top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | January 22, 2022



Namahagi na ang ilang local government unit (LGU) at Department of Health ng mga COVID-19 home care kits nitong Biyernes.


Laman ng mga kit ang ilang gamot gaya ng paracetamol, vitamins, sabon, mask, alcohol, at iba pang "basic symptomatic treatment."


Sa Bacoor, namamahagi na ang local government ng "Kalinga Kits" sa tulong ng Southern Tagalog Regional Hospital.


Sa Quezon City naman ay araw-araw lumalabas ang mga health official para magpadala ng health kits. Dapat lang ipaalam sa Barangay Health Emergency Response Team ang positibong resulta para makakuha ng ayudang pagkain at health kit.


Sa Malabon naman, puwedeng makakuha ng "Kalingang Malabonian Kit" kahit hindi nagpositibo basta't close contact na kailangang ma-quarantine.


Samantala, nagpaalala naman ang DOH hinggil sa paglalagay ng prescription medicine sa home care kit na ipamimigay.


"Di puwedeng lagyan ng antivirals dahil ito ay kailangan ng prescription ng doktor. Basic lang sya, di kailangan ng kung anu-ano, ang importante basic ang karga pero mas marami ang makatanggap. Kaakibat nito ang teleconsultation telemedicine," ani DOH Secretary Francisco Duque III.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 22, 2022



Kinumpirma ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato ang ikalawang kaso ng omicron variant na isang Overseas Filipino Worker (OFW) mula Saudi Arabia.


Ayon kay Hanah Ebeo, health education and promotion officer ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), ang lalaking OFW na 39-anyos mula sa bayan ng Polomolok ay nagpositibo sa COVID-19 pagdating nito sa Cebu noong Dec. 29, 2021.


Sumailalim umano ito sa dalawang linggong quarantine at itinala bilang recovered patient ng Cebu City health office noong Jan. 13 at umuwi sa bahay nito noong Jan. 15.


Ni-release naman ang genome sequencing noong Miyerkules, Jan. 19, ng University of the Philippines-Philippine Genome Center at kinumpirma rito na ang pasyente ay mayroong Omicron variant.


“But he is considered fully recovered and no longer considered a threat when he arrived in the province,” pahayag ni Ebeo sa mga reporters.


Ayon pa rito, hindi nakitaan ng anumang sign at sintomas ng COVID-19 ang pasyente at pamilya nito batay sa monitoring ng Polomolok rural health unit.


Ang OFW na ito ang ikalawang kaso ng Omicron mula Polomolok batay sa report ng IPHO. Matatandaang ang unang kaso nito ay isang 15-anyos na lalaki na walang travel history at nagpositibo noong Dec. 2, 2021.


Nakitaan na rin ng pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 ang South Cotabato sa loob ng nakaraang dalawang linggo, kung saan mayroon ditong 325 active cases nitong Huwebes mula sa bilang na 44 noong Jan. 4.


South Cotabato has been seeing an increasing number of COVID-19 infections in the past two weeks, with the active cases rising to 325 as of 4 p.m. Thursday from 44 on Jan. 4.

 
 

ni Lolet Abania | January 21, 2022



Nagbabala ang Department of Health (DOH) ngayong Biyernes hinggil sa paglalakip ng prescription medication sa mga COVID-19 home-care kits dahil maaaring magdulot ng mas maraming pinsala sa halip na magbigay benepisyo ito sa mga indibidwal na nasa ilalim ng home quarantine.


“Kapag nagbigay tayo ng homecare kits, ‘wag ho tayo maglalagay ng mga prescriptions, medications,” giit ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa Palace briefing.


“Baka ito ay mas magkaroon ng harm sa ating mga kababayan rather than giving them that benefit,” dagdag ng opisyal.


Ito ang naging tugon ni Vergeire matapos na tanungin hinggil sa pagkumpara sa “Kalinga” kits at sa ibang home care kits na ibinigay naman ng ibang mga organisasyon.


Sa mga post sa Twitter ay inihambing ng mga netizens, ang DOH kits sa mga care kits na ipinamahagi ng Office of the Vice President (OVP), kung saan mayroong isang thermometer, pulse oximeter, medical supplies, vitamins, face masks, disinfectant, at mga medisina.


Matatandaang noong Abril 2021, sinabi ni VP Leni Robredo na ang kanilang home care kits ay nabuo base sa rekomendasyon ng mga doktor na kanilang kinonsulta.


Ang DOH Kalinga kits naman ay naglalaman ng face masks, soap, alcogel, disinfection spray, at basic medicine.


Samantala, nagpasalamat naman ni Vergeire sa local government units (LGUs) na tumulong na mag-distribute habang nagdagdag ang mga ito ng marami pang items sa mga home-care kits.


“Kami rin po ay nagpapasalamat sa mga organisasyon at ibang mga local governments na talagang mas tinaasan pa nila ang antas ng mga components o mga laman ng kits na meron tayo,” sabi pa ni Vergeire.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page