top of page
Search

ni Lolet Abania | February 6, 2022


ree

Walang nilalabag na karapatan ang gobyerno sa isasagawang pagbabakuna sa mga kabataang edad 5 hanggang 11 kontra-COVID-19, ayon sa isang opisyal ng National Vaccination Operations Center (NVOC) ngayong Linggo.


Sa isang interview kay NVOC chief at Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje, iginiit niyang ang pagbabakuna para sa naturang age group ay hindi compulsory o sapilitan. “The vaccination is not mandatory,” sabi ni Cabotaje.


“There is consent of the parent, and we have added assent, kagaya ng 12 to 17. For 7 years and above, sinasabi din natin sa bata na ito ang mangyayari sa kanya [sa pagbabakuna], ito ang ibibigay sa kanya, ito ang benefits ng bakuna at ito rin ang side effects,” paliwanag ni Cabotaje.


Una nang itinakda ng gobyerno ang pagbabakuna ng mga kabataang edad 5 hanggang 11 kontra-COVID-19 sa Lunes, Pebrero 7, sa kabila ng isang court petition na inihain para mapatigil ang vaccination drive sa naturang grupo ng mga menor-de-edad. Sisimulan ang pagbabakuna sa Metro Manila para sa edad 5 hanggang 11, bago pa ang nationwide rollout sa Pebrero 14.


Binanggit naman ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta, kung saan ang kanyang opisina ang nagrereprisinta sa dalawang magulang na nagpetisyon laban sa pediatric vaccination sa isang korte sa Quezon City, ang isang provision na maaaring payagan ang gobyerno, sa pamamagitan ng representatives mula sa social welfare department, para magbigay ng consent sa vaccination ng isang menor-de-edad kung sakaling ang bata ay gustong magpabakuna subalit tinatanggihan ng magulang o guardian.


Sinabi ni Acosta na tinutukoy lamang nito na ang pagbabakuna para sa naturang age group ay “indirectly” mandatory.


Ayon sa dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na si Domingo Cayosa, dapat na linawin ng DOH ang polisiya hinggil sa tinatawag na consent.


“Du’n kasi, nakalagay, hindi naman ‘DSWD shall’ (kundi), ‘may’... Panawagan natin sa DOH, liwanagin n’yo nga ‘yung probisyon na ‘yan,” sabi ni Cayosa sa isang interview noong nakaraang linggo.


Iginiit naman ni Cabotaje na ang mga COVID-19 vaccines sa kabuuan ay ligtas na gamitin, kung saan aniya pa, ang Pilipinas ay hindi unang bansa na mag-immunize ng mga kabataan laban sa COVID-19.


Kahit na ang mga produktong ito ay mayroon pa lamang emergency use authorization, ayon sa kalihim, maraming pag-aaral na ang isinagawa na nagpapakita ng nakukuhang benepisyo nito kumpara sa panganib na dulot ng respiratory disease.


“Alam naman natin, mas grabe ‘pag nagkasakit ‘yung bata, nagkasakit ‘yung adult ng COVID. So, the vaccine gives additional protection. It prevents severe disease, even death,” saad ni Cabotaje.


Sinabi rin ni Cabotaje na ang mga COVID-19 vaccines na kanilang ia-administer para sa mga edad 5 hanggang 11 ay may mababang formulation kumpara sa mga ibinibigay sa mga adults.


Payo rin ng health official sa mga batang may comorbidities na dapat na humingi ng clearance mula sa kanilang mga doktor bago magpabakuna.


Gayundin, ang mga batang tinamaan kamakailan ng COVID-19 aniya, “must first be deemed fully recovered before receiving the vaccine.”

 
 

ni Lolet Abania | February 6, 2022


ree

Mahigit sa 60 porsiyento na ng mga kabataang edad 12 hanggang 17 ang fully vaccinated kontra-COVID-19 mula nang simulan ang rollout ng pagbabakuna para sa naturang grupo ng menor-de-edad noong Nobyembre ng nakaraang taon, ayon sa isang opisyal ng Department of Health (DOH).


“We are happy to report na maganda naman ang coverage natin sa ating rest of pediatric population,” sabi ni DOH Undersecretary at National Vaccines Operation Center (NVOC) head Myrna Cabotaje sa isang radio interview ngayong Linggo.


“Naka-77 percent na tayo ng first dose so 8.8 million out of 11.4 million, tapos mga 65.6 % na rin ang ating second doses,” dagdag ni Cabotaje.


Subalit, ayon kay Cabotaje, ang mga batang may comorbidity ay nasa 23% lamang o 299,000 mula sa 1.2 milyong kabataan ang fully vaccinated laban sa COVID-19.


“Siyempre medyo nag-aatubili pa ‘yung mga may anak na may karamdaman,” saad ng kalihim.


Nang tanungin naman ang opisyal hinggil sa pagbibigay ng booster shots sa naturang age group, ani Cabotaje, “it is in the horizon, but there are no studies yet to recommend additional doses for children aged 12 to 17.”

 
 

ni Lolet Abania | February 4, 2022


ree

Muling magsasagawa ang bansa ng national COVID-19 vaccination drive sa ikatlong pagkakataon sa Pebrero 10 at 11, habang ang nationwide roll-out ng bakunahan para sa kabataang edad 5 hanggang 11 ay sa Pebrero 14, ayon sa isang opisyal ng Department of Health (DOH) ngayong Biyernes.


Sinabi ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje, head ng National Vaccination Operations Center, layon ng “Bayanihan Bakunahan” program na mas madagdagan ang pagbabakuna ng mga matatanda o senior citizens at mga indibidwal na may comorbidities, kung saan sa ngayon, nasa 60 hanggang 70 porsiyento ng mga edad 60 at pataas ang nabakunahan na kontra-COVID-19.


“Nationwide, although ipa-prioritize sa areas na kailangang-kailangan ng additional boost ang kanilang vaccine coverage sa senior citizens,” ani Cabotaje.


“Vaccination works. Ito po ay pinakita sa Omicron surge sa NCR (National Capital Region). Mabilis bumaba (ang mga kaso) dahil marami ang nagpabakuna,” sabi pa ng opisyal.


Samantala, ang nationwide roll-out ng COVID-19 vaccines para sa mga edad 5 hanggang 11 ay isasagawa sa Pebrero 14. Ang pagbabakuna sa naturang age group ay magpapatuloy pa rin sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Central Luzon at Calabarzon sa Lunes, Pebrero 7, bago ang gagawing nationwide rollout, na unang inanunsiyo ng DOH.


Ayon kay Cabotaje, ilang 780,000 Pfizer vaccines na para sa mga kabataang edad 5 hanggang 11 ay nakatakdang dumating ng gabi ng Biyernes matapos na aniya, ang third party logistics partner ng ahensiya ay mabigong i-load ang mga ito sa eroplano nitong Huwebes.


“They tried all their best to have alternate routes at saka saan puwede dalhin pero hindi nakaabot. We’re sure it’s going to be delivered this afternoon kasi nakasakay na yan kahapon,” paliwanag ni Cabotaje sa isangt televised public briefing.


“It has already left Brussels. It was in Hong Kong, it’s going to arrive tonight. Meron na rin kaming allocation per area depende kung ano ang na-submit nilang immediate registration,” dagdag ng kalihim.


Sinabi rin ni Cabotaje, na isa pang batch ng ilang 780,000 doses ng Pfizer vaccines ang nakatakda namang i-deliver sa Pebrero 9.


Aniya, nasa tinatayang 160,000 mga bata, kabilang ang 100,000 minors sa Metro Manila, ang nakapagrehistro na sa vaccination.


Ayon naman kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mga nakaiskedyul ng pagbabakunang menor-de-edad ay kanilang isinaayos habang iniurong ang mga petsa nito.

• Pebrero 4 , gagawing Lunes, Pebrero 7

• Pebrero 5, gagawing Martes, Pebrero 8

• Pebrero 7 at Pebrero 8, gagawing Miyerkules, Pebrero 9


Batay sa DOH data, sa ngayon ay nasa 59.4 milyong indibidwal na ang fully vaccinated habang 60.5 milyon Pinoy naman ang nakatanggap ng initial dose.


May tinatayang 7.7 milyong katao ang na-administer ng booster shots hanggang nitong Miyerkules.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page