top of page
Search

ni Lolet Abania | January 16, 2022



Halos isang daang fully vaccinated nang healthcare workers ng Philippine General Hospital (PGH), ang nakabalik na sa kanilang trabaho limang araw matapos na tamaan o ma-expose sa COVID-19.


Sa isang radio interview ngayong Linggo, sinabi ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 medical adviser Dr. Ted Herbosa na ang bilang ng mga medical frontliners sa PGH ay nagdagdagan matapos ang halos 100 sa kanila ay ma-infect ng virus noong nakaraang linggo.


“Luckily, noong ginawa itong shorter quarantine period ay parang nakabalik ang about 90, 93 personnel agad,” sabi ni Herbosa, subalit aniya, nagpapatuloy pa rin ang impeksyon ng virus sa mga personnel ng PGH.


“’Yung dating protocol natin nakapaka-strict, ma-expose ka lang, 10 days ka nang ‘di pupunta sa ospital, ngayon ‘pag wala kang sintomas, pwedeng magtrabaho,” ani Herbosa.


Matatandaang noong Enero 7, inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpapaiksi ng isolation at quarantine periods para sa mga fully vaccinated health workers na na-infect o na-expose sa COVID-19.


Ginawa ng IATF ang anunsiyo ng bagong isolation protocol matapos ang mga naging isyu sa mga ospital na nagkukulang na ang kanilang mga staff habang tumataas ang COVID-19 infections.


Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario, simula pa lang ng taong 2022 ay tinatayang 1,100 healthcare workers na ng PGH ang na-infect ng COVID-19 na karamihan sa kanila ay nakararanas ng mild symptoms.


Paliwanag pa ni Herbosa, na ang mga COVID-19 vaccines ay hindi para huwag tamaan ng virus, kundi upang mabawasan ang tiyansa na mamatay o maospital dahil naturang sakit.


Payo niya sa publiko na patuloy na magsuot ng face masks at iwasan ang mga crowded areas para mapigilan na mahawahan ng virus.


“Mag-ingat tayo kasi madaming Omicron cases pa rin at puno ang mga ospital. So, ‘pag naospital ka, maghahanap ka rin ng ospital para makapasok kasi medyo napupuno na, naguumpisa nang mapuno ang ating mga ospital,” sabi pa ni Herbosa.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 16, 2022



Nag-aalok ng ilang libreng online course ang TESDA para sa dagdag na kaalaman sa COVID-19 prevention at management sa mga establisimyento.


Ayon kay TESDA Director Isidro Lapeña, maaaring i-access ang 10 libreng online course sa TESDA’s Online Program.


Kabilang sa mga kurso ang Contact-tracing Free Coursera Course; COVID-19 Awareness; COVID-19 General Duties; COVID-19: How to put on and remove personal protective equipment (PPE); Learning Online during COVID-19; Managing TVET during COVID-19; Standard precautions: Hand hygiene; Teaching Online During COVID-19; Health Effects of Climate Change; at Practicing COVID-19 Preventive Measures in the Workplace.


Ayon kay Lapeña, sa pamamagitan ng free online courses ay maiibsan ang pagkalat ng virus at magiging produktibo ang mamamayan sa gitna ng travel restrictions.


“As COVID-19 cases continue to rise, we are inviting everyone to enroll in our free online courses related to COVID-19 management not just to help prevent the spread of the virus but also to be productive amid travel restrictions,” aniya.


Para sa mga interesadong magrehistro, mag-enroll o tingnan ang listahan ng available courses, maaaring bisitahin ang website na www.e-tesda.gov.ph.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 16, 2022



Kasalukuyang naka-isolate si Pasig City Mayor Vico Sotto matapos magpositibo sa COVID-19.


“Hi everyone, bad news, I’ve tested positive for covid-19. I have a sore throat, fever, and body aches, but please don’t worry!” ani Sotto sa isang Facebook announcement nitong Sabado.


Gayunman, sinuguro ni Sotto na patuloy siyang magtatrabaho kahit naka-isolate sa susunod na pitong araw.


Nagbabala naman ang alkalde sa publiko hinggil sa Omicron variant na mas mabilis kumalat kaysa sa Delta variant, na nagdulot din ng surge noong nakaraang taon.


“Naka ilan close call ako sa Delta (gaya nung sa driver ko mismo) pero di ako nahawaan. Matindi talaga ang pagkalat ng Omicron-- sabi nga ng ibang eksperto, LAHAT TAYO ay mae-expose sa variant na ito. Kaya lagi po tayong mag-iingat, palakasin natin ang ating mga resistensya, at maging responsable – kung may sintomas wag na munang lumabas,” pahayag pa ni Sotto.


Nitong Sabado, umabot na sa 280,813 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page