top of page
Search

ni Lolet Abania | May 17, 2021




Magtatalaga na ng vaccine security at safety officers matapos ang mga napaulat na insidenteng nangyari sa COVID-19 vaccines.


Ayon sa opisyal ng Department of Health (DOH) na si Undersecretary Myrna Cabotaje sa isang interview, “Ang ating napag-usapan, kasama ang ating vaccine czar, ay magkakaroon tayo ng vaccine security and safety officer at different levels para tingnan niya ano ba ‘yung mga kailangang gawin."


Matatandaang noong nakaraang linggo, ang service boat ng Department of Agriculture na may kargang COVID-19 vaccines ay tumaob sa Quezon matapos na tumama sa isang concrete post.


Gayunman, ayon sa DOH, ang mga nasabing vaccines ay nanatili sa maayos na kondisyon dahil nakabalot ito sa dalawang layers ng plastic.


Sinabi ni Cabotaje, inatasan na ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr. ang mga military assets sa pagdadala ng mga bakuna upang matiyak ang safety nito.


Dagdag ni Cabotaje, tinalakay na rin ito noong weekend kasama ang pulisya at military representatives sa COVID-19 vaccine cluster.


Binanggit naman kanina ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kinailangan ng 24/7 monitoring ng mga bakuna para sa 348 vials ng Sinovac na nagkaproblema sa Cotabato, matapos na mai-report na dalawang araw itong nakalagay sa freezer na walang kuryente.


“As to the sanctions, they were already advised and the local government has been coordinated with by our regional office,” ani Vergeire.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 15, 2021




Lumubog sa dagat ng Ungos, Real, Quezon ang service boat ng Department of Agriculture (DA) na may lamang 2 kahon ng COVID-19 vaccines, na nakatakda sanang i-deliver sa Municipal Health Office ng Quezon.


Batay sa incident report ng Philippine Coast Guard (PCG) kahapon, nangyari ang insidente nu’ng ika-13 ng Mayo pasado alas-7 nang umaga, kung saan kabilang sa mga nakasakay sa service boat ay ang 2 personnel ng Department of Health (DOH), 2 police officers ng Polillo Municipal Police Station (MPS), kasama ang kapitan at ang motorman ng bangka.


Ayon pa sa PCG, ganap na 8:30 nang umaga nang ma-rescue sa dagat ang mga pasahero at ang COVID-19 vaccines.


Tiniyak naman ng DOH personnel na na-secure nila ang mga kahon ng bakuna at siniguradong hindi iyon na-damage.


Matatandaang napaka-sensitive ng bawat COVID-19 vaccines, kung saan bawal iyon matagtag o maalog dahil masisira kaagad. Kaya naman, sa tuwing idine-deliver ang mga bakuna sa storage facility ay tinitiyak ng driver na patag ang kalsadang daraanan upang maiwasan ang baku-bakong lugar.


Kamakailan lang din nu’ng iulat na mahigit 348 vials ng bakuna ang nasira nang dahil naman sa brownout.


Sa ngayon ay ligtas namang naihatid ang 720 doses ng COVID-29 vaccines sa health office ng Polillo at ang 920 doses sa health office ng Bordeos, Quezon.


Samantala, hindi naman binanggit ang brand ng COVID-19 vaccines na iniahon mula sa lumubog na bangka.


Paglilinaw pa ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakadoble ang plastik ng kahon at maayos nilang ipina-package ang mga bakuna bago i-deliver.


Kaugnay nito, pinaaalalahanan din ni Vergeire ang bawat local government units (LGU) na huwag lagyan ng pagkain ang refrigerator na pinag-iimbakan ng COVID-19 vaccines.


"Makikita natin, baka 'yung ibang local governments, dahil mayroon tayong 2 to 8 degrees lang na mga bakuna, baka naisasama sa mga pagkain sa refrigerator at hindi po ito tama," sabi pa niya.

 
 

ni Lolet Abania | May 13, 2021




Tinatayang P20 billion ang kinakailangang pondo ng pamahalaan upang makapagpabakuna ang nasa populasyon ng mga kabataan sa bansa kontra-COVID-19, ayon kay Department of Finance Secretary Carlos Dominguez III.


“About P20 billion for approximately 15 million teenagers,” ani Dominguez sa isang text message ngayong Huwebes.


Ito ang naging tantiya ni Dominguez matapos maiulat na pinayagan ng US regulators ang Pfizer at BioNTech’s COVID-19 vaccine na gamitin sa mga kabataan na nasa edad 12.


Naghain na rin ang Pfizer para naman sa British approval sa paggamit ng COVID-19 vaccine na nasa 12-anyos hanggang 15-anyos kung saan isinumite nila ang kanilang datos sa health regulator ng nasabing bansa.


Sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act, naglalaan ang gobyerno ng Pilipinas ng P82.5 billion para sa mass vaccination program na layong matugunan ang tinatayang 55% ng populasyon ng bansa.


Para sa anti-COVID vaccination program, target ng pamahalaan ang 50 hanggang 70 milyong Pilipino, subalit ang age bracket nito ay 18-anyos at pataas. Ang mga adolescents at mga bata ay hindi nakasama rito dahil ang available na COVID-19 vaccines pa lang ay para sa edad 18 pataas at wala pang kabataan na napabilang sa ginawang clinical trials sa bakuna.


“On top of the P20 billion estimated for teenagers’ vaccination, around P55 billion is also needed to purchase booster shots, likely for next year,” ani Dominguez.


Matatandaang noong Abril, sinabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr., na kinokonsidera na ng pamahalaan ang pagkuha ng booster shots ng Moderna kontra-COVID-19.


“We found out that Moderna is developing a booster. ‘Yung booster na ‘yun, puwedeng gamitin kahit na Sinovac o kahit na Gamaleya ang ating nauna,” ani Galvez noon sa isang congressional hearing.


Sa tanong kung paano mabubuo ng gobyerno ang pondong kailangan para sa COVID-19 vaccines sa mga kabataan, ani Dominguez, “It is still to be determined.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page