top of page
Search

ni Lolet Abania | April 26, 2021




Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ngayong Lunes ang pag-iikot ng tatlong mobile clinic na layong mabakunahan kontra-COVID-19 ang mga residente.


Ang mobile vaccination clinic ay inilunsad para sa mga residente ng lungsod na hindi marunong gumamit ng gadget at makapag-online booking ng pagbabakuna, mga senior citizens, at persons with disability (PWD).


Mayroong lifter ang isa sa mga bus upang mabuhat ang mga PWD na kanilang tuturukan ng vaccine. Isa sa mga nabakunahan kontra-COVID-19 ay street sweeper na nagsabing maayos ang pagbabakuna sa kanya at bumilib nang husto sa ganda ng mobile clinic.


Nagpabakuna rin ang isang stroke survivor na matagal nang gustong magpabakuna subalit hindi nito alam ang vaccination site.


Ginagawa ng lokal na pamahalaan ng QC ang lahat ng paraan upang maihatid ang COVID-19 vaccines sa mga residente at mabigyang proteksiyon laban sa nasabing sakit.


Ayon kay Mayor Joy Belmonte, kabilang din sa programa ng lungsod ang pagtatag ng vaccination sites sa mga community centers at elementary schools.


Maaari rin umanong magpunta sa mga malls at simbahan sa lungsod para maturukan kontra coronavirus.


Sinabi rin ni Belmonte na nagsasagawa sila ng house-to-house vaccination para naman sa mga bedridden na residente.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 24, 2021



Nabakunahan na kontra-Coronavirus disease si Canada Prime Minister Justin Trudeau gamit ang AstraZeneca COVID-19 vaccine noong Biyernes.


Sa Ottawa pharmacy nagpabakuna si Trudeau kasama ang kanyang misis na si Sophie.


Inirerekomenda sa Canada ang AstraZeneca sa mga edad 40-45, ngunit ayon sa government health advisory ng naturang bansa, safe rin ito sa mga 30-anyos pababa.


Saad ni Trudeau, “As Ontario has invited people 40 and over to receive the AstraZeneca vaccine in pharmacies, it is now our turn.


“It is a relief to know that this simple gesture helps to protect oneself, but especially to protect those we love around us.”

Panawagan din ni Trudeau sa mga mamamayan, “So, if it is also your turn, I invite you to make an appointment as soon as possible.”


Samantala, apat ang iniulat na nakaranas ng pagbaba ng platelets at pagkakaroon ng blood clotting o pamumuo ng dugo matapos maturukan ng AstraZeneca ngunit mga naka-recover din, ayon sa Health Canada.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 20, 2021




Labing-apat na milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 mula sa 4 na pharmaceutical companies ang inaasahang darating sa ‘Pinas sa ikalawang quarter ng taon, ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr. kagabi, Abril 19.


Batay sa ulat, tinatayang 1.5 million doses ng Sinovac ang maide-deliver sa bansa ngayong buwan, kabilang ang 500,000 doses na naunang dumating nitong April 11 at inaasahang masusundan pa iyon ng tig-kalahating milyong doses sa ika-22 at ika-29 ng Abril.


Inaasahang darating din ang mga bakuna ng AstraZeneca kapag natapos na ang vaccine-sharing scheme ng COVAX facility ngayong buwan.


Dagdag nito, darating na rin ngayong linggo ang paunang 20,000 doses ng Sputnik V mula sa Gamaleya Institute ng Russia at inaasahang masusundan ng 480,000 doses sa katapusan ng Abril.


Samantala, mahigit 195,000 doses ng Pfizer din ang inaasahang darating sa katapusan o sa unang linggo ng Mayo.


Pagsapit ng Mayo, magpapadala muli ang China ng karagdagang 2 million doses ng Sinovac, at susundan iyon ng 1 hanggang 2 million doses na bakuna galing sa Sputnik V. Magpapadala rin ang Moderna ng paunang 194,000 doses.


Sa Hunyo, mahigit 7 hanggang 8 million doses ang inaasahang darating sa bansa, kabilang ang 4.5 million doses ng Sinovac, 2 million doses ng Sputnik V at 1.3 million doses ng AstraZeneca.


Sa ngayon ay halos 1.4 milyong indibidwal na ang nabakunahan kontra COVID-19 na pinangunahan ng mga healthcare workers, pulis, senior citizen, may comorbidities, mga mayor at governor na nasa high risk areas.


Matatandaang inilabas na rin ang listahan ng A4 Priority Group na inaasahang mababakunahan sa kalagitnaan ng Mayo o Hunyo. Patuloy din ang online pre-registration para sa mga nais magpabakuna.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page