination rollout for our pediatric population with comorbidities kahapon,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa Laging Handa briefing ng PTV.


Ayon sa National Task Force against COVID-19, tinatayang nasa 1,151 kabataang edad 15 hanggang 17-anyos ang nabakunahan kontra-COVID-19 nitong Biyernes, ang unang araw ng vaccine rollout para sa mga naturang age group na mayroong comorbidities.


“Wala po tayong na-i-report na untoward, adverse reaction among these [vaccinated] children ,” sabi ni Vergeire.


Ang pagbabakuna sa mga menor-de-edad na may comorbidities ay isinagawa sa walong ospital sa Metro Manila, ang itinalagang venues para sa pilot program ng gobyerno.


Ang mga ospital ay National Children’s Hospital, Philippine Children’s Medical Center, Fe Del Mundo Medical Center, Philippine Heart Center, Pasig City Children’s Hospital, Philippine General Hospital, St. Luke’s Medical Center BGC, at Makati Medical Center.


Matapos ang mga edad 15 hanggang 17 na mabakunahan kontra-COVID-19, ang susunod na grupo na tuturukan ng vaccine ay 12-anyos hanggang 14 taong gulang.

Ayon sa NTF, ang mga kuwalipikado para sa vaccine rollout ng mga menor-de-edad (pediatric A3) na may comorbidities ay iyong mayroong medical complexity, genetic condition, neurologic conditions, metabolic or endocrine diseases, cardiovascular diseases, obesity, HIV Infection, tuberculosis, chronic respiratory disease, renal disorders, a hepatobiliary disease, at may mga immunocompromised dahil sa sakit o treatment.


Sa taya ng DOH ay nasa 1.2 milyong kabataang may comorbidities na nasa edad 12 hanggang 17-anyos sa buong bansa.


Sinabi pa ng NTF na ang susunod na vaccine rollout ay isasagawa sa lahat ng 17 local government units (LGUs) sa Metro Manila simula Oktubre 22. Gayundin, ang mga LGUs ay kailangang magtalaga ng isang ospital bilang vaccination site ng lugar.

 
 

ni Lolet Abania | October 15, 2021



Mahigit sa 1,000 kabataan na may comorbidities ang nabakunahan kontra-COVID-19 ngayong Biyernes sa pagsisimula ng pilot pediatric vaccination laban sa naturang sakit, ayon sa Department of Health (DOH).


Hanggang alas-4:00 ng hapon ngayong Biyernes, sinabi ng DOH na nai-report ng National Vaccine Operations Center (NVOC) na may kabuuang 1,031 kabataan na nasa edad 12 hanggang 17-anyos ang nabakunahan kontra-COVID-19.


Ayon sa NVOC, karamihan sa mga bata ay nagmula sa Philippine Heart Center, Makati Medical Center, St. Luke’s Medical Center-Global City, at Pasig City Children’s Hospital.


Walong ospital naman ang inilaang site para sa pilot vaccination ng mga menor-de-edad.


“Sa ating pagbibigay proteksyon sa mga kabataang ito, atin ring mapoproteksyonan ang kanilang mga mahal sa buhay. Sa ating mga magulang at mga kabataan, kayo ay aming hinihikayat na makilahok sa pagbabakunang ito,” ani DOH Secretary Francisco Duque III sa isang statement.


“Katuwang ng ating mga eksperto, doktor, at mga pediatricians, makakaasa kayong patuloy naming babantayan ang pagbabakunang ito,” dagdag niya.


Ayon sa DOH, mayroong tinatayang 1.2 milyong kabataan na may comorbidities na nasa edad 12 hanggang17- anyos sa buong bansa.


Samantala, ang mga medical conditions kung saan eligible ang isang bata para mabakunahan laban sa COVID-19 ay ang mga sumusunod:

• medical complexity (i.e. iyong may mga long term dependence sa technical support) • genetic conditions

• neurologic conditions

• metabolic/endocrine diseases

• cardiovascular diseases

• obesity • HIV infection

• tuberculosis

• chronic respiratory diseases

• renal disorders

• hepatobiliary diseases

• immunocompromised dahil sa sakit o treatment


Una nang sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang mga menor-de-edad na nais nang magpabakuna ay kailangang makakuha ng clearance mula sa kanilang doktor, gayundin dapat magbigay ng consent at pagsang-ayon.


Pinayuhan din ni Vergeire ang mga magulang na i-register ang kanilang mga anak sa kanilang local government units (LGUs).

 
 
RECOMMENDED
bottom of page