top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 5, 2021




Ubos na ang AstraZeneca COVID-19 vaccines sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Lunes.


Kaugnay nito, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hinihintay na ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga karagdagang dokumento mula sa Sinovac Biotech upang masigurong ligtas gamitin ang kanilang bakuna sa mga nakatatanda.


Aniya, “We have coordinated [with Sinovac] already because we know na kailangan natin sa ating country because naubos na ang AstraZeneca doses natin.


“Gusto nating mabakunahan ang mga matatanda, ang ating mga senior citizens that’s why we are closely coordinating so we can get the evidence, so FDA can amend their EUA for senior citizens if ever the pieces of evidence will come in.”


Ayon sa AstraZeneca, 80% ang efficacy rate ng kanilang COVID-19 vaccine sa mga matatanda. Ang Sinovac naman ay inirerekomenda lamang ng FDA sa mga edad-18 hanggang 59.


Ngunit noong Pebrero, ayon sa opisyal ng Sinovac, maaari ring gamitin ang kanilang bakuna sa mga senior citizens.


Samantala, sa ngayon ay 2.5 million COVID-19 vaccine doses pa lamang ang natatanggap ng Pilipinas kung saan 525,000 lang ang mula sa AstraZeneca at ang iba ay Sinovac.


Sa 2.5 million doses, tinatayang aabot sa 1.5 million ang naipamahagi sa mga inoculation centers at 740,000 ang naiturok na.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 5, 2021




Nagsumite na ng aplikasyon para sa emergency use authorization (EUA) sa Pilipinas ang Janssen Pharmaceuticals ng Johnson & Johnson para sa single-dose COVID-19 vaccine, ayon sa Food and Drug Administration (FDA).


Pahayag ni FDA Chief Eric Domingo, “They submitted the application last Wednesday. Evaluation now ongoing.”


Ayon din kay Domingo, aabutin ng 2 o 3 linggo bago maaprubahan ng FDA ang EUA application ng J&J dahil daraan ito sa proseso ng evaluation.


Samantala, sa ngayon ay inaprubahan na ng FDA ang emergency use ng bakunang gawa ng Pfizer-BioNTech, AstraZeneca, Sinovac, at Gamaleya o Sputnik V.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 4, 2021




Puwede nang bakunahan kontra COVID-19 ang bawat mayor at governor mula sa mga lugar na itinuturing na high risk sa virus, batay sa kumpirmasyon ni National Task Force (NTF) Deputy Chief Implementer Vince Dizon ngayong Linggo, Abril 4.


Aniya, inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang hiling ng League of Provinces of the Philippines para maisama sa A1 priority list ang mga governor at mayor.


Dagdag pa niya, “This request was endorsed by the President to the IATF and the IATF yesterday decided to initially allow Mayors and Governors in high risk and critical areas.”


Paliwanag pa niya, mahalaga umanong mabakunahan din ang local officials sapagkat sila aniya ang commander sa mga frontliner.


Sa huling tala ay mahigit 400 na governor at mayor mula sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan nito ang nasa high risk at critical na kondisyon. Kaugnay nito, makikipag-usap ang NTF sa National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) sa mga susunod na araw upang planuhin ang sabay-sabay na pagbabakuna sa A1 hanggang A4 priority groups.


“Dapat wala pong bakuna na natetengga o naiiwan lang sa ating mga stock rooms. Kailangan talaga, we vaccinate as many Filipinos as possible. Kailangan sabay-sabay, simultaneous. Hindi na kailangang maghintayan para ang mga bakuna ay hindi nasasayang,” sabi pa ni Dizon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page