top of page
Search

ni Lolet Abania | November 4, 2021



Hindi na kailangan ng medical certificate para sa pagbabakuna ng mga kabataan na nasa 12 hanggang 17 kontra-COVID-19.


Ayon sa Department of Health (DOH), ang kailangan lamang ng mga babakunahan ay magpakita ng dokumento na magpapatunay ng kanilang filiation o guardianship sa pagitan ng bata at magulang o guardian, gayundin ng valid identification cards.


“We also would like to remind LGUs to address the concerns or barriers that hinder their constituents from getting vaccinated against COVID-19,” ani DOH sa isang mensahe sa mga reporters ngayong Huwebes.


Gayunman, ang mga menor-de-edad na may comorbidities, ay kinakailangan ng medical certification mula sa kanilang mga doktor para sila ay mabakunahan laban sa coronavirus.


Nag-isyu ng statement ang DOH matapos na magpahayag ng pagkadismaya si infectious disease specialist Benjamin Co sa mga lokal na pamahalaan na humihingi umano ng medical certificates mula sa mga minors na magpapabakuna kontra-COVID-19 na wala namang comorbidities.


Ayon pa sa DOH, nakarating na rin ang nasabing isyu sa National Vaccination Operations Center (NVOC).


Sa ngayon, umabot na sa kabuuang 40,419 minors na may comorbidities ang nabakunahan laban sa COVID-19 mula nang umpisahan ito noong Oktubre 15.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | November 4, 2021



Mahigit 49M doses ng COVID-19 vaccine ang nananatiling nakaimbak sa national cold storage facilities na hindi pa naipapamahagi sa mga LGU dahil sa isyu sa logistics.


Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., walang problema sa distribusyon ng COVID-19 vaccine sa national government kundi sa kapasidad ng mga LGU na mag-administer ng mga bakuna.


Aniya, kailangang pataasin pa ang capacity ng mga LGU sa pagbabakuna kada araw at pagbili ng kanilang cold storage system na pag-iimbakan ng COVID-19 vaccines at patuloy na hikayatin ang mga LGU na taasan ang kanilang daily vaccination outputs.


Bukod pa sa logistics, isa rin sa mga nakikitang problema sa pagbagal ng vaccination program sa bansa ang hesitancy ng mga Pilipino na magpaturok laban sa covid19 sa mga probinsiya.

 
 

ni Lolet Abania | November 2, 2021



Umabot na sa kabuuang 37,964 kabataan na may comorbidities edad 12 hanggang 17 ang nabakunahan kontra COVID-19), ayon sa National Vaccination Operations Center (NVOC).


“Nagsimula na ‘yung ating rollout ng comorbidities sa 12 to 17 years old sa iba’t ibang panig ng ating bansa noong October 29,” ani NVOC chairperson Myrna Cabotaje sa Laging Handa briefing ngayong Martes.


Hanggang Oktubre 31, ayon kay Cabotaje nasa 59.3 milyong doses na ang kanilang na-administer sa buong bansa. Tinatayang 31.9 milyong indibidwal ang nakatanggap ng unang dose ng COVID-19 vaccines habang 27.3 milyon naman ang mga fully vaccinated.

Aniya pa, 1.6 milyon o 99.75% ng mga health workers ang nakatanggap ng unang dose habang 1.5 milyon o 95.35% nabigyan na ng dalawang doses.


Sinabi rin ni Cabotaje na patuloy naman ang kanilang panawagan sa pagpapabakuna laban sa COVID-19 ng mga senior citizens.


Sa ngayon, nasa 5.1 milyon o 62.30% ng senior citizens ang nakatanggap ng first dose habang 4.7 milyon o 57.65% ang mga fully vaccinated na, bahagyang tumaas ito kumpara sa 56.22% na unang nai-report ng kalihim.


Ayon kay Cabotaje, nahihirapan ang gobyerno na makamit ang target na 70% bakunadong indibidwal dahil sa pag-aatubili ng ilan sa mga COVID-19 vaccines.


“Ang naging problema natin nu’ng umpisa, alam niyo naman, kulang ‘yung bakuna. Ngayon naman po ay sagana tayo sa bakuna, ‘yung pag-eenganyo naman sa medyo may hesitancy,” saad ni Cabotaje.


“But with the opening of the rest of the adult population… sana mapag-ibayo din ng ating pagbabakuna ng 12 sa magiging 12 and above na,” sabi pa ng opisyal.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page