top of page
Search

ni Lolet Abania | January 13, 2022



Nasa kabuuang 126 universities ang nagpatupad na ng academic break simula ngayong Enero sa gitna ng pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa, ayon sa Commission on Higher Education (CHED).


Sa Laging Handa public briefing ngayong Huwebes, sinabi ni CHED chairperson Prospero De Vera III na ilang unibersidad ang nagdeklara na ng kanilang academic break bago pa man itinaas sa Alert Level 3 ang mga lugar sa bansa.


“Sa aking panayam sa mga pamantasan, 126 na mga universities ang nag-declare na ng academic break start of January pa lang,” sabi ni De Vera.


Ayon kay De Vera, karamihan sa mga unibersidad na nagpatupad ng kani-kanilang academic breaks ay sa National Capital Region, at Calabarzon.


Aniya pa, 123 universities pa ang nakatakdang magdeklara ng academic break sa pagtatapos naman ng Enero.


Sa gitna ng panawagan para sa nationwide academic break, sinabi ni De Vera na hindi na ito kailangang gawin dahil ang mga unibersidad mismo ang may deskrisyon para sa pansamantalang pagtigil ng kanilang school activities.


Samantala, para naman sa basic education level, pinayagan na ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules, ang mga regional at schools division offices na suspindihin ang mga klase ngayong Enero sa gitna pa rin ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.

 
 

ni Lolet Abania | January 13, 2022



Ipinahayag ng Food and Drug Administration (FDA) na may nag-apply na dalawang kumpanya, kung saan nagma-manufacture ng self-administered antigen COVID-19 test kit, para sa approval nito sa gitna ng pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.


Ayon kay Director Oscar Gutierrez, Jr., officer-in-charge ng FDA, ang dalawang kumpanya na nagsumite ng kanilang aplikasyon ay ang Clearbridge, Incorporated at ang MOHS Analytics, Incorporated.


“It should have 97% specificity and 80% sensitivity,” ani Gutierrez sa Laging Handa briefing ngayong Huwebes.


“The RITM (Research Institute for Tropical Medicine) has set its requirements, so I cannot predict how long the application will be resolved,” sabi ni Gutierrez.


“Once the FDA gets the validation performance report [from RITM], in 48 hours, we will decide if a special certification will be granted to the applicant,” paliwanag pa ng opisyal.


Ang pangangailangan para sa self-administered antigen COVID-19 test kit ay lalong dumami kasunod ng pagtaas ng COVID-19 positivity rate sa bansa, na nagresulta naman sa mga laboratoryo na bahain ng mga specimens ng mga indibidwal na sumailalim na sa RT-PCR test dahil sa COVID-19 symptoms o exposure sa mga nagkaroon ng coronavirus.


Dahil dito, nagiging matagal o mas tumatagal ang resulta sa isinagawang COVID-19 RT-PCR test, kung saan nagtakda na rin ang mga laboratories ng tinatayang 400 caps para sa mga specimens na maproseso ito kada araw.

 
 

ni Lolet Abania | January 13, 2022



Mahigit sa 100 tauhan ng Philippine Coast Guard ang nagpositibo sa COVID-19, ayon sa PCG ngayong Huwebes.


Batay sa ahensiya, nasa kabuuang 133 officers at personnel ng PCG mula sa national headquarters ang tinamaan ng virus. Sa ngayon, naka-quarantine na ang mga infected personnel.


Gayundin, ang tatlong opisina ng national headquarters ng PCG ay isinailalim sa temporary lockdown dahil na rin sa pagtaas ng COVID-19 cases habang isinara ito mula Enero 10 hanggang 14.


Kabilang sa ini-lockdown ay ang Office of the Deputy Chief of Coast Guard Staff for Comptrollership (CG-6), Coast Guard Public Affairs, at ang Coast Guard Finance Service.


Sinabi ng PCG na ilan sa kanilang mga tauhan na na-deploy sa “one-stop shops” na itinakda ng gobyerno ang mga tinamaan ng COVID-19.


Tiniyak naman ng ahensiya na lahat ng infected employees ay nabibigyan nila ng medical assistance habang agad nilang pinalitan ng mga bagong grupo ng personnel para hindi maantala ang kanilang operasyon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page