top of page
Search

ni Lolet Abania | September 17, 2021



Mahigit sa kalahating milyong doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine ang dumating sa bansa ngayong Biyernes nang umaga.


Lumapag ang kabuuang 661,200 doses ng AstraZeneca vaccine sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City via China Airlines flight ng alas-9:14 ng umaga, kung saan binili ang mga naturang bakuna ng pribadong sektor.


Sinalubong ito ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na aniya, 80% ng nasabing batch ng AstraZeneca vaccine ay mapupunta sa local government units (LGUs) sa labas ng National Capital Region (NCR) habang ang 20% ay para sa private sector.


Nakasama rin ni Galvez sa pagsalubong sa mga bakuna si presidential adviser for entrepreneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion.


Dagdag pa ni Galvez, inaasahan na rin ng bansa na makakatanggap ng 190,000 doses naman ng Sputnik V (Component 2) ngayong linggo o sa susunod na linggo.


“This shipment of Sputnik V vaccines shall be used for the second dose,” ani Galvez sa isang statement.


“As per our vaccine experts from the Department of Health, the gap between first and second doses of Sputnik V can be as long as six months, so no need to worry because the vaccines are arriving soon,” dagdag niya.


Sa ngayon, nakatanggap na ang Pilipinas ng mahigit sa 58 milyon vaccine doses ng COVID-19 simula noong Pebrero 28.

 
 

ni Lolet Abania | September 16, 2021



Aabot sa 10 milyon doses ng Pfizer COVID-19 vaccine ang matatanggap ng Pilipinas na donasyon ng United States, ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr.


Sa isang report ng kalihim kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipinalabas ngayong Huwebes, sinabi ni Galvez na inisyal na may alokasyon ang US na 6 milyon doses, subalit dinagdagan ito na naging 10 milyon.


Ayon pa kay Galvez na sina Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana at Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ay nagtungo kamakailan sa US para personal na pasalamatan ang Washington sa kanilang ginagawang assistance hinggil sa vaccination program ng Pilipinas.


Inianunsiyo naman nitong Martes ng World Health Organization (WHO) ang nakatakdang i-deliver sa bansa na karagdagang 10 milyong doses ng COVID-19 vaccine mula sa COVAX facility sa mga susunod na linggo.


“We expect much larger consignments to come within this third and fourth quarter to the Philippines and to many other countries who are recipients of COVAX vaccines,” pahayag ng WHO representative ng bansa na si Rabindra Abeyasinghe.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | September 14, 2021



Matapos magbukas ng Maynila ng registration sa COVID-19 vaccine para sa mga kabataang edad 12-17, nagsunuran na rin ang iba pang LGU sa NCR.


Nag-anunsyo ang Mandaluyong City government nitong Linggo na puwede nang i-rehistro ng mga magulang o guardian ang mga kabataang residente na pasok sa naturang age group sa website ng MandaVax.


Online din ang registration sa Makati City, pero para sa mga walang gadget o internet, may umiikot na jeep kung saan puwedeng magpalista.


Bukas na rin ang registration para sa mga batang edad 12 hanggang 17 sa Taguig City, sa pamamagitan ng pag-scan sa QR code o sa trace.taguig.gov.ph.



Sa lungsod ng Caloocan, inilunsad nitong weekend ang online profiling kung saan pwedeng magpalista ang mga edad 12 hanggang 17 na interesadong magpabakuna. Bisitahin lang ang link na bit.ly/Caloocan_profiling17.


Muncovac naman ang link ng registration para sa mga taga-Muntinlupa City.


Sa Quezon City, nakikipag-ugnayan din ang lokal na pamahalaan sa mga paaralan at barangay para makakuha ng masterlist ng mga edad 12 hanggang 17 anyos.


Ayon sa mga mayor, isinagawa na nila ang registration upang sa sandaling may go signal na sa pagbabakuna sa nasabing age bracket ay mayroon na silang listahan.


Ayon kay National Task Force against COVID-19 deputy chief implementer Vince Dizon, nag-aantay pa sila ng rekomendasyon kung kailan pwedeng simulan ang pagbabakuna kontra COVID ng mga bata.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page