top of page
Search

ni Lolet Abania | March 29, 2021




Dumating na ang isang milyong doses ng COVID-19 vaccine ng Sinovac na gawa ng China ngayong Lunes ng hapon, kung saan unang supply ito ng bakuna na binayaran ng pamahalaan na nai-deliver sa bansa.


Bandang alas-5:00 ng hapon dumating ang isang milyong doses sa Villamor Air Base sa Pasay City na first batch para sa kabuuang 25 milyong doses ng CoronaVac na kinukuha ng gobyerno.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang isang milyong doses ng Sinovac COVID-19 vaccine ay nagkakahalaga ng P700 milyon.


Base sa evaluation ng Food and Drug Administration (FDA), ang Sinovac ay may efficacy rate na 65.3% hanggang 91.2% sa mga malulusog na indibidwal na nasa edad 18 hanggang 59.


Gayunman, ang efficacy rate ng Sinovac ay umabot lamang sa 50.4% para sa healthcare workers na may exposure sa COVID-19, kaya hindi ito inirerekomenda ng FDA sa kanila.


Subalit para sa National Immunization Technical Advisory Group (NITAG), sumasang-ayon silang maaaring i-administer ang Sinovac sa mga health workers dahil anila, 100% epektibo ito upang mapigilan ang severe COVID-19 symptoms.


Inaprubahan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggamit sa isang milyong doses ng Sinovac COVID-19 vaccines na binili ng pamahalaan para mabakunahan ang mga health workers sa mga lugar na mataas ang bilang ng COVID-19 cases gaya ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Cebu City at Davao City.


Bago nai-deliver ang isang milyong doses ng CoronaVac ngayong Lunes, nakatanggap na ang bansa ng isang milyong doses ng Sinovac COVID-19 vaccine na donasyon ng gobyerno ng China habang 525,600 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine mula naman sa global aid ng COVAX facility.


Tinatayang mahigit sa 600,000 health workers na ang naturukan ng COVID-19 vaccines sa bansa.


 
 

ni Lolet Abania | March 13, 2021




Isang lalaki na dumating sa Japan mula sa Pilipinas ang na-detect ng health authorities doon na infected ng bagong COVID-19 variant, kung saan unang kumpirmado ng ganoong kaso sa nasabing bansa.


Sa isang pahayag ng National Institute of Infectious Diseases (NIID) ng Japan, ang sample ay nakolekta mula sa nasabing biyahero na nanggaling sa Pilipinas noong Pebrero 25.


Ang variant ay maihahalintulad sa unang nadiskubre sa Britain, South Africa at Brazil habang katulad din ng lebel ng panganib sa tatamaan ng virus.


Batay pa sa NIID, ang naturang variant ay mayroong N501Y at E484K, kung saan ang dalawang mutations of concern ay na-detect sa Central Visayas noong nakaraang buwan.


Ayon sa Ministry of Health, Labor and Welfare ng Japan, ang lalaki ay nasa edad 60 na dumating sa Narita airport malapit sa Tokyo at lumabas na siya ay asymptomatic.


Nagpositibo siya sa test matapos na sumailalim sa quarantine sa nasabing airport.


Gayunman, patuloy ang NIID sa mahigpit na pagpapatupad ng protocols upang maiwasan ang pagkalat ng virus.


 
 

ni Lolet Abania | December 7, 2020



Pumayag si Pangulong Rodrigo Duterte na magpabakuna kapag na-secure na ang COVID-19 vaccines emergency use authorization mula sa mga local regulators, ayon sa pahayag ng Malacañang.


Gayunman, ang vaccination ng Pangulo ay posibleng hindi masaksihan ng publiko kahit pa binibigyang-diin ng Palasyo na magdudulot ito sa lahat ng kumpiyansa sa vaccines.


“Ginawa mo namang spectacle ang Presidente,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang press briefing ngayong Lunes.


“Hindi naman kinakailangan na ipakitang live ‘yan, but in any case, it’s the President’s decision. I will not second-guess the President,” dagdag ni Roque.


Matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte na payag siyang magpabakuna sa harap ng publiko.


“Ako pagdating ng bakuna in public, para walang satsat diyan, in public, magpa-injection ako. Ako ‘yung maunang maeksperimentuhan. Okay para sa akin,” ayon kay P-Duterte sa isang televised address noong August 10, isang araw bago nagbigay ang Russia ng regulatory approval sa vaccine candidate na Sputnik V.


Pinag-aaralan ng bansa ang pagkuha ng mga vaccines na dinebelop ng United States, China, Russia, at ng United Kingdom kasabay ng pagtitiyak ng gobyerno na ang vaccination program ay mananatiling ipatutupad sa susunod na taon.


Samantala, noong nakaraang linggo, pinayagan na ni Pangulong Duterte ang Food and Drug Administration (FDA) na mag-isyu ng isang emergency use authorization (EUA) para sa COVID-19 drugs at vaccines. Ayon sa mga opisyal, ang EUA ang magbabawas ng processing time para sa pag-apruba ng vaccines na gagamitin locally mula anim na buwan at gagawing 21 araw na lamang.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page