top of page
Search

ni Lolet Abania | October 8, 2021



Dumating na ang mahigit sa 2.1 milyon doses ng Moderna vaccine at higit 660,000 doses ng AstraZeneca vaccine kontra-COVID-19 ngayong Biyernes nang umaga.


Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 via China Airlines flight CI 701 ng alas-9:35 ng umaga, ang bagong supply ng COVID-19 vaccine.


Ayon sa National Task Force Against COVID-19 (NTF), ang kabuuang 1,384,280 Moderna doses ay mapupunta sa national government habang ang 747,860 doses ay sa pribadong sektor.


Ang kabuuang 661,100 AstraZeneca doses naman ay nakalaan din sa pribadong sektor.


Sinabi pa ng NTF, hanggang nitong Miyerkules nasa 22.6 milyong Pilipino o 29.37% ng target na populasyon ay fully vaccinated na. Sinalubong naman ang mga naturang COVID-19 vaccine nina NTF chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, Metro Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos, at Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion.


Naroon din sina US Embassy Counselor for Economic Affairs David ‘Chip’ Gamble, A Dose of Hope project lead adviser Josephine Romero, AstraZeneca Philippines president Lotis Ramin, at Zuellig Pharma Corp. chief business officer Janette Jakosalem.


Tiwala naman si Galvez na kayang makamit ng Pilipinas na makapagbakuna ng 50% hanggang 70% ng target na populasyon bago matapos ang 2021.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | October 7, 2021



Kailangan umano ng batas para may basehang obligahin ang mga manggagawang magpabakuna, ayon kay Presidential Adviser Joey Concepcion.


Hindi rin daw magtatanggal ng empleyado ang pribadong sektor na tatangging kumuha ng mga bakuna, pero may mga industriya na kailangan talagang magpabakuna lalo na sa mga high risk na negosyo.


"The private sector will not fire for refusal to take the vaccines but there are high-risk businesses that really need to be vaccinated," ani Concepcion.


Ito ay inihayag matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na puwedeng gumamit ng police force para puwersahin ang mga tao na magpabakuna.


Ayon naman sa Commission on Human Rights, ang puwersahang mandatory vaccination ay labag sa karapatang pantao.


Matatandaang sinabi ng Department of Justice (DOJ) na kailangan ng batas para gawing mandatory ang pagbabakuna.

 
 

ni Lolet Abania | October 4, 2021



Nasa kabuuang P3 million in cash prizes ang ipapa-raffle ng pamahalaan sa mga Pilipinong nagpabakuna na kontra-COVID-19.


Kabilang sa prizes ang P1 milyon para sa grand draw sa December.


Batay sa anunsiyo ng raffle promo sa event sa SM City Clark sa Pampanga, 100 winners ang pipiliin para sa monthly draw na magsisimula ngayong buwan. Gayunman, ang prize para sa monthly winners ay hindi ipapahayag.


Ang partially vaccinated na indibidwal ay makakatanggap ng one raffle entry, at makakakuha ng 2 pang entries kapag nakumpleto na ang kanyang vaccination.


Para sa mga nabigyan ng single-dose vaccines, sila ay makakatanggap ng 3 raffle entries.


Ang mga senior citizens naman ay entitled para sa dobleng bilang ng raffle entries.


Nakasaad sa announcement na ang raffle promo ay sponsored ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), ka-partner ang Philippine Disaster Resilience Foundation (PDRF) at ang Department of Health (DOH).


Iba’t ibang uri na ng insentibo para sa mga nakatanggap ng COVID-19 shots ang ino-offer ng mga local government units (LGUs) sa bansa, maging sa buong mundo sa gitna ito ng pagdadalawang-isip at pag-aalangan ng maraming tao.


Samantala, base sa latest data mula sa National Vaccination Operations Center, nasa kabuuang 46,251,087 doses na ang na-administer nationwide hanggang nitong Oktubre 2.


Sa bilang na ito, tinatayang nasa 24,513,343 doses ang nakatanggap ng first shot, habang 21,737,744 naman ang second doses.


Target ng gobyerno na maging fully vaccinated ang 77 milyong indibidwal upang makamit ang herd immunity kontra-COVID-19 ng bansa.


Para alamin kung paano mag-register para sa “Resbakuna: Bakunado, Panalo” promo, panoorin ang video na ito:



 
 
RECOMMENDED
bottom of page